GORGY RULA
"Kay Misis ang huling halakhak!"
Sey iyan ng isang bading na katsikahan namin na nalalaman ang ilang kaganapan sa pulitika at minsan sa showbiz din.
Pinag-uusapan kasi ng ilang taga-media na nasa grupo ng pulitika na hiwalay na si Kilalang Pulitiko at ang kalaguyo nitong sexy actress.
Nakilala si Sexy Actress sa isang TV network at nakagawa na ng pelikulang flopsina naman.
Mas nakilala si Sexy Actress nang nasangkot ang pangalan niya sa kilalang pulitiko dahil nag-ingay ang wifey ni Pulitiko.
Hindi lang namin natantiya kung gaano katagal ang pagsasama ng sexy actress at ng pulitiko.
Pero hayahay ang buhay ni Sexy Actress nang nagsasama sila ng sugar daddy na politician.
Hindi na napapanood si Sexy Actress sa TV show na kinabibilangan niya noon.
Kasi nga, may sarilii na siyang negosyo na inaasikaso.
Minsan ay naiimbita pa niya ang ilang close friends niyang artista na pumunta sa shop niya.
ON THE ROCKS?
Pero ang latest na nasagap ng PEP Troika, hindi na maganda ang samahan nina Sexy Actress at pulitiko.
Ang dami na raw demands ni Gurl!
Hindi na raw kinaya ni Pulitiko ang mga hinihingi ni sexy actress. Isa raw yun sa pinag-awayan nila.
Pero hindi namin alam kung ano talaga ang tunay na dahilan ng hiwalayan.
Ang sabi lang ng aming source, hindi na sila nagsasama.
Ang ending, bumalik na raw si Pulitiko sa asawa niya.
Swak ba kay misis ni Pulitiko ang kasabihang, “Kayhaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy?”
Read: Tessa Prieto opens up about ex-husband's "infidelity"
JERRY OLEA
Binasa sana at isinapuso ni Sexy Actress ang 28 golden rules sa aklat ni Jullie Yap-Daza na Etiquette for Mistresses. Available iyon sa Shopee.
At pinanood niya sana ang 2015 film of the same title na pinagbidahan nina Kris Aquino, Claudine Barretto, Iza Calzado, Cheena Crab, at Kim Chiu, sa direksyon ni Chito S. Roño.
Ngayong hiniwalayan na si Sexy Actress ni Kilalang Politician, nawa’y mapalago niya ang “puhunan” na natamo niya at hindi na siya kailangang humanap ng bagong sugar daddy.
Malapit-lapit nang mawala ang edad niya sa kalendaryo. Bumababa ang kanyang market value, ika nga.
NOEL FERRER
Tama nga ang sabi-sabi, digital na ngayon ang karma!
