JERRY OLEA
Sa iba’t ibang streaming platforms ay ipinapalabas ang mga pelikula at series na may mararahas o maseselang eksena.
Sa iba’t ibang internet sites nga ay naa-access din ang mga pornograpikong palabas, maging yung may violence.
Pero sa mga sinehan at free TV, nasasaklawan ang mga iyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
MTRCB ON PROPOSAL TO BAN VIOLENCE ON FILMS AND TV PROGRAMS
May panukala sa MTRCB na ipagbawal ang mga pelikula at programang pantelebisyon na may marahas na tema.
Narito ang kabuuan ng official statement ng MTRCB sa usaping ito: “Kinikilala ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang isyu tungkol sa mga pelikula at palabas sa telebisyon na may marahas na tema, at ang maaaring epekto nito sa mga kilos, pananaw at ugali ng mga kabataan.
“Ayon sa Presidential Decree No. 1986, ang mandato ng MTRCB ay magbigay ng age-appropriate classification sa mga sine at programang pang-telebisyon habang sinusuportahan ang pagyabong ng industriya.
“Itinuturing ng Ahensiya na tungkulin ng pamahalaan, mga magulang, guro, mamamahayag, digital influencers, at stakeholders mula sa film at TV industry ang proteksiyunan ang mga bata mula sa mapanganib na content.
“Ito ang dahilan kaya inilunsad ng MTRCB ang flagship Responsableng Panonood Program upang maabot ang mga magulang, guro at lokal na opisyal sa grassroots level at tulungan sila na gabayan ang media use ng mga bata gamit ang PROTECT Framework.
“Aktibong nakikipagtulungan ang MTRCB sa mga stakeholder sa movie at TV industry upang masiguro na ang pagpapahalagang Pilipino ay iginagalang sa mga pelikula, TV programs, at publicity materials, habang isinusulong ang authentic, responsible self-regulation.
“Naniniwala ang Ahensiya na ang pagbabawal sa mga sine at TV show na may marahas na tema ay maaaring paglabag sa karapatan ng mga Filipino creatives sa kalayaan sa pagpapahayag at paglikha, na itinakda sa ilalim ng Saligang Batas.
“Nananawagan ang MTRCB na maging aktibo ang mga magulang at guro sa pag-gabay sa mga bata habang nanonood sila ng TV shows at sine, o di kaya nanonood ng content sa social media platforms.
“Ito ay para maintindihang mabuti ng mga bata ang konteksto ng kanilang pinapanood, habang nagtuturo ng tamang asal at pagpapahalaga ang kanilang mga magulang.
“Naniniwala ang MTRCB sa tamang balanse ng kalayaan sa pagpapahayag at paglikha at sa indibidwal na karapatan ng mga Pilipino, habang pinoprotektahan ang mga bata mula sa marahas na content.”
Read: MTRCB: Kakampi o kalaban ng entertainment industry?
GORGY RULA
Noon pa man ay may mga reklamo sa mga primetime serye ni Coco Martin dahil sa maaksyong eksena.
Inaaksyunan ito ng MTRCB at mga taong concerned, maging yung mga reklamo sa iba pang TV programs na idinudulog sa MTRCB.
Of course, may mga reklamong mema at walang merito.
Pagdating sa pelikula, naglalabas ang MTRCB ng Pribyuhan sa kanilang Facebook page.
Ang Pribyuhan ay weekly movie rating guide.
Yung MTRCB ratings ay kaakibat na rin sa inia-announce ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) na mga pelikulang nag-o-open kung Miyerkules.
Ini-indicate ng CEAP kung earlier or later pa ang playdate ng particular movie, as the case may be.
MTRCB CLASSIFICATION RATINGS ON MOVIES SHOWING IN CINEMAS
Limang linggo ngang walang bagong Pinoy movie sa local cinemas. Mistula itong sumpa.
Ang pumutol ng sumpa ay ang horror movie na Rosario na kaugnay sa sumpa. Nag-showing ito kahapon, Agosto 5, with the rating R-13.
Ayon sa MTRCB, ang mga paglalarawan ng Rosario ng “horror, frightening scenes and occasional gore, infrequent and non-graphic depiction of violence and suffering, mature themes, moderate swear words and menacing language” ay hindi angkop sa mga edad 13 at pababa.
Hindi sakop ng MTRCB ang pagre-review sa kalidad ng pelikula o TV show.

Yung horror na Ice Cream Man ay R-18 ang nakuha mula sa MTRCB dahil sa “serial murder, psychological trauma, insanity and cannibalistic themes, all presented with a mix of horror and dark comedy.”
Ang madalas na paggamit ng strong and coarse language at ang malimit na eksena ng explicit killings, mutilation, dismemberment, severed body parts at graphic bloody injuries ay “visually explicit and disturbing” at angkop lamang sa mga nasa wastong gulang.
Ito ay may “sustained horror atmosphere featuring a deranged killer, gruesome imagery, body parts, and frightening scenes that may distress audiences not used to this genre,” dagdag ng MTRCB.
Ang paglalarawan nito ng pagpatay, kidnapping, at iba pang dangerous criminal acts ng isang disturbed o possessed individual ay hindi dapat gayahin, paliwanag ng MTRCB.

Ang 2024 horror-thriller na Sorry, Charlie ay rated R-13 dahil sa mga “depictions of horror, frightening scenes and occasional gore, infrequent and non-graphic depiction of violence and suffering, mature themes, moderate swear words and menacing language.”

Pinayagan ng MTRCB ang muling pagpapalabas ng The Notebook, The Mummy Returns at Train to Busan sa mga sinehan matapos itong bigyan ng angkop na age-rating classification.
Idiniin ni MTRCB Chair and CEO Lala Sotto ang kahalagahan ng pagsunod sa classification ratings na ibinigay sa mga pelikulang ipapalabas ngayong linggo.
“Masaya kami na ipapalabas muli ang mga hit na ito at iba pang mga pelikula. Ganunpaman, pinapaalalahanan namin ang mga magulang na sundin ang ating ratings at gabayan ang kanilang mga anak, lalo na sa mga eksenang katatakutan at karahasan,” sabi ni Chair Lala.
Ang 2004 romantic drama na The Notebook ay rated R-13 at ekslusibong ipapalabas sa Ayala Malls Cinemas.
“The material features passionate sex scenes, some partial nudity and mature and heavy themes, such as heartbreak, family conflict, death and dementia, that may not be suitable for audiences below thirteen years of age,” sabi ng MTRCB.

Ang 2001 action-fantasy film na The Mummy Returns ay naka-PG at ekslusibong mapapanood sa SM Cinemas.
Ayon sa MTRCB, mas maiintindihan ng mga bata ang “action/adventure spectacle featuring humorously treated fights and battle scenes” kung may parental supervision at guidance.

Ang isa pang SM Cinemas exclusive, ang 2016 South Korean horror na Train to Busan, ay rated R-13 dahil mayroon itong mature theme ng survival, sacrifice, death, fear, human selfishness at heroism.
Sabi ng MTRCB, ito ay may karahasan at katatakutan, at mild to moderate language na maaaring hindi angkop sa mga edad 13 at pababa.

PG rating naman ang nakamit ng virtual reality (VR) concert ATEEZ: Light the Way in Cinemas, na mapapanood din exclusively sa SM Cinemas.
Sabi ng MTRCB, mayroon itong “mild fantasy threat, suspenseful sequences, and dark thematic imagery involving a collapsing world, fire-engulfed landscapes, and pursuit by mysterious forces.”
“While these elements are not graphic or realistic, younger audiences may require parental guidance to properly understand and contextualize the fantasy themes,” dagdag ng MTRCB.
Read: MTRCB summons It's Showtime over "racist" remark, "lugaw" scene
NOEL FERRER
Noong early 2000s pa ang patakaran ng SM Cinemas na huwag magpalabas ng mga pelikulang R-18. Isa iyan sa nagbunsod sa pagkonti ng sexy or bold films.
May local movies na dalawa ang bersyon, na may kaukulang MTRCB rating… R-16 at R-18.
Yung R-16 version ay para sa SM Cinemas, at yung R-18 version ay puwede sa Ayala Malls Cinemas, Robinsons Movieworld, at independent select art-house cinemas.
Bago pa umupo si Lala Sotto bilang chairperson ng MTRCB, may agam-agam ang iba na baka saklawan ng ahensya ang streaming platforms, in particular ang Netflix.
Naging usap-usapan nga noon na baka mawala ang Netflix sa Pilipinas.
Sa ngayon ay nangungunang streaming platform ang Netflix sa bansa, maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pero andiyan din ang Amazon Prime Video, Disney+, VMX, Viu, at iba pang streaming services.
Marami nang isyung pinagdaanan ang MTRCB sa ilalim ni Chair Lala, ngunit lagi nila itong nalalagpasan.
Kung may mga nagrereklamo sa MTRCB kaugnay sa mga mararahas na eksena sa TV shows, meron din namang stakeholders na nagrereklamo sa pamamalakad nito at isinusulong na i-abolish ang MTRCB.
Pero sabi nga, ang batas ay batas. Sinusunod lang ng MTRCB ang kanilang mandato.
Nasa pagbabalanse na rin iyan. Sa pag-usad ng panahon ay nakikisabay ang MTRCB.
Read: Directors Guild, tinutulan ang MTRCB Act: "NO TO CENSORSHIP!"
