ERRY OLEA
Ikinakasa na ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang aktibidades para sa pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month (PFIM) sa Setyembre.
Isiniwalat ito ni FDCP Chairman Jose Javier Reyes o Direk Joey nang makatsikahan ng PEP Troika sandali sa mediacon ng 22nd Cinemalaya filmfest noong Hulyo 8, 2026, Miyerkules, sa Grand Atrium ng ng Shangri-La Plaza, Shaw Blvd,, Mandaluyong City.
Aniya, ang opening film ng PFIM 2026 ay ang remastered version ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974) ni National Artist Lino Brocka.

Imbitado sa screening niyon ang mga artistang sina Christopher de Leon, Laurice Guillen, at Hilda Koronel.
Kasama sa cast ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang ang mga yumaong sina Lolita Rodriguez bilang Kuala, Eddie Garcia, Mario O’Hara, Lilia Dizon, Orlando Nadres, at Ernie Zarate.
Ang closing film ay ang political drama na Sister Stella L (1984) ni Mike de Leon.
Ang bida rito ay si Vilma Santos.
Suportado si Ate Vi nina Laurice Guillen, Jay Ilagan, Gina Alajar, Anita Linda, Liza Lorena, Adul de Leon, Eddie Infante, Ruben Rustia, Rody Vera, at Tony Santos Sr. bilang Ka Dencio.

Ang screening ay sa Metropolitan Theater ng Maynila.
SECOND GOLDEN AGE OF PHILIPPINE CINEMA
Pahayag pa ni Direk Joey: “Io-honor ang anim na pelikula ng 1976, na umpisa ng Second Golden Age of Philippine Cinema.
“Itim ni Mike de Leon. Nunal sa Tubig ni Ishmael Bernal. Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? ni Eddie Romero.
"Ano pa ba? Tatlong Taong Walang Diyos ni Mario O’Hara? Minsa’y Isang Gamu-gamo ni Lupita Concio? Insiang ni Lino Brocka?
“Iyan, iyan, iyang sinasabi mo. Anim ang paparangalan, oo,” dagdag ni Direk Joey.
“Tapos paparangalan, hindi pa nila alam... mga annual awardee at saka mga lifetime awardee.
“Sa lifetime awardees, kasama si Vic del Rosario, Manunuri ng Pelikulang Pilipino [MPP], at saka Hilda Koronel.”
Hindi pa masabi ni Direk Joey kung babalik si Hilda sa Setyembre para sa parangal sa kanya sa PFIM 2026.
Read: 1976: The Golden Year of Philippine Cinema

NATIONAL ARTIST ANNOUNCEMENT
Teka! Bakit ba hindi pa inihahayag kung sinu-sino ang bagong National Artist?
Supposedly ay noong Abril ang announcement, tapos naging Hunyo.
Noon pa inihanda ng FDCP ang poster ng pelikula kung saan kabahagi ang nababalitang bagong National Artist sa larangan ng Film and Broadcast Arts.
Napabuntong-hininga si Direk Joey: “Hindi ko rin alam. Tinanong ko si Dennis Marasigan ng CCP [Cultural Center of the Philippines], hindi niya alam.
“Tinanong ko si Eric Zerrudo ng NCCA [National Commission for Culture and the Arts], hindi rin niya alam.”
GORGY RULA
Nag-guest sina Direk Jose Javier Reyes at Direk Joel Lamangan sa Fast Talk With Boy Abunda kamakailan sa GMA-7.
Nabanggit muli roon ni Direk Joey na nag-allocate si Senador Robinhood Padilla ng PHP150M para matapos ang Philippine Film Heritage Building (PFHB) sa Intramuros, Manila, kung saan nandoon ang FDCP Cinematheque Center-Manila.
Kahit ilang beses na ito na-mention before ni Direk Joey sa mga interview, meron pa ring matitinding reakisyon ang ibang netizens.
May mga kumu-question pa.
“E, kasi, ang mga kapanahunan ngayon, napaka-toxic,” sambit ni Direk Joey.
“In fairness to Robin, he didn’t even see the money. Noong lumabas yung pera, diretso sa DPWH [Department of Public Works and Highways].
“So ako, pinapabayaan ko na lang. Kasi kung minsan, ang tao, mayroon lang masabi, magsasalita.
“Pero I feel it is unfair kay Robin. Iilan lang sa mga legislators ang talagang tumulong sa industriya [ng pelikula].
“At kita naman iyong Philippine Film Heritage Building na pinapakinabangan ng tao.
“So, hayaan mo na, hayaan mo na. Tutal, e, mas malalaking isyu ang hinaharap ng bansa.”
ROBIN PADILLA LEAVES BLOD VS. DUTY
Speaking of Robin, nagpaalam na ang karakter niya bilang Ahmad Mustapha sa Kapamilya primetime series na Blood vs Duty, na hudyat para umarangkada ang planong destabilisasyon sa gobyerno.?
Ang presidential chief of staff at kakampi ni Jalil (Gerald Anderson) ang siyang huling biktima ng mastermind na si General Manuel Carillo (Bodjie Pascua) pagkatapos ng kanilang harapan.
Mapapanood ang finale ng Blood vs. Duty sa Hulyo 24, Biyernes ng 8:45 P.M. sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live.
Read: Winnie Cordero opens up about husband's death, life after loss
NOEL FERRER
Hindi nagulat si Direk Jose Javier Reyes sa napiling first 4 entries ng 52nd Metro Manila Film Festival. (MMFF).
“Ahh, Big 4. Napili ang Big 4, yun lang ang nasabi ko,” sambit ni Direk Joey.
Sa ABS-CBN Film Productions at iba pa ang The Greatest Showdown nina Vic Sotto at Vice Ganda.

Sa GMA Pictures ang Amir nina Dennis Trillo, Will Ashley, at Argus Aspiras.

Sa Viva Communications ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach.

At sa Regal Entertainment ang Haunted Carnival nina Julia Barretto, James Reid, John Arcilla, Maricel Soriano, at Fyang Smith.

Pagmamatwid ni Direk Joey: “Well, it’s gonna be a very tight competition considering Viva has Aga, and then magic realism with Zig Dulay and GMA.
“Regal has its horror movie which is its trademark… and then, Vice Ganda and Vic Sotto. The very fact that they showed up there yesterday is already a big statement.”
Sabi ni Direk Perci Intalan ng The IdeaFirst Company, masipag nang mag-promote sina Bossing Vic at Vice.
“Yeah, yeah, because kailangan to plant the seeds, e. Pero I think the best news, aside from those four, is PHP299 ang cap [sa MMFF].
“At may ibang mga producer, ibababa ng PHP250.”
Hindi kasali riyan ang mga specialty cinema gaya ng Director’s Club at IMAX.
Pero in fairness, maraming malls ang nagbaba na ng admission price sa sinehan.
Read: Vic Sotto-Vice Ganda movie among first 4 MMFF 2026 entries
LACK OF LOCAL MOVIES IN CINEMAS
Kaya lang, last week and this week, walang bagong pelikulang Pilipino sa mga sinehan.
“That is something that we are all working for. Pinapanalangin namin na muling mag-produce ang mga Pilipino ng mga pelikula,” saad ni Direk Joey.
“Pero kasi talagang uphill battle, parang losing battle talaga. Sabi ko nga, e, sana makahanap ng incentives para gumawa ng pelikula ang mga ano.
“E, unang-una, kahit naman mga American movies, hindi rin pinapanood.”
Underwhelming yung Supergirl…
“Ang kumita lang, Toy Story 5. Kasi naman, naano ng long-drawn franchise yon,” sey ni Direk Joey.
“So mahirap, e. Kasi ang tao, unang-una, mahirap ang buhay ngayon. Ikalawa, ang prayoridad ng tao, hindi pelikula. Ang prayoridad, e, kumain. Di ba?
“So, kailangan lamang, maengganyo mo muli ang tao na manood. At iyan, hindi lamang presyo ng pelikula ang importante.
“Ang kalidad ng pelikula!”
Mukhang de kalidad lahat ang siyam na full-length films ng 22nd Cinemalaya filmfest, na mapapanood sa Agosto 6-18 sa Shangri-La Plaza, Gateway Cineplex, at select Ayala Malls cinemas.
“Kaya nga nandito ako. O, di ba? Ha! Ha! Ha! Ha!” paghalakhak ni Direk Joey.
“The very fact na last year, four out of the ten best films are from Cinemalaya, should indicate that this is an important event. Importanteng event ito.”

Read: Cinemalaya 2026 unveils 9 feature films, 10 short films, 3 books
