GORGY RULA
Ang ganda ng ngiti ng festival director ng 3rd Puregold CinePanalo filmfest na si Chris Cahilig na sumalubong sa amin sa unang araw ng festival noong Miyerkules, September 23, 2026, sa Gateway Mall 2, Cubao, Quezon City.
Maaga pa lang kasi ay sold-out na ang dalawang entries sa Gateway Mall 2—ang Multwoh (Patay na Patay Sa ‘Yo) at ang Patay Gutom.
Sabi ni Chris, sa tingin niya ay mas maganda ngayong taon kung ikumpara sa dalawang taong nakaraan.
“Ang maganda kasi ngayon, hindi lang Cinemalaya audience ang nakuha namin. Mga estudyante at mga fans,” sabi ni Chris.
May dala kasing supporters ang ilang artistang bahagi ng full-length category ng CinePanalo.
Kagaya nina Khalil Ramos ng Patay Gutom, sina Xyriel Manabat at River Joseph ng Stuck On You, at si juan karlos ng Mono No Aware.
Sa pangalawang araw ng filmfest noong Huwebes ay nag-post si Chris sa Facebook na mas dumami raw ang na-sold out na screenings.
APOL OF MY AI
Noong Miyerkules, Setyembre 23, ay nagkaroon ng gala night ang isa pang entry sa full-length category, ang Apol of My Ai.
Pinagbibidahan ito ng 11-year-old talent ng Star Worx sa TV5 na si Zion Cruz, kasama sina Zanjoe Marudo at Rochelle Pangilinan.
Si Zanjoe ang producer ng pelikula.
Saad ni Zanjoe: “Alam mo naman… hindi ako part sa pagbuo ng istorya ng Apol of My Ai.
"Nung in-offer sa akin ito, nagustuhan ko agad ang istorya, kasi ang ganda.
“Nakaka-relate ako, dahil ako rin nung bata ako, nag-a-abroad din yung tatay ko. Medyo may connect sa akin.”

Para kay Zanjoe, itong prinodyus niyang Apol of My Ai ay konting kontribusyon daw niya sa ating movie industry.
“Alam niyo naman yun. Nandito tayo ngayon sa sitwasyon ng pelikula na kailangan natin magtulungan,” ani Zanjoe.
“Kailangan natin iangat ang isa’t isa, di ba? Naniniwala naman ako sa project na ito. Okay na rin na makasama ako sa production.”
Basta pag may magandang material at kaya niya ang budget, okay raw siyang mag-produce.
“Hindi naman na dahil sumali ako ngayon, tuluy-tuloy pa rin. Depende pa rin sa project, and kung magkano lang din naman ang kaya kong itulong,” sabi pa ni Zanjoe.

Read: CinePanalo 2026: Who will take home acting awards?
NOEL FERRER
Magagaling ang mga artista sa Apol of My Ai.
Touching ang eksena nina Zanjoe Marudo at Zion Cruz sa climax ng pelikulang ito
Sabi nga ni Zanjoe, mas iba na ngayon ang atake niya sa role na tatay dahil meron na siyang anak.
“Siguro, mas naging malinaw lang sa akin ngayon ang mga choices siguro… ng emotion pagdating sa pagiging tatay sa role.
“Unlike before, kahit na madami nang ginampanang tatay na role, tumatama naman.
“Pero hindi ako 100 percent sigurado kung yun talaga ang nararamdaman ng isang tatay. Unlike ngayon na talagang alam ko na kung paano,” saad ni Zanjoe.
Iniiwasan lang ni Zanjoe na sagutin ang tanong tungkol sa baby nila ni Ria Atayde. Masyado pa raw bata para pag-usapan.
Nandun din sa gala night si Ria para sumuporta sa pelikula ng asawa.
Nasa Amerika si Rochelle para sa SexBomb concert, kaya wala siya sa gala night.
Ang nagdirek ng Apol of My Ai ay si Thop Nazareno, na na-handle din nang maayos ang Cinemalaya 2017 entry na Kiko Boksingero na pinagbidahan ni Noel Comia Jr.
Present sa gala ng Apol of My Ai si Noel, pati si National Artist Ricky Lee.

Read: Full list of nominees for the 42nd Star Awards for Movies
JERRY OLEA
Ang 11-year old na si Zion Cruz ang bida ng Apol of My Ai bilang Apol.
Ang Ma’am Ai sa story ay si Rochelle Pangilinan, at ang Poli ay si Zanjoe Marudo.
ZION CRUZ ON BEST CHID ACTOR CATEGORY
Ramdam na ba ni Zion na masusungkit niya ang Best Child Performer award sa 3rd CinePanalo filmfest?
“Hindi naman po,” pakli ni Zion.
“Ang pag-achieve po ng award ay blessing po galing kay Lord. So, depende po kung makakuha po ako ng award po,” parang nahihiya pa niyang sagot.
Naka-relate ba siya sa role niya rito na isang batang nagkagusto sa kanyang titser?
Saad ni Zion: “Medyo naka-relate naman po ako kahit papano, because minsan din po, parang ako si Apol, e. In different ways naman po.
“Parang minsan po, parang gusto ko pong maging adult po agad. Pero…ayun po.”

Suportado si Zion doon sa gala night ng mga kasamahan niya sa teleserye ng TV5 na My Bespren Emman.
“Actually po, andiyan po yung director ko sa Emman. Nagsu-support din po,” napangiting sabi ni Zion.
SAME AND DIFFERENT
For the record, ibang Zion Cruz yung gumanap na anak naman ni Joross Gamboa sa CinePanalo 2026 entry na Wantawsan.
Pero yung Mads Nicolas (“Lola Beth”) sa Apol of My Ai, at yung Madeleine Nicolas (“Agnes”) sa Stuck On You ay iisang tao.
Ang Max na best friend ni Apol sa Apol of My Ai ay ginampanan ni Jacob Cawagdan, samantalang ang pangalan ng karakter ni River Joseph sa Stuck On You ay Max de Dios.
Ang Apol of My Ai at Beast ay parehong gumamit ng kundiman na Bituing Marikit.
Read: REVIEW: EDJOP finds the family story behind the revolutionary
