JERRY OLEA
Mapapanood ang Kapamilya teleseryeng Coco Martin’s Sigabo umpisa Hunyo 22, 2026, Lunes ng gabi.
Leading lady rito ni Coco ang real-life partner niyang si Julia Montes.
Ang inaabangang ABS-CBN serye ay mula sa orihinal na konsepto ni Coco, pagkatapos ng makasaysayang pag-ere ng mga programang pinagbidahan niya na FPJ’s Ang Probinsyano at FPJ’s Batang Quiapo.
Bagong putahe ang handog ni Coco at ng ABS-CBN na tiyak na tatatak sa puso ng mga Pilipino.
“Kung medyo na-delay nang konti, nung nakita po namin siya, sabi nga namin, para ba kaming may reason pala kung bakit nahinto kami nang konti,” pahayag ni Coco sa Regasco mediacon noong Mayo 30, Sabado ng umaga, sa Shangri-La Plaza, Shaw Blvd., Mandaluyong City.
“Kundi para makapagpahinga, makapag-recharge at mas mabusisi namin yung proyekto.
“At ngayong ine-edit na namin at nakita ko na po lahat ng mga kinunan namin, sobra akong haping-happy at sobra akong proud na proud.
“Kasi sinigurado po ng buong team, lalo po ng ABS-CBN, na mas pinaganda pa namin siya kumpara sa Probinsiyano at sa Batang Quiapo.
“Kaya talaga pong yung ine-expect po ng mga tao, ibibigay po namin yun. Deserved ng lahat ng mga Pilipino na kung ano man yung paghihintay na naranasan nila after Batang Quiapo, eto po, sinisigurado po namin na magugustuhan ng lahat ng mga Pilipino.
“Na makapagbibigay ng saya at inspirasyon sa lahat ng mga tahanan.”

KAPAMILYA PRIMETIME
Noong Marso 13, Biyernes, nagwakas ang FPJ’s Batang Quiapo.
Dapat sana’y eere na ang Coco Martin’s Sigabo pagsapit ng Marso 16. Minabuti ng ABS-CBN at ng team ni Coco na ipagpaliban iyon.
Ang umokopa sa 8:00 P.M. Kapamilya primetime slot umpisa Marso 16 ay yungThe Alibi: Ang Buong Katotohanan starring Kim Chiu and Paulo Avelino, na sinundan ng What Lies Beneath sa 8:45 pm timeslot.
Nagwakas ang What Lies Beneath noong Abril 1, Miyerkules Santo.
Abril 6, Lunes, nag-pilot ang Blood vs. Duty sa 8:00 P.M. timeslot ng Kapamilya primetime, at ang nagbalik sa 8:45 timeslot yung The Alibi ng KimPau.
Hindi pa ini-announce ng ABS-CBN kung ano ang timeslot ng Coco Martin’s Sigabo umpisa Hunyo 22.
Siyempre pa, kung sa 8:00 P.M. timeslot ipupuwesto ang Coco Martin’s Sigabo, ang katapat nito ay The Master Cutter ni Dingdong Dantes sa GMA 7, at A Secret in Prague nina Enrique Gil at Andrea Brillantes sa TV5.
Read: Robin Padilla faces backlash over "force majeure" argument
NOEL FERRER
First endorsement together nina Coco Martin at Julia Montes itong sa Regasco, na sinasabing "Kitchen’s Perfect Match."
Perfect match din daw kasi ang CocoJuls partnership.
Sabi ni Coco, “Kasi ngayon, sa buhay talaga natin, kaming dalawa talaga, nagtutulungan, e.
“Para tuparin yung mga pangarap namin, mga small business namin. Tapos ngayon, magkasama kami sa Sigabo.
“Kaya nung kinuha siya ng Regasco, sabi kong ganun, ang sarap sa pakiramdam.
“Kasi every day na kunyari nagpupunta kami sa ibang lugar, nagpo-promote kami, tumutulong kami sa mga tao… ngayon, magka-partner na talaga kami. Magkasama kami.
“At every time na kung ano man yung mga experiences ko na pinagdadaanan sa araw-araw sa aking buhay, sa trabaho ko, hindi ko lang maikukuwento sa kanya pag-uwi ko ng bahay kung hindi makakasama ko na siya kung nasaan man ako.
“And then, para sa akin, sobrang blessed po namin. Dahil talagang nagdidire-diretso yung mga blessing na dumarating sa buhay namin.”
THE BUSINESS MANAGER OF COCO AND JULIA
Ang manager nina Coco at Julia pagdating sa endorsement ay si Shirley Kuan o SK, kaya present ito sa Regasco mediacon ng CocoJuls.
Si SK rin ang manager ni Andrea Brillantes na lead actress sa Kapatid primetime series na A Secret in Prague, na malamang makatapat ng Coco Martin’s Sigabo umpisa Hunyo 22.
Of course, si SK din ang manager ni Bea Alonzo.
Ayaw magbigay ni SK ng anumang pahayag sa isyung "cash cow" niya si Bea kaya pinagbibintangan siyang kontra sa wedding nito with Vincent Co.
Sabi ni SK, sapat nang makita nang mga tao na kasama niya sa litrato sina Coco at Julia sa mediacon.
Read: Handsome doctor goes viral after helping passenger on flight

GORGY RULA
Pakiramdam ni Coco Martin, pilay raw siya kung hindi niya kasama si Julia Montes.
Kaya nagpapasalamat siyang hindi lang sa kanilang tahanan, kundi pati sa trabaho ay magkasama na rin sila.
Habang tumatagal daw ang kanilang pagsasama ay lalong lumalim ang kanilang relasyon.
Isa raw kasi sa sangkap ng masaya nilang pagsasama ay ang respeto sa isa’t isa.
Ani Coco: “Ako, share ko lang. Kaya siguro tumagal yung relationship namin, una siyempre kami… dati pa ito, e.
"Lagi kaming pinag-uusapan na, 'Parang sila na yata, e, ganyan-ganyan.'
“Kasi, talagang kineep namin na private yung relation namin. Kasi, alam naman natin sa show business, di ba?
“Kapag marami nang pumapasok, o marami nang nakikialam sa personal niyong buhay, dun minsan nagkakaroon ng problema.
"Which is, kami, natutunan namin, sabi ko nga sa haba ng proseso, pinaka-key yung marespeto kami sa isa’t isa.
“Kasi, sabi ko nga, yung pagmamahal kasi minsan, pag bago kayo, matindi, E, di ba? Kumbaga, bugso ng damdamin, e.
“Pero pag wala kayong respeto sa isa’t isa, later on magpe-fade yun.
“Kami ngayon, sabi ko nga, yung respeto at saka suportahan ng isa’t isa, iyon yung pinakasikreto namin. Kaya yung pagmamahal namin, mas tumitindi.
“Sinasabi ko nga, yung iba pag bago, ang tindi ng pagmamahal sa isa’t isa. Kapag tumatagal, nawawala.
“Kami, baligtad. Habang tumatagal yung relationship namin, kasi mas nagma-mature kami nang nagma-mature, mas naa-appreciate namin lalo yung isa’t isa.
"Which is, yung naging pundasyon dun, yung respeto. Saka yung pagsusuportahan.
“Kaya nga sabi ko, kung ano man minsan yung naisip ni Juls. Like kunyari, naisip niya mag-business, o support.
“Basta kung ano yung naano niya… kung ako naman nag-business, siya naman nakasuporta sa akin.
“Kahit minsan nagla-live ako sa mga ano, nandun siya, pinapanood niya ako.”
COCO AND JULIA TOGETHER AT WORK
Malaking bagay itong hanggang sa trabaho ay magkasama sila.
Bukod sa endorsement nila sa Regasco, may Coco Martin’s Sigabo, at may ginagawa pa silang pelikula.
Saad ni Coco: “Sabi ko, ngayon sa parte ng buhay. Pag tiningnan niyo po ako ngayon, halos iba, e.
"May mga kaibigan ako, pero wala ako yung barkada na makikita niyo na nasa circle ko or gumigimik ako o lumalabas ako.
“Si Julia ang lagi kong kasama sa kahit anong trabaho ko, sa lahat na mga meetings ko. Kung meron akong shoot na commercial, siya ang laging lahat.
“Kasi ang feeling ko, pag wala siya para akong napipilay, e.
“As in pag nandiyan siya, nalagay ko sa isip ko na parang nagkakaroon ako ng extra nang lakas ng loob.
“Lalo na pag may mga tanong na mga English na ano ang ibig sabihin dun….
“Yun yung bali namin. Kaya ang sabi ko, yung kahinaan ko, yun naman yung kalakasan niya.
“Kaya sabi ko nga, ngayon dun ako proud na proud na lalong-lalo na, na ngayon nasa Sigabo kami. Nasa isang proyekto kami.
“Bukod kasi dun sa Sigabo, may gagawin pa kasi kaming pelikula, e. May ginagawa kami ngayon na pelikula, and then plus ito pang Regasco.
“Kaya ang sabi ko nga po, sobra sobra talaga yung biyaya na ibinibigay sa amin ng Panginoon.
“Kaya maraming-maraming salamat po talaga.”
Read: Christian Esguerra dismayed by takedown of YSpeak 2.0 guesting
