JERRY OLEA:
Ngayon lang uli nagpakita ang kontrobersyal na singer-actress na si Alexa Miro na kabilang sa pelikulang HB2Me ng Mavx Productions na magso-showing na sa mga sinehan sa August 19, 2026, Miyerkules.
Ang HB2Me ay kuwento ng mag-amang Del (John Arcilla) at Jon (Elijah Canlas), na tuwing kaarawan ni Jon na nataon ng April Fool’s Day ay pina-prank ito ng kanyang ama.
Sa premiere night ng movie noong Lunes, August 10, 2026, sa The Block ng SM North EDSA, Quezon City, tinanong namin si Alexa kung naging prank din ba sa kanya ang huling karanasan niya sa pag-ibig.
Natawa si Alexa, at tila umayon siyang naging prank daw itong nangyari sa kanyang lovelife.
“Medyo naging prank na rin sa akin kahit papano yung love. Kasi parang magugulat ka, ay! Ganun pala,” natatawang sambit ni Alexa.
“Hindi mo alam na may ganun pala. Ganun pala yung matutunan mo. Pero sa napakahirap na paraan.
“Kailangan mo munang mabaliw bago mo siya matutunan.”
Ang natutunan daw niya sa nakaraang lovelife ay lalo raw niyang nakilala ang sarili niya.
Aniya, “I think the lesson that I learned from that is no matter where life takes you, kahit gaano kataas o kalawak, dapat maalala mo kung sino ka.
“Kasi madali sa iyo kapag napaakyat ka dito, makalimutan mo kung sino ka na, madala ka sa mga pangyayari.
“Tapos medyo mahirap na makabangon dun kung nandun ka na sa baba o kaya… pero yun nga.
“After everything and ngayon nakabalik na ako kung sino ako, malaking bagay sa akin na napagdaanan ko na lahat.
“Because it wouldn’t make me stronger, it wouldn’t make me who I am now… And I’m thankful that I’m better for it.”
GORGY RULA:
Malaking tulong kay Alexa Miro ang kanyang pamilya at iba pang taong malapit sa kanya para malagpasan niya ang pinagdaanan niya sa kanyang lovelife. Ilang buwan daw muna siyang namalagi sa probinsya at hindi muna siya naglalabas.
“Lumayo muna ako sa Manila. Nag-take a break din ako sa social media and I went back to my Mom, to my Lola, my family,” malumanay na lahad ni Alexa.
“Ganun pala, no? Kapag may pinagdaanan ka, parang ang bigat. Babalik at babalik ka sa pamilya mo.
“Parang may sort of depression din siyempre na pagdadaanan mo at kailangan mo siyang pagdaanan talaga. Hindi mo siya puwedeng takasan.
“So maraming panahon na mag-isa ako sa kuwarto ko na dinamdam ko lang lahat ng iyun.
“Hanggang sa naintindihan ko why everything have to happen. And unti-unti talaga siya kung kailan ka ready.
“Huwag mo lang pilitin, pero pag kailan ka ready, dun ka na bumalik.”
NOEL FERRER:
Okay na raw si Alexa Miro at back to work na siya. Single pa rin siya, at wala pa naman daw siyang nakaka-date. Mas gusto niyang mag-focus na muna sa trabaho. Wala nang galit, kundi pagmamahal na lang ang nasa puso niya.
“I’m at peace and I’m ready for new opportunities. Wala na rin akong galit o inis sa kahit na sino. So, buo na ulit yung puso ko,” saad ni Alexa.
Sa panayam kay Alexa, hindi nabanggit kung sino itong taong tinutukoy niya. Nagkakaintindihan na lang kung sino ito, at aminado siyang hanggang ngayon ay nandiyan pa rin ang pagmamahal niya sa taong ito.
“Kasi po hindi naman po mawawala yung pagmamahal. Opo. Pero hindi na siya romantic,” pakli ni Alexa.
“I will always love him and be thankful for him in everything that I learned from that.”
Wala na raw silang komunikasyon. Noong nakaraang Pasko lang daw sila nagkabatian ng Merry Christmas.
“Last na nung Christmas. We just said a Merry Christmas to each other or I think new year. We just wished each other well,” sambit ni Alexa.
Kung magkaroon ng chance, puwede naman daw silang maging friends.
“Possible. Why not? I haven’t seen him since…you know..”
Ang tanging hangad lang niya ay okay pa rin ang dating boyfriend at sana raw ay makakaya nito ang mga pinagdaanan nila ngayong nahaharap din sa mainit na isyu ng pulitika.
“Ngayon, I just wish him well. Sana nakakaya niya lahat na mga nangyayari.
“At sana yung pagkakilala ko sa kanya bilang mabuting tao panghahawakan niya kahit ano pang haharapin nila.
“Lalo na siyempre, pabigat nang pabigat ang mga nangyayari.
“Naniniwala naman ako na he has a good head on his shoulders.
“I believe in his integrity. Mabait naman yun, matalino at may pakialam talaga sa taumbayan.
“Sana huwag niyang kalimutan na panghahawakan yung tama,” sey ni Alexa. Nabanggit si Kyline Alcantara na nadawit sa isyu ng kanilang break-up. Hindi pa naman daw sila nagkasalubong man lang ni Kyline.
“Hindi! Kasi hindi ako nagma-Manila, hindi ako lumalabas. Ngayon pa lang ako lumalabas ulit,” sabi ni Alexa.
