GORGY RULA
Tungkol pa rin sa balak na pagpapakasal ang paulit-ulit na pinag-uusapan sa magkasintahang Rayver Cruz, 36, at Julie Anne San Jose, 32.
Nakapanayam ng PEP Troika sina Rayver at Julie Anne sa media conference ng The Clash Teens noong Martes, May 26, 2026.
Sabi ni Rayver, yun pa rin ang palaging tinatanong sa kanila at wala namang bago sa kanilang sagot. Pero hindi na raw matatagalan.
Sabi naman ni Julie Anne, hindi siya ang dapat tanungin kundi si Rayver.
Saad ni Rayver: “Actually, nae-excite ako pag nakikita ko kayo. Kasi, every year, yun ang tinatanong niyo sa akin, ang mga OGs diyan.
“Ahhh… napapag-usapan naman yun. Siyempre, pag pinlano yun, kailangan maganda talaga… okay for the future.
“And one thing na masasabi ko lang talaga is, for me, personally, hindi naman naging matagal na matagal to this point.
“Talagang alam naman natin na doon papunta. Pero siguro yung mga plans, baka sa akin na lang din muna.
“Like, ngayon, paano pa siya ma-surprise kung ganun?”
JULIE ANNE PREFERS CHURCH WEDDING
Ang tiyak lang sa sagot ni Rayver ay si Julie Anne na talaga ang babaeng gusto niyang makasama forever.
“Siyempre, maraming kailangan tanungin. Of course, yung respect ko sa parents niya siyempre, kailangan.
“Basta for me, si Julie na yung gusto ko makasama habambuhay,” nakangiting sabi ni Rayver.
Kung si Julie Anne ang masusunod, gusto raw niya yung traditional church wedding.
Sabi ng Asia’s Limitless Star, “Para ako kasi, growing up talaga, parang gusto ko ng church wedding talaga.
“Like, yung traditional po talaga. Pero it really depends, e, kung ano yung pag-usapan siyempre.
“Kailangan talagang iplano. Pero, ideally, talaga church wedding.”
Read: Actress Rere Madrid, Gilas Pilipinas star Kai Sotto are now married
JERRY OLEA
Hindi raw masabi ni Julie Anne San Jose kung simple o intimate ang selebrasyon dahil malaki ang pamilya ni Rayver Cruz.
“Hindi ko rin masasabi, kasi sa side pa lang ni Ray, parang ang dami.
“Kung mag-intimate kasi, sa akin, sakto lang. Hindi naman lang din po kalaki yung circle ko,” pakli ng Asia’s Limitless Star.
Sabi naman ni Rayver: “Iyon nga yung exciting part. Maganda dun kasi, eventually, pag dumating tayo sa panahon na yun, mas masasagot na namin nang maayos yung mga questions.
“Basta kung ano man yung mangyari… mahal na mahal ko si Julie. Gagawin ko ang lahat para sa kanya. Alam naman niya yun.
“Yung sinasabi na wala akong time sa kanya, imposible yun, kasi siya na lang ang natitirang babae sa buhay ko. Totoo naman.”
Read: Child abuse complaint vs Rob Sy and partner junked
NOEL FERRER
Malaki raw ang bahagi ng The Clash sa relasyon nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz.
Sabi nga ni Julie Anne, “Every season kasi iba-iba, e. Parang ang dami din naming nabuo na memories. You know, from being friends to lovers.
“Saka ano… I’m very happy to again share the stage with Ray when it comes to hosting.
"At saka ano, parang wala kasi talagang… there was never, like, a dull moment pagka kasama ko siya.
“Kasi, masaya talagang tao si Ray. At saka kapag masaya, siyempre masaya din lahat sa trabaho, di ba?”
THE CLASH SEASON 8
Ang pagkakaiba lang daw ngayon sa ngayong 8th season ng The Clash ay teens edad mula 14 hanggang 19 ang clashers.
Bukod pa riyan, iba na ang nasa Clash Panel. Wala na sina Ai-Ai delas Alas at Lani Misalucha.
Si Christian Bautista lang ang naiwan, at makakasama niya sina Jillian Ward at JL ng BGYO.
Pero nilinaw nina Julie Anne at Rayver na bahagi pa rin sina Ai-Ai at Lani ng pamilya ng The Clash.
May komunikasyon pa rin daw sila, dahil hanggang labas ng The Clash ay maganda raw ang kanilang samahan.
Ani Julie Anne: “Actually, recently nagkausap kami, kasi bumati sila nung birthday ko, e.
"Then, si Ate Ai, okay, nagyaya nga siya ng pickleball.
“May communication pa rin. Hindi natatapos yung ano, yung relationship.
"Kumbaga, every year, siyempre naglu-look forward kami sa The Clash… we see each other.
“But, like, outside The Clash, siyempre alam mo yun, may relationship pa din talaga. Saka talagang may nabuong pagsasamahan.”
Simula June 7 ay mapapanood na sa The Clash Teens ang bagong samahan ng mga clashers.
Read: Senator Robin Padilla faces backlash over "force majeure" argument
