JERRY OLEA
Tatlong magkakasunod na taon na best actress si Vilma Santos sa Gawad Urian ng mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP).
Back-to-back-to-back na pinarangalan siya ng mga Manunuri para sa Regal movies niyang Relasyon (1982), Broken Marriage (1983), at Sister Stella L (1984).
Ang Relasyon at Broken Marriage ay idinirek ni National Artist Ishmael Bernal, samantalang ang Sister Stella L ay idinirek ni Mike de Leon.

Nag-Philippine premiere ang restored version ng Sister Stella L noong Setyembre 20, 2026, Linggo, sa Metropolitan Theater ng Maynila.
vilma santos on her legacy as an actress
Sa talkback session matapos ang screening, pinasalamatan ni Vilma ang yumaong Regal producer na si Mother Lily Monteverde na hindi raw natakot mag-take ng risk.
“Ngayon po na 63 years na ako sa industry, I started since I was nine, and then pag nakakatanggap ho kayo ng mga ganyang recognition, ano yon, bonus,” sambit ni Ate Vi.
“Malaking pasalamat yan sa ginawa mong trabaho. Pero ngayon ho na I’m 35 years old na…”
Napahiyaw ang Vilmates at Vilmanians sa pagbibiro ng Star for All Seasons.
Pagpapatuloy ni Ate Vi: “Ngayon na 72 years old na ako, ngayon ko lamang ho nararamdaman yung importansiya nito sa career ko na pinili, na more than half of my life ay diyan po ako nabuhay.
“Ito pala ang mga kapalit. Hindi ito basta-basta. Ito iyung sinasabi na pinakamalaking achievement na puwedeng makuha rin ng isang aktor na katulad ko.
“And maybe, maybe if I may, modesty aside, sa tagal ko na po sa industriya, parang ito po yung… in my own little way, a little contribution na kayang maibigay ng isang Vilma Santos sa industriya ng pelikulang Pilipino.”
Read: Vilma Santos recalls Sister Stella L. box-office struggle
GORGY RULA
Maliban sa Sister Stella L, dalawang pelikula pa na pinagbidahan ni Vilma ang ipinalabas noong 1984.
Una, ang Adultery (Aida Macaraeg) Case No. 7892 na idinirek ni National Artist Lino Brocka mula sa panulat ni Jose Javier Reyes. Leading man niya rito si Phillip Salvador.

Ikalawa, ang Alyas Baby Tsina na idinirek ni National Artist Marilou Diaz-Abaya mula sa panulat ni National Artist Ricky Lee.
Leading men niya rito sina Phillip Salvador at Dindo Fernando.

Paano siya napapayag na gawin ang napakatapang na pelikulang Sister Stella L?
“Dahil na rin po yan sa mga scripts na ibinigay sa akin. And malaking utang na loob ko po yan, sabi ko nga, sa aking mga producers,” saad ni Vilma.
“At sa atin pong mga direktor. Para maidirek ho kayo ng mga… golden years natin ito, di ba? Nandiyan ho yung talagang labanan ng magagaling na direktor.
“Kaya pag sinabi, ‘Direktor mo dito, Ishmael Bernal,’ hindi ka na mag-iisip, e. YES na!
"Or, ‘Direktor mo dito,’ ahh let’s say, ‘Marilou Diaz-Abaya.’ Alyas Baby Tsina. National Artist din po. YES na!
“Not because she’s here, even the time when… my movie, nanalo rin po ito sa Urian, Dolzura Cortez.
“Ipinagmamalaki ko po ang direktor ko, Direk Laurice Guillen!”
Katabi ni Vilma sa talkback session si Direk Laurice, na gumanap bilang Sister Stella Bautista sa pelikulang Sister Stella L.

VILMA SANTOS ON DOLZURA CORTEZ MOVIE
Si Laurice ang nagdirek ng pelikulang Dahil Mahal Kita: The Dolzura Cortez Story (Manila Film Festival 1993), mula sa screenplay ni National Artist Ricky Lee.

Pagbabalik-tanaw ni Vilma: “Iyon ho, noong ipinakita sa akin at sinasabi sa akin na, ‘We will be doing a true-to-life story, ni Dolzura Cortez. It was featured sa Inquirer by Ceres Doyo. And it will be directed by Direk Laurice Guillen, and script by Ricky Lee.’
“Alam niyo, hindi na ho ako nagdalawang-salita. Talagang right away, ‘Yes! Yes! Yes! YES! Gusto ko yan.’
“Pero may konting trivia. Noong bago mag-umpisa ito, since I’ll be doing a true story, plus AIDS, first time niyang… correct me if I’m wrong, Direk, ha?
“First time ipapakilala po yung AIDS, ano yung sakit na AIDS? So, pinag-aralan ko ho yan. Kasi, namatay na si Dolzura Cortez.
“Ang nabigay lang sa akin para maging pag-aaral ko ay iyung interview ni Ceres Doyo sa kanya, boses mismo ni Dolzura Cortez na pinapakinggan ko.
“Paano siya magsalita, kung may sakit ba siya, nasa ospital siya. Yun lang ang parang naging gauge ko.
“So, noong magsu-shooting na kami, first day. Bago, kunwari tomorrow na yung shooting, tumawag ho ako kay Direk Laurice.
“Sabi ko, ‘Direk, first day po natin bukas.’ Naalala mo, Direk? ‘Direk, puwede ho ba, true story ito, hindi ho madali ito. Dolzura, AIDS po ito. Direk, puwede ho ba, huwag munang mabigat na eksena?
“‘Puwede ba, bayaan niyo ho muna pumasok muna sa akin si Dolzura para nung maysakit na siya, baka mas kaya ko nang ibigay.’
“Sabi ni Direk sa akin, ‘Oo, sure. Sure, walang problema.’
“First day — yun na ho yung sabihan ako na may AIDS.”
Natawa ang audience.
“Kung nakita niyo dun sa eksena, yung sinampal ko yung doktor? That was our first day.”
@octoartsfilms Watch "DAHIL MAHAL KITA" with Vilma Santos and Christopher De Leon here: https://youtu.be/M6p5Wmp_rXw
? original sound - octoartsfilms
Natawa na rin si Vilma at ang wika: “Direk, bakit naman?! Una pa lang yon. Iyun kaagad, yung sinampal. Iyon yun, first shooting day.
“Kaya thank you, Direk, ha?! Ha! Ha! Ha! Sa buwisit ko, pumasok yung role ko sa akin.
“And I think, modesty aside, isa rin po iyon sa nabigyan ng pagkilala ng Urian.”
Nag-best actress si Vilma sa Manila Film Festival, Gawad Urian, Luna Awards, at PMPC Star Awards for Movies para sa pagganap niya rito.
Sa FAMAS ay hindi nominado si Vilma dahil nasa Hall of Fame na siya noon.
Ang best actress doon ay si Dawn Zulueta para sa Kung Mawawala Ka Pa.
Read: Vilma Santos reacts to 2026 National Artist list omission
NOEL FERRER
Iconic ang mahabang monologue ni Vilma Santos sa ending ng Sister Stella L.
“Unang-una, siguro kung meron akong… naiiyak na nga ako… kasi po, una nagpapasalamat ako sa career ko, kahit isang movie, karangalan ko po after 63 years na nakagawa ako ng isang pelikula under Direk Mike de Leon,” lahad ni Ate Vi.
“Ahhmm dito, bago namin ito ginawa, nagkaroon po kami ng test shots. Sa LVN. Kasama si Sir Rody Lacap, yung aming cameraman.
“Kasi gusto ho niya makita ako, first time for me to be working with him, kasi ang balita ko, sumpungin. Mag-ingat daw ho ako.
“Ano raw po yan pag nagagalit yan. ‘Baka sisigawan ka niyan!’ Sabi ko, sanay naman ako kay Ishmael Bernal, e.
“Sanay ako sa mga ganun, nagsisigawan, sabi ko. ‘Pero sumpungin yan. Be careful.’
“So, first day ko ay yung test shots namin. Una, pinagsuot ako ng madre, yung beige. Tapos pinagsuot niya ako ng kulay blue. Tapos tiningnan niya yung walang veil.
“Tiningnan niya yung make-up. Yung sapatos. Paano lumakad ang madre. At papaano magsalita nung hindi pa siya supposedly involved sa lipunan.
“Lahat yon, ginawa namin sa test shots para makita niya kung papaano bibigyang-buhay si Sister Stella L na dapat believable, na puwedeng maging madre.
“Na inosente pero dumating sa awakening, di ba, what’s happening around sa society.
“Even nung last shot, nung last shot pong yun… naks naman, one take po iyun! Oo, one take!”

THE LAST SHOT
Pumalakpak siyempre ang audience, saka nagpatuloy ng pagkukuwento si Ate Vi:
“Memorized ko yan. Ibinigay sa akin, ‘Memorize mo yan!’ Sabi ko, ‘Direk, puwede itong chop-chop?’ ‘No! Straight shot!’
“Iyon. Tapos doon lang din niya sinabi sa akin, sa last shot na yan, ‘Maglagay ka diyan ng konting kulay.’
“Sabi niya, ‘Maglagay ka diyan ng konting kulay kasi message na yan. Message na sa tao yung gusto nating iparating.’
“Na kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?
“That’s why we did that message, para sa tao. So iyon, yun ang huling-huli namin."

MIKE DE LEON'S TANTRUM
Pagpapatuloy ni Vilma: "And siguro po, sa the whole time working with Direk Mike… ang sarap niyang kasama, e!
“Hinihintay ko yung sumpong niya, wala, e! Ahh... there was only one time na nakita ko siyang nagwala!
“One time! The whole shoot, it was very smooth. We were all happy. Di ba, Direk?” baling ni Ate Vi kay Direk Laurice.
“Yun lang, Direk, yung ano. Yung kinidnap kami. Nagalit siya na may mali doon sa lata ng apoy, may mali. Na may hindi dumating na props. Hindi dumating yung props na kailangan niya.
“Nagalit si Direk. Nandodoon lang kami ni Jay Ilagan, saka yung mga goons. ‘#@*%{¥!!!’ Sinipa iyung drum ng apoy! Yung drum.
“Sabi ko, ‘Ay! Ito na yan. Ito na yung sumpong ni Mike de Leon.’ But that was only one time.
“But the whole time we were shooting Sister Stella L, you could feel… we were all inspired.
“Alam niyo, hindi ho kami nagtatrabaho. Basta’t alam namin kung ano yung gustong punto ng movie, although that time hindi pa ganun kalalim ang pagkakaalam ko sa lipunan. Hindi pa.
“May kasama pa ako na, ‘Ahh artista naman ako dito, gagampanan ko yan.’
“Pero yung meaning ng gustong ipaliwanag dito sa movie na ito, talagang tumusok lang yan sa puso ko noong naging public servant ako.
“Kasi nakita ko na yung totoong buhay. Yung sinasabi dito, na ang manggagawa ang nagpapayaman pero bakit sila ang mahirap?
"Nung ako’y naging lingkod-bayan, totoo po yun, e.
“Sa totoong buhay. Kung makikita niyo lang yung totoong buhay, walang kamera, iisipin niyo, ‘Ito yung mga nagpapakahirap magtrabaho, bakit sila ang andito?
“Samantalang iyung mayaman, payaman nang payaman. Yung mahirap, pahirap nang pahirap.
“One thing lang po, if I may, yung gustong message po ng movie na ito, to be honest, hanggang ngayon nararanasan po natin iyan. Tama ho ba?”
Ang Philippine premiere ng restored version ng Sister Stella L ay bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month 2026, na ang tema ay “Pelikula: Ginintuang Ikalawa (Philippine Cinema’s Second Golden Age).”
Punong abala rito ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa ilalim ng Chairman at CEO na si Jose Javier Reyes.

Read: Vilma Santos: "Kapag hindi ka guilty, hindi ka dapat matakot."
