GORGY RULA
Nakaka-good vibes ang suportahan ng mga magdyodyowa sa dalawang araw na rampa namin sa Cinemalaya 22 sa Shangri-La Cinemas.
Nung Biyernes, Agosto 7, 2026, tahimik lang na sumuporta ang magandang non-showbiz misis ni Luis Allandy sa gala night ng Kaka Sa Yawan.
Ang aga nilang nakarating at nagtiyagang nakatayong naghintay sa labas ng Red Carpet cinema ng Shangri-La Plaza.
RURU & BIANCA AND RERE & KAI
Nakasabay nito ang block screening ng pelikulang Hand of God ni Ruru Madrid, at sinamahan si Ruru ng nobya niyang si Bianca Umali.
“Very proud!” bulalas ni Bianca nang sinalubong namin para hingan ng reaksiyon sa pelikula ni Ruru.

Pati ang bagong kasal na sina Kai Sotto at Rere Madrid ay dumating din para sumuporta kay Ruru.
Ang laki na ng tiyan ni Rere na super inalalayan ni Kai.

JERICHO & JANINA
Nung Agosto 8, Sabado, naman ay nakakatuwa rin ang suporta ni Jericho Rosales sa nobyang si Janine Gutierrez, na isa sa mga bida sa pelikulang Mag-iina.
Pagkatapos ng screening ay inabutan ni Echo ng bulaklak si Janine at hinalikan.
“Ang galing nila!” bulalas ni Echo nang nilapitan namin para hingan ng reaksiyon.
Kinumusta namin sa kanya ang serye nila ni Janine na The Loyalty Game na streaming ngayon sa Amazon Prime.
Magagaling silang lahat doon.
Sabi nga ni Echo, “Of course, we worked so hard on that series. Sorry, ang dami lang nangyayari dito. I’m still on that film.”
Ang tinutukoy niya ay ang Mag-iina na ibang-iba naman kasi ito para kay Janine.
“Super! Medyo may nginig pa,” sagot ni Janine nang sinabi naming ibang-iba itong Mag-iina sa mga nagawa niya.

Namataan din namin doon si Elijah Canlas na dumalo sa gala ng Mag-iina, pero solo lang siya.
Hindi na kami nagkaroon ng chance na matanong kung bakit wala siyang kasama.
Read: KATSEYE’s Sophia Laforteza takes hiatus to focus on mental health
NOEL FERRER
Ang maganda niyan, kahit nag-uulan na very typical sa Cinemalaya, go pa rin ang mga manonood ng indie films sa sinehan.
Siyempre pagbalik ko from Italia bukas, Agosto 10, uunahin ko ang pagdalo ng book launch event ng ating editor-at-large, Ma’am Jo-Ann Q. Maglipon, ang 100 Sine. Film. Pelikula.
Dadaluhan ito ng maraming artistang kasama sa 100+ great Filipino films of all time, exciting!!!

Tapos, sana makaabot ako sa screening ng Mag-iina ng mga mahal kong sina Jackie Lou Blanco, Agot Isidro, Cherry Pie Picache, at Janine Gutierrez; pati na ang malakas na hinuhulaang Best Actor na si Lucas Andalio.

Tapos sa Tuesday naman, Agosto 11, dadalo ako ng premiere ng Hand of God kung saan lalaban din sa pagka-Best Actor ang paborito kong si Ruru Madrid.
Kasama ang mahal ko ring si Iza Calzado na kahit support ay tatatak talaga sa pelikulang ito.

Yun na lang muna, hahabulin ko rin ang ibang pelikula…. pero mag-aayos pa rin ako ng sked ayon sa ganda.
Tito Gorgs, ano ang inire-recommend mong isunod kong i-prioritize na panoorin?
Read: Former actress Ramona Revilla reacts to Lito de Guzman's arrest
JERRY OLEA
Mula Agosto 6, Huwebes, hanggang Agosto 9, dagsa ang mga suki ng Cinemalaya sa Shangri-La Plaza sa kabila ng pag-ulan-ulan.
Bumabaha ang suporta sa mga pelikula. Sana, kahit weekday umpisa bukas ay go-go-go pa rin ang mga manonood.
Ayon sa isang kaibigan, ang tatlong pinakamalalakas sa full-length features ay Hand of God nina Ruru Madrid at Iza Calzado, 2 Valid IDs ni Marietta Subong aka Pokwang, at Status: Rejected nina Ruby Ruiz at Alessandra de Rossi.
Noong Sabado ng 2:30 P.M. ay sold out yung screening ng Ganggang sa Shangri-La Plaza, kaya nanood na lang ako ng gala ng Set B ng short films sa Cinema 1.
Nakatsikahan namin sandali doon si Cinemalaya Foundation President Laurice Guillen at ang sabi niya, “May good news!”
Afterwards ay gala sa Cinema 1 ng Tirik, ay namataan namin doon si Gretchen Barretto na kasama ni Mr. Tonyboy Cojuangco.

Nitong Linggo, magkasama muli sina Gretchen at Mr. Tonyboy sa 5:30 P.M. gala ng Tayo Lang Ang Nakakaalam.

Suportahan po natin lahat ng mga pelikula sa Cinemalaya 22: Reel Reflections!
