JERRY OLEA
Masaya si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairman and CEO Jose Javier Reyes dahil naideklara na si Armando “Bing” Lao bilang National Artist for Film and Broadcast Arts.
Nakausap ng PEP Troika si FDCP Chairman Joey o Direk Joey sa Manila International Book Fair 2026 noong Setyembre 11, Biyernes, sa SMx Convention Center Manila, Mall of Asia Complex, Pasay City.
Ani Direk Joey, noong nakaraang Marso pa niya nakutuban na si Armando “Bing” Lao ang bagong Pambansang Alagad ng Sining na taga-movie industry.
Wala nang iba pa? Si Armando “Bing” Lao lang talaga?
“Siguro ang masaklap niyan is alam ko ang naging proseso. I wish na sa susunod na mga taon, yung mga pinapangarap nila, makapasok, OK,” malumanay na pahayag ni Direk Joey.
“Pero kasi, ano yon, e. Mahirap na proseso. Dadaan ka sa kalahating butas ng karayom.
“Tulad ng nagko-complain ang iba, bakit wala raw si Lualhati Bautista who deserves to be a National Artist for Literature.
“Ang tanong ko, may nag-nominate ba? Kung meron, depende yan, e. Kailangan, magaling yung nagpi-pitch.
“Kailangan, yung selection committee, naiintindihan yung kahalagahan nung pini-pitch.
“At higit sa lahat, pumasa siya sa antas ng mga living National Artist. Yun ang final test, e.”
11 ATIONAL ARTISTS FROM FILM AND BROADCAST ARTISTS
Sa 91 National Artists, labing-isa ang mula sa larangan ng Film and Broadcast Arts.
Ang mga ito ay sina Gerardo de Leon, Lino Brocka, Ishmael Bernal, Eddie Romero, Fernando Poe Jr., Manuel Conde, Kidlat Tahimik, Nora Aunor, Marilou Diaz-Abaya, Ricky Lee, at Armando “Bing” Lao.
“Nauna ang FDCP na parangalan siya. Hindi ko makakalimutan, noong inabot ko ang trophy sa kanya, umiiyak siya!” bulalas ni Direk Joey.
“Dahil sa wakas, may nagparangal sa kanya. Long overdue!”
May napili na bang poster ng pelikula ni Armando “Bing” Lao para i-display sa hallway ng FDCP Cinematheque Centre sa Intramuros, Manila? May seremonya ba, if ever, sa poster reveal?
“May seremonya yan, together with a special screening ng pelikula niya. Most likely, ang mapipili is Kubrador.”
May special tribute ang FDCP kay National Artist Armando “Bing” Lao sa closing ceremony ng Philippine Film Industry Month (PFIM) 2026 sa Setyembre 30 sa isang hotel sa Quezon City.
Read: Filmmakers pay tribute to National Artist Armando "Bing" Lao
NOEL FERRER
PANA-PANAHON IYAN.
Baka may hinahanap pa ang mga taong nag-e-evaluate — hindi lang sa mahal nating Ate Vi — dahil may sariling proseso ang mga nasa komite ng National Artist at inuunawa natin yun.
Hindi kabawasan kay Vilma Santos ang hindi pa pagkakapili sa kanya. At hindi rin ito paramihan ng parangal o palakasan.
ALLEGED NAMES NOMINATED FOR NATIONAL ARTIST
Ito ang konteksto na mahalagang isama: Hindi inia-announce ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kung sinu-sino ang mga naligwak sa pilian ng National Artists.
Pero sa Wikipedia, nakalista ang mga nalaglag sa nominasyon — hindi opisyal, community-compiled lang — pero makikita mo kung gaano kabigat ang mga pangalang naghintay.
Sa larangan ng Film and Broadcast Arts, nakalista riyan sina Helen Vela, Charito Solis, Leopoldo Salcedo, Francisco Trinidad, Nida Blanca, Nenita Cortes-Daluz, Rudy Fernandez, Fidela Magpayo, Tita Muñoz, Paquito Diaz, at Mario O’Hara.
Andiyan din sina Dolphy, Celso Ad. Castillo, Bella Flores, Eddie Garcia, Julian Daan, Peque Gallaga, Anita Linda, Ramon Revilla Sr., Susan Roces, Gloria Sevilla, Mike Enriquez, Jaclyn Jose, Gloria Romero, Mike de Leon, Rosa Rosal, Joonee Gamboa, Cheche Lazaro, Gina Pareño, at Joel Lamangan.
Nakalista rin sina Vilma Santos, Chito Roño, Christopher de Leon, Lav Diaz, Nick Deocampo, Brillante Mendoza, Dolly de Leon, Jessica Soho, Eugene Domingo, at Atom Araullo.
VILMA SANTOS' SISTER STELL L COMMEMORATIVE POSTER
Kaugnay sa PFIM 2026, may special screening ang Sister Stella L ni Vilma sa Setyembre 20, Linggo ng 3:00 p.m., sa Metropolitan Theater ng Maynila.
Dahil may bagong commemorative poster ang Sister Stella L, naintriga na kesyo baka si Vilma ang nakutuban ni Direk Joey na bagong National Artist for Film and Broadcast Arts.

“Huwag nating dalhin sa ganoon, di ba?” sambit ni Direk Joey Reyes.
“Hindi nangangahulugan na hindi napili si Vilma na kabawasan niya yun, OK. Matagal nang closing film ang Sister Stella L, kaya may poster ang Sister Stella L.
“Sinagot ko, e. Hindi nangangahulugan na ang hindi pagpili sa kanya ay kabawasan niya. Maybe hindi pa lang niya oras, OK. Hindi pa niya oras.
“At saka kahit ano ang titingnan mo, napakaimportante ni Nora Aunor, at napakaimportante ni Vilma Santos. OK.
“Hindi mo madadagdagan o mababawasan ang kahalagahan nila sa Philippine cinema. Sana, respetuhin natin ang isa’t isa.”
Maliban sa Sister Stella L, may mga bagong poster din ang FDCP para sa Tinimbang Ka Nguni’t Kulang, Insiang, Ganito Kami Noon… Paano Kayo Ngayon?, Itim, Nunal sa Tubig, Tatlong Taong Walang Diyos, at Minsa’y Isang Gamu-gamo.
THE NATIONAL ARTIST SELECTION PROCESS
Dagdag na pagninilay:
1. Mahaba at masalimuot talaga ang proseso. Hindi ito isang botohan lang. Dadaan sa tatlong antas: evaluation ng Council of Experts, review ng Jury of Experts, at final deliberation ng NCCA Board, CCP Board, at ng mga buhay na National Artist. Minsan inaabot ng halos dalawang taon ang buong proseso bago makarating sa Pangulo. (!)
2. Hindi popularity contest. Ang tinitingnan ay body of work, kontribusyon sa pambansang identidad, at impluwensiya sa susunod na henerasyon. Kaya kahit gaano ka-iconic — tulad ni Dolphy na matagal ding pinag-usapan, o ni Nora na dekada ring naghintay bago naging National Artist noong 2022 — pana-panahon talaga.
3. Kailangan ng magcha-champion. Gaya ng nabanggit ko dati sa kaso ni Lualhati Bautista, hindi sapat ang kadakilaan lang. Kailangan ng institusyon, unibersidad, o grupo na mag-a-archive, magtitipon ng mga akda, patunay ng pagtuturo sa eskwela, at critical reviews. Walang ganun, walang nomination na mabubuo. Ganyan din kahalaga ang network sa likod ng bawat pangalan sa listahan.
4. Yung poster, bahagi ng PFIM, hindi pahiwatig. Lahat ng bagong commemorative posters ng FDCP ay para sa Philippine Film Industry Month — pagkilala sa mga restored classics, hindi teaser kung sino ang next National Artist.
Kaya tama si Direk Joey na huwag dalhin doon ang usapan.
Sa dulo, gaya ng sabi niya: napakaimportante ni Nora, napakaimportante ni Vilma. Hindi na madadagdagan o mababawasan ang halaga nila sa Philippine cinema.
Hintay lang tayo sa tamang panahon — at respetuhin natin ang proseso at ang isa’t isa.
Read: Meet the 10 New National Artists of the Philippines for 2026
GORGY RULA
Ikinatuwa rin ni Direk Joey Reyes ang paghirang sa iba pang bagong National Artists. Ang mga ito ay sina Gabriel “Gabby” Formoso, Rafael “Nonoy” Catalino Froilan, Maria Beatriz “Patis” Fabella Pamintuan Tesoro, Gregorio C. Brillantes, Nicanor G. Tiongson, Alfredo S. Buenaventura, Teodoro L. Hilado, Imelda Cajipe-Endaya, at Nunelucio M. Alvarado.
“Unang-una, Teddy Hilado for lights, I’ve had a chance to see the work of Teddy Hilado and I’m so happy na binigyan ang isang technical person ng theater ng award na iyan,” lahad ni Direk Joey.
“Patis Tesoro. Bilib din ako sa kontribusyon ni Patis Tesoro. Nic (Tiongson) is a very close friend. Nic is an extremely close friend.
“Kasi siya ang nagtulak sa akin sa pagsusulat ng play sa Gantimpala… ‘Sumulat ka, sumulat ka!’ Kaya hanggang ngayon, kaibigan ko siya at napakagaling niyang scholar.
“And Gregorio Brillantes! Bakit ngayon lang?! The Father of the Filipino Short Story!”
Samantala, ngayong Setyembre 13, Linggo ng hapon, ay ia-announce na ng Film Academy of the Philippines (FAP) kung ano ang ipapadala ng bansa para sa kategoryang best international feature ng 99th Academy Awards o Oscars.
Ang walong pinagpilian ng Selection Committee ay 58th, Filipiñana, Silenced Nights, Sisa, I’mPerfect, Manila’s Finest, Quezon, at All The Things I Leave You (Patawid).

Malamang na pag-usapan o intrigahin din anuman ang napili ng selection committee.
Read: Golden Screen Awards make grand return with 21 Dekada Awardees
