JERRY OLEA
Laugh trip ang one-act play na Taksyapo! na kasama sa Set D: Pusong Mamon ng Virgin Lab Fest XXI: Hubo’t Hubad.
Nag-open dress rehearsal ito noong Mayo 28, 2026, Huwebes ng gabi, sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater) sa CCP Complex. Pasay City.
Bumaha ng punchlines mula sa dalawang karakter na sina JM (Christian Bables) at Maya (Mosang).
Pero may “flood” control. Kalkulado ang daloy at ragasa lalo na sa sukdulan.
Akda ito ni John “Sweet” Lapus, at sakdal husay na idinirek ni Tuxqs Rutaquio.
Inaasam kong mapanood ito ng King of Philippine Christmas Carols na si Jose Mari Chan.
Opo! Ang JM na character ni Christian ay palayaw para sa Jose Mari.
Si Jose Mari Chan ang composer ng kantang "Please Be Careful With My Heart" (1989).
“If you love me like you tell me please be careful with my heart/ You can take it just don't break it or my world will fall apart…”
Theme song siyempre yan ng Kapamilya morning serye na Be Careful With My Heart (Hulyo 2012-Nobyembre 2014) na romance nina Maya (Jodi Sta. Maria) at Sir Chief (Richard Yap).
TAKSYAPO! IS NOT FOR DDS
Sa Taksyapo!, parehong broken heart sina JM (character ni Christian, hindi si Jose Mari Chan) at Maya (character ni Mosang, hindi ni Jodi).
Andami nilang hanash.
Wish ko rin lang na manood ng Taksyapo! si Jessica Soho. Bakit? Basta!
Yung mga DDS, huwag na huwag na huwag kayong magtangkang manood ng Taksyapo! — utang na loob. Or else… mabubudol kayo!
Sa mga nakagala na sa alinmang sangay ng SM, sa mga nakatira sa mga bayan ng Bulacan na nalulubog sa baha, sa mga nagngingitngit sa mga kurakot na government official, at sa mga acclang naagawan ng boyfriend… siguradong makaka-relate kayo sa Taksyapo!.
MUST WATCH ito para sa inyo!!!
Read: John Lapus finally breaks into Virgin Lab Fest main lineup

GORGY RULA
First timer sa Virgin Lab Fest si Christian Bables.
“Ang saya! Ang saya… pangarap ko. Pangarap kong makapag-VLF!” nakangiting bulalas ni Christian.
“And I’m just so glad na this year, natupad siya.”
Patok na patok sa audience ang mga batuhan at balagbagan nila ni Mosang.
“Awa ni God! Galing po. I think it’s also because of how we were directed by Direk Tuxqs,” saad ni Christian.
“And si Direk Sweet, very tutok din sa pag-e-execute namin nung play niya. I must say na nag-work talaga.”
Hindi pa raw napuntahan ni Christian ang Tacsiyapo Wall sa Isdaan Floating Restaurant sa Gerona, Tarlac, pero narinig na niya iyon.
“Agree ako doon sa concept [ng rage booth] kasi what a great way to release your anger and your pain, di ba?” saad ni Christian.
“Pini-physicalize mo yung release mo. So, ang galing, galing nung concept.”
May mga kinikimkim ba siyang emosyon na gusto niyang ilabas?
“Marami akong gustong ilabas. Ha! Ha! Ha! Joke lang! Pero ano, hindi kasi ako ganun na tao,” sey ni Christian.
“Lagi akong ‘let go’ agad. I don’t hold grudges… Kasi, ako ang talo pag kinimkim ko siya. Magma-manifest siya sa health ko, so ayoko.”
Read: Elijah Canlas opens up about grief and healing through Footprint
NOEL FERRER
Pinaghandaan daw talaga ni Christian Bables ang unang salang niya sa Virgin Lab Fest.
Sabi pa ni Christian: “Actually, lahat naman po ng mga proyektong ginagawa ko, pinaghahandaan ko talaga dahil sobrang love ko ang akting.”
Marami silang ad lib ni Mosang sa Taksyapo!?
Tumango si Christian: “Oo pero calculated. Planted na. Alam na ni Direk Sweet as our playwright and Direk Tuxqs as our director kung ano yung mga bibitawan naming ad lib.”
Kumustang kabatuhan ng linya si Mosang?
“Masaya. Ang saya! Una pa lang, alam kong riot na ito. Kasi kilala ko naman si Ate Mosang,” lahad ni Christian.
“I mean, lumaki naman ako na andiyan na siya.Nung ginagawa na namin ito, itong Taksyapo!, every rehearsal day, may mga nag-a-unfold na bagong… nito lang, bago kami tumuntong sa stage.
“Siguro good five minutes, tawa lang ako nang tawa. Kasi meron kaming binitawan na nagkagulatan kami.
“So, grabe ang chemistry namin ni Ate Mosang.”
LEARNING FROM EACH OTHER
May natutunan ba siya kay Mosang? May natutunan din ba si Mosang sa kanya?
“Definitely andami kong natutunan sa kanya. Kasi nga, beterana na yan pagdating sa teatro,” pag-amin ni Christian.
“Ako, unang beses ko ito na tumuntong sa stage in front of live audience.
“Andami kong natutunan sa kanya, hindi lang sa kanya. Kay Direk Sweet, kay Direk Tuxqs. Sana, may natutunan din siya sa akin.”
Ipalalabas ang mga dula ng Virgin Lab Fest 2026 mula Hunyo 3 hanggang 28 (Miyerkules hanggang Linggo) sa Tanghalang Ignacio Gimenez.
Ka-cluster ng Taksyapo! sa Set D ang Footprint starring Elijah Canlas, Meryll Soriano, Jojo Cayabyab, Omar Uddin, and Pappel; at ang Buhaghag na tampok sina Krystele Valentino, Adrienne Vergara, Jigger Sementilla, Gena Suelto, at Ethan King.
Read: Virgin Lab Fest 2026: schedules, plays, key details to know

