GORGY RULA
Si Ejay Falcon ang inusisa ng PEP Troika tungkol sa lumabas na blind item na isang aktres daw ang gusto nang umalis sa kinabibilangan nitong teleserye.
Ayon sa blind item na lumabas sa social media, dismayado raw ang aktres dahil hindi siya nabibigyan ng chance makapag-ambag ng ideas sa ginagawang teleserye.
Magaling daw kasi ang aktres na ito. Madalas ay nagsa-suggest daw siya sa project na ginagawa niya at nako-consider naman ito.
Pero sa teleseryeng ginagawa raw nito ngayon ay hindi napapakinggan ang mga ambag niya, dahil meron nang team na gumagawa nito.
Mas gusto raw ng aktres na patayin na lang ang karakter niya sa teleserye.
Ang actress/writer/director na si Bela Padilla ang hula ng karamihan.
At ang teleseryeng tinutukoy ay ang Blood vs. Duty, kung saan kabilang sa cast si Ejay.
Parang ayaw naming maniwala dahil sinabi noon ng aktres na wala siyang say sa mga ginagawa at mga plano ng production ng Blood vs. Duty.
Ito ang sinasabi niya noon nang sinagot niya ang pagkuwestiyon ng netizens sa pagkuha sa tito niyang si Senator Robin Padilla sa Blood vs. Duty
Sa tingin namin, sumusunod lang si Bela kung ano ang ipinapagawa sa kanya sa seryeng pinagbibidahan nina Richard Gutierrez at Gerald Anderson.
EJAY FALCON ON BLIND ITEM ABOUT BELA PADILLA
Pero tinanong pa rin ng PEP Troika si Ejay nang nakatsikahan namin siya sa mini-presscon ng bago niyang advocacy film na Behind The Smile na ginanap sa The Vault, Bonifacio Global City, noong Huwebes, June 4, 2026.
Papatayin na ba ang karakter ni Bela sa Blood vs. Duty?
“Wala po akong alam sa ganyan,” bulalas ni Ejay.
Kagagaling lang daw niya ng taping at kasama pa rin nila si Bela.
Ayon pa kay Ejay, nangalahati na sila ng buong season, at kasama pa rin daw nila si Bela.
Ilang linggo na raw ay matatapos na ang taping nila, at magkakasama pa rin daw sila.
Saad niya: “Siyempre, pagdating po kasi sa set, focus na lang po sa character ko.
“At saka yung tensiyon kasi sa trabaho, di ba? Alam niyo naman pagod, puyat ang mga tao, so yun.”
Nagpapasalamat si Ejay sa ABS-CBN dahil magaganda ang mga project na ibinibigay sa kanya.
Katatapos lang niya ng Roja, pero nasundan ito kaagad ng Blood vs. Duty na gustung-gusto niya ang role na ipinagkatiwala sa kanya.
“Ang masasabi ko naman, sobrang satisfied ako sa role ko at very thankful ako sa JRB Creatives, sa ABS-CBN na binibigyan ako ng ganung project,” sabi pa ni Ejay.
Read: Atasha Muhlach, Jacob Ang spotted getting cozy at a wedding
JERRY OLEA
Bukod sa Blood vs. Duty, may mga pelikula pang ginagawa si Ejay Falcon.
Isa na rito ang Behind The Smile na iprinodyus ng GO Films at EVTR Trading and Construction.
Tinatalakay sa pelikula ang HIV Awareness, at excited daw si Ejay rito dahil mga kapwa taga-Mindoro ang kasama niya.
Taga-Calapan, Oriental Mindoro ang may-ari ng EVTR, pati ang direktor nitong si Lawrence Roxas.
Bukod kay Ejay, kasama rin sa Behind The Smile sina Jennica Garcia, BJ ‘Tolits’ Forbes, Mike Lloren, at ilulunsad dito ang beauty queen na si Dana Alexa.

Saad ni Ejay: “Very thankful, very proud po ako sa movie na ito kasi, una, alam ko, eye-opener ito sa ating mga kabataan.
“Bago nila gawin ang isang bagay ay pag-isipan nila ng isang libong beses… dahil dito maipapakita kung ano yung mga epekto pag nagkaroon ng HIV. Ipapakita namin sa pelikula yun.
"And second po, very proud po ako na ang director namin, si Direk Lawrence, taga-Oriental Mindoro. At ang producer po namin, taga-Oriental Mindoro din. And yung pelikula po ay ginawa sa aming probinsiya.
“Ang sarap ng feeling po na ako’y pumunta ng aming probinsiya bilang isang artista. At parang pinaparamdam ko rin po… namin ni Direk Lawrence na inilapit namin yung shooting sa aming probinsiya.
“Hindi kasi sila madalas nakakakita ng shooting.
“Kaya kami, pag nagsu-shooting kami sa Calapan, yung mga tao… na nakikita kami dun na sabi nila, ‘Oh, ganito pala yung shooting, ganito pala yung camera, ganito pala umarte yung mga artista.’ Ipinakita po namin dun.”
Read: Newlywed Pinoy couple in Canada dies after paddleboarding mishap
NOEL FERRER
Gusto raw talaga ni Ejay Falcon na gawin ang Behind The Smile kaya isiningit niya sa schedule niya ang shooting nito.
Nakikiisa raw siya sa mensaheng gustong iparating ng pelikula.
Akala raw niya ay special participation lang siya rito, pero humaba na ang role niya bilang asawa ni Jennica Garcia.
Lahad ni Ejay: “Nung unang in-offer sa akin ni Direk Lawrence, sinabi niya sa akin, ‘Bro, puwede ka ba mag-cameo role o special role? Kasi, gusto ka namin ng producer.’
“Sabi ko, ‘Anong movie?’ Kasi may ginagawa din akong serye, tapos may isa din akong movie ginagawa that time.
“Tapos, sinabi niya tungkol sa HIV. O biglang, ‘Wow,’ sabi ko, napapanahon.
“And bilang isang artista, hindi naman kasi tayo basta-basta gumagawa ng parang basta may trabaho lang.
“Hindi kasi ako ganun, e. Basta kumita lang ng pera, kahit saan puwede ka nang isalpak o puwede ka nang tumanggap nang tumanggap. Hindi po ganun si Ejay Falcon.
“Nung sinabi niya sa akin yung role, yung character, yung story, nagustuhan ko agad.
“Sabi ko, ‘Direk, sigurado ka special role ang gagawin ko, ilang eksena lang?’
“Sabi ko, 'Sobrang interesado ako dun sa material mo. Baka puwede pa natin ipakita at lagyan ng konting drama.
“Sabi ko, 'Tutulong na ako sa creative, Direk, nag-suggest na ako.'
“In fairness naman dito sa direktor na kababayan ko na napaka-humble naman po… sabi, ‘Tama, brother, gawin natin.’ Natutuwa ako na nagawa po yun.
“Kaya tuwang-tuwa po ako. Very proud po ako na makagawa ng ganitong pelikula.”
HIV CASES IN ORIENTAL MINDORO
Ibinahagi ni Direk Lawrence Roxas na kaya gusto nilang gumawa ng pelikula tungkol sa HIV awareness dahil sa isa sa pinakamataas na HIV cases ay sa Oriental Mindoro.
Saad ni Direk Lawrence: “Na-inspire po ako dito kasi sa lumalaganap na cases dito sa Pilipinas.
“At sa MIMIROPA, ang Calapan po… ang Oriental Mindoro ang pinakamaraming cases ng HIV.
“So, that is why, nung inilapit namin ito sa mga producers and investors, kumbaga, parang hindi na sila nagdalawang-isip na gawin ito.
“Talagang maipakita kung paano i-prevent… kasi talagang awareness nga ito.
"And sa tulong na rin ng city government ng aming mayor sa Calapan City ay sinuportahan kami na maipalabas ito sa buong Pilipinas na rin.”
Read: Drei Arias comes out as genderfluid pansexual during Pride Month
