JERRY OLEA
Available na ang tickets para sa Nina XX The Anniversary Celebration: The Repeat na gaganapin sa Setyembre 24, 2026 sa Newport Performing Arts Theater (NPAT), Pasay City.
Panauhin dito sina Christian Bautista, Top Suzara, at Thor, sa direksiyon ni Calvin Neria. Ang musical director ay si Soc Mina.
Ang Nina XX The Anniversary Celebration ay itinanghal noong Mayo 9 sa NPAT. Panauhin doon sina Jay Durias, Thor, at Kris Lawrence.
Sold out ang naturang show. Marami ang hindi nakapanood.
Kaya noon pa man ay nagpasya si Nina at ang producers na Echo Jham at Synth X na magkaroon ng repeat ang concert.
“Ang ganda kasi nung show for me!” bulalas ng Asia’s Diamond Soul Siren sa mediacon noong Hulyo 6, Lunes, sa 22 Prime, Discovery Suites, ADB Avenue, Ortigas Center, Pasig City.
“Ang ganda nung naging… everything! The show was wonderful and the people wanted to… hindi lang yung mga hindi nakapanood but yung mga nakapanood, gusto nilang ulitin.
“Kasi sobra silang natuwa doon sa show.”
Read: Nina delivers powerhouse vocals in two-hour anniversary concert

NINA ON TAKING CARE OF HER VOICE AND MENTAL HEALTH
Mahigit dalawang oras ang show. Sa umpisa pa lang ay bumibirit na si Nina, at panay-panay ang paghuni.
Sabi ni Nina, inaalagaan niya nang lubos ang kanyang tinig, at ang kanyang sarili.
Choice niyang maging positive sa buhay.
“Just be happy and everything will fall into place,” pakli ni Nina.
Iniiwasan niya ang stress. Pinahahalagahan niya ang kanyang privacy. Iwinawaksi niya ang toxic culture kaya hindi siya apektado o patola sa bashers.
Pagmamatuwid ni Nina, “Pag wala kang stress, mabibigyan mo ng panahon yung sarili mo na alagaan.
“So pag masaya ka, naaalagaan ang sarili mo, maaalagaan yung mga tao sa paligid mo, and ayun, magiging maganda iyung resulta nun.
“So, talagang pag-aalaga talaga ng sarili mo yun. Kung ano yung bawal, huwag gagawin. Like kunyari, huwag iinom na malamig na tubig during or after the show.
“Basta yung mga bawal for a singer. Bawal magpuyat, ganun. So, hindi ko talaga ginagawa to really preserve my voice.”
First song pa lang ni Nina sa concert, yung "There You’ll Be," ay napaka-emotional na niya. Ganoon din sa final song na "Love Moves in Mysterious Ways."
“Yung 'There You’ll Be' kasi, yung music video na iyon, it is actually dedicated to all my supporters and my fans,” saad ni Nina.
“Kasi pag nakita mo yung video ng 'There You’ll Be,' it’s all about yung concert scenes, tapos parang nandun sila lahat. Actually naging family na iyung fans ko talaga.
“Kaya yng umpisa pa lang, naiiyan na ako. Tapos nung finale talaga, naramdaman ko na lang yung 'Love Moves…' ohhh antagal na pala pero they’re still there supporting me and loving me.
“So, parang naging emotional lang talaga. Kasi yung 'Love Moves' talaga ang naging pinaka-favorite ko sa Nina Live!”
NINA LIVE! ALBUM
Pebrero 23, 2005 ini-release ng Warner Music Philippines ang Nina Live! album.
Ang first single nito ay ang "Love Moves in Mysterious Ways" na originally recorded by Julia Fordham.
Nakapaloob din sa Nina Live! ang "Through The Fire," "I Love You Goodbye," "I Don’t Want To Be Your Friend," "Piano in the Dark," at "Burn" na duet nila ni Christian Bautista.
Kinukuha sana si Christian na guest doon sa Nina XX anniversary concert last May.
Kaso, merong Bautista x Bautista concert na si Christian noong Marso 6, 2026 sa New Frontier Theater, Quezon City.
Sa repeat ng Nina XX sa September ay puwede na si Christian mag-guest.
Sabi tuloy ni Nina, “Nina Live! is alive!”
Read: 9th EDDYs Highlights and Sidelights: Maris, Rico score wins but never cross paths
NOEL FERRER
Naaliw ang maraming fans sa mga biro o pa-blind item ni Nina sa Nina XX anniversary concert. Uulitin ba niya sa repeat ng concert ang mga birong iyon?
Napangiti si Nina: “Puwede naman. Kasi, whatever comes naman din sa akin, kung ano yung mga naisip ko on that night na ibibigay ko sa kanila or mga jokes.
“Minsan kasi, minsan puwedeng magbago depende sa mood nila, ng mga tao. Natutuwa naman ako na tuwang-tuwa sila doon sa mga jokes ko.”
Nanood ng Nina XX concert ang husband niya at ang kanilang ten-year old daughter. Kumusta ang reaction nila?
“Siyempre sobrang tuwang-tuwa! I think hindi sila makapaniwala na, yun nga, it’s been 21 years since I made that album,” tugon ni Nina.
“Kasi pag nanonood din sila sa akin during my gigs, mga bar shows, yun talaga yung mga nire-request sa akin, and naririnig nila.
“And tanggap pa rin. And yun pa rin ang gusto nilang marinig in my show. And I’m so thankful for that, hindi sila nagsasawa talaga.”
GORGY RULA
Merong concert producer na gustong mag-produce ng back-to-back concert nina Nina at Kyla.
Amenable ba siya?
May producer na!
Natigilan sandali si Nina bago sumagot, “May producer na? Ay, wow! Maganda nga iyan. Ha! Ha! Ha! Siyempre yung manager ang makakasagot kung OK ba sa kanya.”
Ang sagot ng manager ni Nina na si Kathy Avellana, “Watch muna tayo ng Nina The Repeat.”
