JERRY OLEA
Sa unang weekend pa lang ng Cinemalaya 22: Reel Reflections ay lumutang na sina Marietta Subong aka Pokwang at Ruby Ruiz bilang frontrunners for best actress.
Pukpukan din sa takilya ang kani-kanyang pelikula na 2 Valid IDs at Status: Rejected. Sold out kung sold out!
Sa book launch ng Sine. Film. Pelikula: The 100+ Greatest Films of Philippine Cinema noong Agosto 10, Lunes, sa Cinema 3 ng Shangri-La Plaza, Mandaluyong City, nagkaharap-harap kami nina Ruby at FDCP Chairperson Jose Javier Reyes.
Sabi ko kay Direk Joey, sina Ruby at Pokwang ang strong contenders for best actress sa Cinemalaya 2026.
Pagbibiro ni Direk Joey, sureball na sanang best actress si Ruby kung nagpakita ito ng dede.
Sa script ng Status: Rejected, nakalagay na magpapakita ng isang boobey ang 69-anyos na si Virginia “Biring” Divinagracia, yung karakter ni Ruby.
Nag-suggest daw ang direktor na si Vahn Leinard Pascual na kumuha ng dobol para sa eksenang iyon. Tumanggi si Ruby.
Sa susunod, kaya na ba niyang magpakita ng dibdib, o maging mas mapangahas pa?
Napangiti si Ruby, “Depende. Ha! Ha! Ha! Ha! Depende sa pangangailangan ng istorya.”
RUBY AND POKWANG: "NORA-VILMA" OF CINEMALAYA 2026
Bago mag-umpisa ang awards ceremony noong Agosto 17, Lunes, sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza, biniro namin si Ruby na sila ni Pokwang ang Nora-Vilma ng Cinemalaya 2026 ayon kay Direk Jeffrey Jeturian.
Ang hirit ni Ruby, “Hindi ba puwedeng Sharon-Maricel?”
Nang magtabla bilang best supporting actor ang dalawang paslit na sina Lucas Andalio (Mag-iina) at KD Omalin (Hand of God), inasam naming sana’y tabla rin bilang best actress sina Ruby at Pokwang.
Nang i-announce ng presenter na si John Arcilla na silang dalawa nga ang best actress, hawak-kamay silang umakyat sa entablado, halatang masaya para sa isa’t isa.
Naghalikan pa sila! Smack kiss!
Naunang mag-acceptance speech si Pokwang.
Nang turn na ni Ruby, ang kanyang naibulalas, “Status: Accepted!”
Read: Cinemalaya 2026: Pokwang and Ruby Ruiz tie for Best Actress

NOEL FERRER
Ruby Ruiz was cited for “an absolute masterclass in screen acting; for her pitch-perfect balance of mischievous spunk and delicate melancholy; for making herself a deeply human center of Pinay folly and absurdity; for making complex, heavy emotional scenes look entirely effortless; and for grounding a quirky online romance in the quiet, heartbreaking vulnerability of an aging woman yearning for love and companionship.”
Nag-congratulate si Ruby kay Mamang.
Ani Ruby, hindi siya naghanda ng acceptance speech dahil alam niyang maraming surpresa ang Cinemalaya.
“Huwag kang masyadong naniniwala sa social media o mga sabi-sabi dahil kakaiba ang Cinemalaya,” sambit ni Ruby.
“Kaya kapag nabigyan ka ng Balanghai, talagang pahalagahan mo. Dahil pinaghirapan ito, you know.
“Hindi siya nabibili, alam mo yung ganun. So, sobrang karangalan po na makatanggap ng sinasabi nila, baka hindi na ako makatanggap dahil nakatanggap na ako dati.
“Bawat Balanghai po, pinaghihirapan ng bawat artista.”
Nag-uumapaw ang pasasalamat ni Ruby sa Cinemalaya at CCP.
“Dahil talaga pong kayo ang nagbigay ng recognition sa akin para makilala ako!” sey ni Ruby.
“Galing po ako sa theater, alam ng iba iyon. Pero hindi naman po ako talaga kilala sa industry, sa main.”
MULTI-AWARDED CINEMALAYA ACTRESS
Naging best actress ng Cinemalaya si Ruby para sa Iska (2019), at best supporting actress para sa Ekstra (2013) at Ginhawa (2022).
Nagsawa ba siya sa pagtanggap ng Balanghai trophy?
“Hindi mo pagsasawaan tanggapin dahil isang malaking karangalan ang makatatanggap ng isang Cinemalaya Balanghai,” pahayag ni Ruby matapos ang seremonya.
“Status: Accepted kami, hindi rejected. Ang nakakatuwa kasi, simpleng kuwentong pang-araw araw.
“Hindi namin sukat-akalain na grabe ang magiging impact sa mga katulad kong matatanda na, kundi pati sa kabataan.
“Kaya talagang sobrang nagpapasalamat ako na nag-resonate yung kuwentong ito… yung character ni Biring sa maraming kabataan, sa marami ring matatanda.”

Si Eddie Garcia ay may tatlong best actor award sa Cinemalaya, para sa ICU Bed #7 (2005), Bwakaw (2012), at ML (2018).
Sabi-sabi, magka-level na raw sila! “Isang karangalan yun na maging ka-level niya dahil sa dami ng Balanghai,” komento ni Ruby.
“Pero sana naman matagal pa ang buhay ko… Tito Eddie.
“Yes! Sobrang ano e. Balanghai is very very prestigious. Pero sobrang pasasalamat ko sa Cinemalaya. Dahil feeling ko, sa larangan ng pelikula, dito ako nagsimulang ma-recognize… sa Cinemalaya.”
In-expect ba niyang magtamo muli ng Balanghai trophy?
“Ako po… kasi maraming prediction na ganun. Gusto ko po, kasi ayoko ring merong nadi-disappoint, honestly,” sey ni Ruby.
“Pero katulad ng sinabi ko kanina sa acceptance speech ko, hindi ako nag-prepare.
“Kasi alam kong Cinemalaya, e. Parang magugulat ka, yun pala ang pinili na deserved din naman. Ganun.
“Hindi po ako nag-expect. Although, I was praying, I was hoping, yun.
“Pero natutuwa ako na pareho kaming binigyan ng recognition ni Mamang Pokwang. Para alam mo happy lahat, di ba? Kasi deserving namang pareho, e.
“Ano yun, dahil sa kuwento, palagay ko. Dahil sa istorya namin, kaya malaki ang pasasalamat ko kay Direk Vahn Leinard Pascual, at sa mga co-actors na hindi ko napasalamatan kanina.
“Si Alessandra de Rossi and Yani Villarosa, and Tita Beverly [Salviejo]. Hindi ko naman magagawa yung mga eksena kung hindi sa mga tulong nila, e. Pasasalamat.”
Read: Mag-iina director Giancarlo Abrahan calls out political dynasties
GORGY RULA
Marietta Subong aka Pokwang was cited for “a deeply transformative and devastating performance; for courageously shedding her comedic roots to deliver a riveting, grounded portrayal; and for her touching emotional control, impressively encapsulating in her portrayal the raw frustration, quiet dignity.”
Sold-out Queen na, Best Actress pa!
“Maraming-maraming salamat, unang-una sa bumubuo po ng Cinemalaya, CCP, thank you so much, sa jurors,” sabi ni Pokwang nang mainterbyu namin.
“Sa 2 Valid IDs director ko, kay Direk Ma-an, kay Abet, ang aming writer, sa producer namin, si Gio, sa mga co-actors ko, kay Tsong Joey, Meryll, Zaijian, thank you.
“And of course, lalung-lalo na sa lahat po nung mga nanood, gumastos. Bagyo man yan, nandiyan sila!
“Kayo ang dahilan kung bakit po buhay pa rin ang industriya. Maraming salamat!”

POKWANG REACTS TO "NORA-VILMA" TAG WITH RUBY RUIZ
Mala-Nora-Vilma raw sila ni Ruby Ruiz!
“Malayo! Malayo naman! Marami pa kaming kakainin ni Ate Ruby,” pagpapakumbaba ni Mamang Pokie.
Marami ang humula o may gusto na mag-tie sila ni Ruby.
“Mahusay din naman si Ate Ruby at saka nagkataon din naman na magaganda talaga ang mga proyekto ngayon,” sey ni Pokwang.
“Magaganda ang mga pelikula, magaganda ang mga kuwento. Lahat, mahuhusay.”
Kinabahan ba siya?
“Oo naman. Kasi after 10 years, nasungkit ko rin. Mercury is Mine yung 10 years ago,” pag-amin ni Pokwang.
Tsikahan sila nang tsikahan ni Ruby.
“Oo, e, kasi, si Ate Ruby din naman, nakatrabaho ko, nakasama ko sa trabaho, at naging acting coach ko din siya.”
Ano ang feeling niya pag nakakatanggap siya ng award? Ano ang nasa isip niya? Mamimili siya ng susunod na gagawin?
“Hindi naman sa mamimili. Basta alam kong ikakaganda ng takbo ng industriya, siyempre, di ba?” wika ni Pokwang.
“Ayoko ngang pinag-uusapan yung talent fee. Lalo pag maganda talaga. Pag maganda talaga.”
Naso-sold out din ang theater debut niya sa musical na Tulog Na. Mabuti at may mga idadagdag pa yung araw.
May mahihiling pa ba siya? May kulang pa sa kanya ngayon?
“Magandang kalusugan sa pamilya ko. Yun na lang po, at saka more and more projects to come.”
MARIETTA SUBONG: THE ACTRESS
Hindi siya basta comedienne lang, kundi aktres talaga.
“Aba, e, bahala sila. Basta ako, hangga’t may offer, may magandang proyekto, gagawin natin yan.”
Sabi, pag Marietta Subong ang screen name, seryosong aktingan.
Gaya sa Oda sa Wala (2018), na nag-best actress siya sa 6th QCinema international filmfest at 6th Urduja Heritage Film Awards.
“Sabi! Kasi pag Marietta Subong ito, hindi mo kailangang magpatawa, e,” sey ni Pokwang.
“Kailangan mo talagang gampanan. Kasi yung character ni Sylvia, talagang hindi nakakatawang sitwasyon, at hindi tayo nakakatawang ganun, di ba?
“Hindi nakakatawa yung ganung pangyayari bilang mamamayang Pilipino, di ba?”
Read: FDCP Chair Joey Reyes: PH film industry must "up the ante" amid streaming boom
