GORGY RULA
Tradisyon sa awards night o closing ceremony ng Cinemalaya na inia-announce ang 10 full-length films na kalahok sa susunod na edisyon ng nasabing indie filmfest.
Walang ganoon sa awards ceremony ng Cinemalaya 22: Reel Reflections noong Agosto 17, 2026, Lunes, sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza, EDSA cor. Shaw Blvd., Mandaluyong City.
Sa halip, ini-announce pa lang ng President ng Cinemalaya Foundation, Inc. na si Direk Laurice Guillen: “Cinemalaya 2027 is now open for entries. The deadline is September 17, 2026.”
CALL FOR CINEMALAYA 2027 ENTRIES
Kapagkuwan ay pinost sa Facebook post ng Cinemalaya:
“A new chapter for Cinemalaya is waiting for you!
“This is your opportunity to showcase your films as we are opening the doors for aspiring and established filmmakers for the Full-Length Category of the 2027 Cinemalaya Philippine Independent Film Independent Film Festival and Competition.
“Your story could be the next one to shine on the big screen. Here’s your chance to share your voice, tell the stories that matter, and join Cinemalaya 2027 as we continue to champion fresh and fearless voices in independent Filipino cinema.”
Kaakibat ng FB post ang links para sa full mechanics, at kung saan isusumite ang entry.
Opo! Kabubukas pa lang ng mga pintuan para sa 23rd edition ng Cinemalaya.
Read: Cinemalaya 2026: Pokwang and Ruby Ruiz tie for Best Actress, Martin del Rosario wins Best Actor
JERRY OLEA
Nakatsikahan sandali ng PEP Troika si Direk Laurice Guillen sa opening ceremony ng Cinemalaya 2026 noong Agosto 6 doon din sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza.
At that time ay wala pang naganap na call of entries for Cinemalaya 2027, kaya walang maitsika si Direk Laurice kung anu-ano ang sampung full-length films para sa 23rd edition ng Cinemalaya.
“I’m keeping my fingers crossed,” sambit ni Direk Laurice.
So, lagi palang may pagbabago?
“Yes.”
Pero andiyan ang mga nagmamalasakit sa Cinemalaya, gaya ni FDCP Chairman Jose Javier Reyes na nagturan na hindi niya hahayaang mamatay ang Cinemalaya.
Malumanay na saad ni Direk Laurice, “Hindi mamamatay. Meron lang mga problemang kailangang i-solve. Hindi tungkol sa amin.
“Tungkol ito sa funding — continuity ng funding.”
Sa ngayon, iyon ang pinaka-immediate concern, yung pondo para sa susunod na taon?
“Yes.”
Kung makikita ng stakeholders na maganda ang Cinemalaya this year…
“Alam naman nilang maganda!” bulalas ni Direk Laurice. Yung mga pelikula ng Cinemalaya 2025 ay pinarangalan at pinagpugayan.
“At nagbibigay-karangalan sa Pilipinas!” sambit ni Direk Laurice.
Nagkaroon ng oil crisis dahil sa sigalot sa Middle East. Na-slash ang budget ng gobyerno para sa Sining at Kultura.
Tumango si Direk Laurice: “Ayan na nga, oo siyempre. Siyempre iba ang prayoridad. Hindi naman nangangahulugan na hindi mahalaga ang Cinemalaya.
“Kaya lang, ano muna, yung basic necessities. Food, clothing, shelter.”
"GOOD NEWS"
Noong Agosto 8, Sabado ng hapon, sa gala ng Shorts B sa Cinema 1 ng Shangri-La Cinema, sinabihan kami ni Direk Laurice, “May good news!”
Ibig sabihin, meron nang pondo para sa full-length films ng Cinemalaya 2027.
Ayaw pa iyong idetalye ni Direk Laurice para huwag ma-preempt ang announcement niya sa closing ceremony.
Doon pa lang sa awards night inihayag ni Direk Laurice ang call for entries, na ang dedlayn ay Setyembre 17, 2026.
Nakachikahan namin si Direk Laurice afterwards.
Aniya: “Usually sa last day, sinasabi na namin kung sinu-sino yung sampu. Since we could not start the process dahil naghihintay kami ng funding…
“Ngayon, hindi pa naman complete [ang pondo] pero OK na, we can start na. Inaayos namin ang scheduling. Yung timeline, inayos namin.”
Baka kulangin sa preparation ang mga lalahok?
“Hindi naman siguro. Alam mo, pag meron ka nang matagal na istorya na gusto mong gawin, ano ba naman yung isang buwan?” pagmamatwid ni Direk Laurice.
“Hindi naman yung script ang isa-submit mo, e. Istorya lang at anong iniisip mo kung paano mo gagawin.”
Sinu-sino ang tumulong para magkaroon ng pondo para sa Cinemalaya 2027?
Pagsisiwalat ni Direk Laurice: “Film Academy of the Philippines [FAP]. Noong first day, sinabi. Kasi sabi ko, ‘Kung meron, meron. Kung wala, sorry.’ Di ba?
“And then after the opening night, nagtanong si DG Paolo Villaluna kay Tess Rances [Cinemalaya deputy festival director], ‘Ano ba yung pinoproblema niyo?’
“Sinabi ni Tess. So ang pondo, galing sa Film Academy. Meron ding konti mula sa FDCP.
“Kasi pareho namang ayaw nga nilang mamatay. Kasi yun nga daw ang sinabi, ‘We cannot let Cinemalaya die.’
“O, sabi ko, ‘Doon na tayo humingi ng tulong, sa mga ‘pinsan’ natin. Film Academy at FDCP. Hindi ba? Iyung mga nakakaintindi.
“So, hindi pa kumpleto pero malamang, we’re on our way!”
Read: Mag-iina dominates Cinemalaya 2026; Giancarlo Abrahan calls out political dynasties
NOEL FERRER
Labintatlong (13) araw ang Cinemalaya 22: Reel Reflections, mula Agosto 6, 2026, Huwebes hanggang Agosto 18, Martes.
Dati ay sampung araw lang ito.
Sabi ng festival director na si Chris Millado noong closing ceremony: “Kung dating o impact ang pag-uusapan, talaga namang makahulugan at malakas ang dating ng mga pelikula ngayong taon dahil sa lalim at lawak ng pagtalakay ng mga tema.
“Tulad ng corruption, moral decay, failure of public service, impunity, gender equality, militarisasyon and the pursuit of peace, at iba pang mabibigat na usapin.
“Maraming nagsasabi na ito marahil ang isa sa pinakamalakas na batch ng Cinemalaya.”
Level up nga raw ang cinematography, pag-iilaw at tunog, na naobserbahan din ng mga hurado.
Pagpapatuloy ni Sir Chris, “Ngayong taon, nadagdagan ng nine full-length films ang mga nilikha sa ilalim ng patnubay ng Cinemalaya lab at festival.
“Mula nang itinatag ito noong 2005, umabot na sa 215 full-length features ang nai-produce ng Cinemalaya, at 233 short films naman ang presented ng festival.
“Kasama dito ang humigit-kumulang na 400 na pinagsama-samang bilang ng mga direktor.
“Hindi pa kasama dito ang libu-libong production staff na kasama sa paglikha ng pelikula.
“Ayon sa pansamantalang reports ng sales at marketing, as of yesterday’s box-office report, PHP18.5M na ang inabot ng ticket sales sa mga sinehan.
“Compared to last year’s PHP12.6M, an increase of 47% from last year’s earning.
“Umabot sa 25,000 ang manonood, compared to last year’s 17,000. Mga tagumpay itong dapat nating ipagdiwang.
“Dahil nga reel reflection, may real reflection din.”
Pagkatapos ng huling screening ng Cinemalaya 2026, saan na ito maglalayag at dadaong?
Noon, pagkatapos ng run sa CCP, nagkakaroon pa ng pangalawang buhay ang buong batch sa UP Diliman, Quezon City.
Ritwal na talaga yung UP Film Institute-Cine Adarna screenings.
Pero ngayong under renovation ang UP Film Center, saan na mapapanood ang mga pelikula ng Cinemalaya 22 pagkatapos ng festival? Saan na pupunta ang audience?
Dito dapat papasok ang maayos na distribution plan — dapat parte na siya mismo ng disenyo ng festival, hindi yung parang pahabol lang.
Pwedeng i-consider ang mga ito:
1. Totoong second life circuit. I-formalize na yung partnership sa FDCP Cinematheques sa buong bansa, sa mga regional universities, at sa malls na sumuporta na rin ngayong edition. Isipin mo yung CineElbi sa UPLB, pero mas pinalaki — isang Cinemalaya On Tour na naka-budget na from Day 1 pa lang.
2. Maayos na streaming window. Hindi yung basta itatapon lang sa algorithm, kundi curated na 60-day window sa isang local platform kung saan diretsong babalik sa filmmakers yung kita. Kung ang festival ang naglulunsad ng career, dapat tumutulong din siyang buhayin iyung career na iyun.
3. Archiving at access. Ang daming past winners ang hirap nang mapanood nang legal ngayon. Kung magkakaroon ng Cinemalaya archive na may subtitles pang-international, at may educational licensing para magamit sa mga eskwela, mas hahaba talaga ang buhay ng mga pelikula.
Read: FDCP Chair Joey Reyes: PH film industry must "up the ante" amid streaming boom
