JERRY OLEA:
May sariling laban pa rin sa buhay si Dennis Padilla kaugnay sa mga anak nila ni Marjorie Barretto.
“Well, ganun naman talaga, e,” sabi ni Dennis sa red carpet area ng Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show noong Hulyo 30, 2026 sa Shangri-La EDSA, Ortigas Center, Mandaluyong City.
“Dahil siyempre habang tumatawid ka sa mga pagsubok, kailangan tawiran mo lang siya with dignity.
“Tawiran mo lang siya nang buong tapang. At sigurado ako na nababasa naman ng Panginoon kung ano ang laman ng puso mo, e.
“Alam ng Panginoon kung nagsisinungaling ka. Alam ng Panginoon kung saan papunta ang isip mo.
“So waiting lang ako kung ano ang magiging result sa mga challenges na iyan.”
DENNIS PADILLA ON CONFLICT WITH KIDS
Tanggap na niya na ayaw ng mga anak nila ni Marjorie na gamitin ang apelyido niyang Baldivia?
Mabilis na tugon ni Dennis, “Oo kasi adults na sila, e. All of them are adults. They can decide.
“Sabi ko nga, sa magulang, kapag masaya ang anak niya, kung anuman ang desisyon na iyun… pag masaya ang anak, automatic iyun, nagiging masaya ang magulang.”
Read: Dennis Padilla shows love letter to daughter Claudia
NOEL FERRER:
Noong Hunyo 9, 2026 sa Quezon City Hall of Justice ang hearing sana sa petition ni Claudia Barretto na huwag nang gamitin ang apelyidong Baldivia na tunay na surname ni Dennis Padilla.
Ipinagpaliban ang nasabing pagdinig. Nanawagan si Dennis na sana’y magkausap sila ni Claudia.
Nakausap na ba sila by this time?
“Hindi pa, hindi pa. I hope before September. Kasi iyung na-postpone naming hearing, last June tapos na-move ng September,” malumanay na sagot ni Dennis.
“So I’m still praying na sana before September, magkausap man lang kami.”
Nagtatampo pa ba siya?
“Hindi na. Hindi na, wala na iyan. Kasi, ano iyan, e, acceptance ba,” sambit ni Dennis.
Nagkakausap pa ba sila ni Marjorie Barretto? “Hindi na. Matagal nang hindi, e.”
Wala bang puwedeng maging tulay para magkausap sila? Halimbawa’y si Claudine Barretto na isa sa celebrity icons sa Maddox fashion extravaganza.
“E, abangan natin. Baka bukas or two days from now. Or a week, or a year,” sey ni Dennis.
“Basta ano lang... basta ako, ang dasal ko lang, magkausap kami.”
Read: Dennis says wedding rant may have led Claudia to drop Baldivia
DENNIS PADILLA ON BASHERS
GORGY RULA:
Sabi ng ilang bashers, ginagamit ni Dennis Padilla ang mga anak nila ni Marjorie Barretto para mapansin siya ng mga tao.
“E, respetuhin na lang natin iyung mga negatibo or positive opinion, respect. Respect their opinion,” hinay-hinay na komento ni Dennis.
“Ganun tayo, Pilipino tayo. Nagbibigayan tayo ng respeto sa bawat opinion ng bawat isa. Ganun tayong mga Pinoy, e.”
Nasasaktan pa ba siya sa bashers? “Dati. Pero ngayon, hindi na, e. Pinagtatawanan ko na lang.”
Sumasagot siya dati, di ba? Tumango si Dennis, “Dati, oo, pumapatol ako dati. Pero wala, nakakapagod. Saka sayang ang load!”
Paano niya tinanggap ang pasya ng mga anak nila ni Marjorie? Masakit iyon, di ba?
“Kasi, unang-una, mga adults na iyung mga bata. Adults na sila. Alam na nila iyun. Alam na nila kung ano ang dapat gawin,” pagmamatwid ni Dennis.
“Kaya mas nadalian akong natanggap. Kasi nga, alam ko na… dati kasi, underage, e. 2017 ba iyon o 2018. Siyempre mga underage pa sila, e.
“Pero ngayon, dahil adults na sila, mas madali na silang makapag-decide. So with that, happy ako for them.”
Kumusta na siya bilang tatay? “OK naman dahil… old school tayo. Kung may pagsubok na mabigat, bumabangon tayo,” saad ni Dennis.
“Paulit-ulit. Kahit na maraming pagsubok, bangon lang ulit. Tapos look at the brighter side of life. Laging ganun tayo.”
Pagkatanggal ng mga anak niya kay Marjorie sa kanyang apelyido, tanggal na rin ba ang pagiging tatay niya sa mga ito?
“Hindi naman mawawala iyun, hindi naman mawawala iyun. Kaya nga sabi ko, with or without the family name, I’m happy for my children.”
