GORGY RULA
Ngayon lang ibinahagi ni Vice Ganda ang dahilan kung bakit hindi siya pumasok sa It’s Showtime ng mahigit isang buwan.
Noong Abril 17, 2026 lamang siya nakabalik, pero hindi naman niya ikinuwento sa naturang noontime show kung bakit siya nawala ng ganun katagal.
Na-miss siya ng fans at na-miss din daw talaga niya ang araw-araw na ginagawa niya sa naturang noontime show.
“Nababaliw ako pag wala ako sa Showtime, e.
“Hindi pa dapat ako babalik pero kailangan ko nang bumalik, kasi sabi ko, I’ll go crazy,” bulalas ng Asia’s Unkabogable Superstar nang nakatsikahan ng PEP Troika sa pa-get together niya sa mga taga-SPEEd at ilang miyembro ng entertainment media noong Lunes, April 27, 2026.
WHY VICE GANDA TOOK A LEAVE FROM IT'S SHOWTIME
Ayaw niya sanang ikuwento dahil natsi-cheap-an daw siya sa nangyari sa kanya.
“Ka-cheap-an kasi yung nangyari sa akin kaya hindi ko kinukuwento, e. Parang ayoko ng optics!” medyo naaalangan pa niyang pakli.
Sabi pa niya: “Hindi…. na-injure yung right foot ko. Ahhh, may tumubong hindi ko alam… dahil sa ilang taon ko nang paghi-heels, may tumubo dito sa buto sa hinlalaki sa ilalim na [foot] corn, parang nagkakalyo siya something.
“Tapos nung nadapa ako nung ilang buwan na nakakaraan, parang na-bruise siya.
“Tapos nung sinabi nung dinala ko sa hospital, ano daw, kailangan ipa-therapy kasi may trauma yung part na yun.
“Hindi ko naman siya napa-therapy.”
Lumalala na raw ito, kaya nagpatingin na siya sa Singapore.
“So, nag-heels ako nang nag-heels pa din. So, lumala siya. Parang nabugbog siya, nagkasugat na yung paligid nung ano ko, namaga siya nang malala. Ta's, nagkulay pula, hindi ako nakakalakad.
“Ta's, una akala ko gout. So, umiinom kami ng pang-gout, hindi siya nawawala.
“Di ba, yung gout parang two days, three days, wala na siya?
“Tumagal siya ng isang linggo, dalawang linggo, hanggang sa nag-isang buwan na siyang namamaga.
“Hindi siya masakit, pero hindi ko siya kayang itapak, yung ganun.
“So, nagpunta ako ng Singapore, nagpa-check up ako. Iyon yung nakita.
“Natakot ako, akala ko… ano ba ito? Bakit isang buwan na siya, tapos hindi siya nawawala, as in lumaki yung buong paa ko.
“Kaya hindi ko nilalabas kasi ang cheap, ang pangit.
“Pero at least, ang babaw. Mas maganda na yung ganun kesa sa ano…” nag-knock na siya sa glass na mesa.
Read: Vice Ganda questions government plan for drivers amid fuel hike
NOEL FERRER
Sa mahabang bakasyon na yun ni Vice Ganda, hindi naman daw niya ito na-enjoy dahil sa kanyang kalagayan.
“Hindi ko siya na-enjoy!” bulalas ni Vice.
“Even my birthday. I wasn’t able to celebrate my birthday [Mrch 31] the way I wanted to. Dahil hindi nga ako makalakad.
“When we went to Amanpulo, hindi ako makaano sa buhangin kasi, hindi ako makatapak. So, hindi ko siya na-enjoy.
“So, hindi ako masyadong masaya. Kasi, hindi ko na-enjoy na iika-ika ako, yung ganun. Tapos, hindi ako makalabas ng bahay.
“Sabi ko nga, kung nung time na yun, meron akong nararamdaman, pero hindi pa, ang dami kong hindi napuntahang bansa.
“Dapat magso-Songkran [sa Thailand] kami, pero hindi ako nakasama, Kasi, hindi ako makalakad, e.
“Kahit Singapore, hindi ako nakapag-mall. Hindi ako nakapag-shopping. As in hotel lang, tapos diretso hospital.
“Three months akong hindi puwede mag-sapatos. Kaya, nakatsinelas ako.
“Kaya sa Showtime, nakamahaba ako, kasi nakatsinelas ako,” saad ni Vice.
Read: Vice Ganda, may "pasabog na collab" para sa MMFF 2026
JERRY OLEA
Mabuti, nandiyan daw ang asawa niyang si Ion Perez na umaaliw sa kanya.
“Sobrang bagot na bagot ako. So, inaaliw lang niya ako,” pakli ni vice Ganda.
Kung puwede lang, ayaw na raw sana niya itong ipasulat dahil hindi niya type ang ganitong kuwento.
“Huwag niyo masyado ilabas yung paa ko. Hindi maganda!”
“Vice Ganda, namaga ang paa!” sabi niya sa entertainment media na kaharap niya.
Kaya ang natutunan daw niya sa karanasang ito, “Makinig sa sinasabi ng espesyalista. Nung sinabi niya na may trauma yung right foot ko na kailangan i-therapy, dapat sumunod na ako.
“E, nawala naman. Kasi nung ginamot ko, nawala din naman. So, akala ko, okay na.
“So, ganun yung sakit, di ba? Akala mo, wala na, pero meron pa. So, kailangan idiretso mo talaga kung anong dapat gawin,” sabi pa ni Vice.
Proud naman si Vice na sa edad na singkuwenta ay wala pa siyang tine-take na maintenance at malusog daw siya.
“Nag-regular check-up kami. Kasi regular naman, ginagawa namin ni Ion sa Singapore, wala.
“Wala akong anything, I’m healthy. Yung brain ko lang daw,” napangiti niyang sambit.
Read: Vice Ganda calls to end victim-blaming in male celebs' scandal
