JERRY OLEA
Nina did it again!
Sold out ang NINA XX: The Anniversary Celebration-The Repeat concert noong Setyembre 24, 2026, Huwebes ng gabi, sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts, Pasay City.
“Nagdamot” muli ang Asia’s Diamond Soul Siren in the sense na tampok siya sa lahat ng numbers sa palabas — 25 in all — sa loob ng dalawang oras at 45 minuto.
Ang tatlong panauhin niyang sina Thor, Christian Bautista, at Top Bautista ay pawang naka-duet niya.
Walang solo number ang mga ito.
NINA'S SPIELS ABOUT EXES
Sa pag-awit niya ng "I Love You, Goodbye," tatlong beses siyang nag-“Hello, ex!”
At nag-joke muli si Nina sa segment na iyon:
“Alam ko talaga kung ano ang hinihintay ng karamihan sa inyo. Ang hilig-hilig niyo talaga sa mga kantang masakit.
“Yung hugot na hugot sa bawat lyrics, feel na feel. Parang… parang may pinagdadaan pero wala naman talaga.
“Gusto niyo lang ma-feel; may mga hugot, ganyan. Finally, we’re on the part of the night na medyo nandoon na tayo sa mga songs na nag-stay with us through the years.
“Yung heartbreaks, healing, mga late-night drives, mga kung anu-ano pang love stories. So, ready na ba kayong masaktan ulit?”
Hiyawan ang audience kaya natatawang sabi ni Nina: “Ay! Talagang R@AAHHH#*%?! Ready talaga. Just like this next song, OK.
“Ituluy-tuloy natin ang pananakit, OK, guys? Ito’y para sa mga ex na tumatawag-tawag pa, ganyan, pero hiwalay na kayo, di ba?
“Tumatawag-tawag pa rin. Hindi mo alam kung ano ba. Mangungutang ba? Hihingi ng pera? Basta.”
Marami sa audience ang natawa pa rin kahit noon pa ito dyinu-joke ni Nina.
“Basta, ito na yung mga final words na sasabihin mo sa ex mo para talagang… hindi na mabigyan ng opportunity na para makapagpa-GCash, ganun,” biro pa ng Asia’s Diamond Soul Siren.
“Pabili ng sapatos para sa bago niyang date. In short, hashtag paasa siya, e. Habang wala pa siyang kausap, ikaw muna ang kausap niya. Wait lang. OK, listen to this.”
Panay-panay ang huni o pito ni Nina.
Dire-diretso na siyempre ang matitinding hugot songs niya hanggang sa pagtatapos ng concert.
"Jealous."
"Someday."
"Foolish Heart."
"Through The Fire."
Siyempre, pinakahihintay ng audience ang "Love Moves in Mysterious Ways."
Sa pag-awit nito ni Nina, hindi na kailangang sabihan ang audience na i-on ang flashlight sa kani-kanyang cellphone. Matic na iyon.

Read: REVIEW: Forgotten Island is a window into a Philippines we know by heart
GORGY RULA
Sa 25 numbers ng NINA XX: The Anniversary Celebration-The Repeat, tatlo lang ang Tagalog songs ni Nina.
Ang mga ito ay ang "Kailangan Mo Ako" ni Rey Valera (1980), "Pasko Na, Sinta Ko" (1977), at "Sana, Ngayong Pasko" (1997).
Pahayag ni Nina after mag-duet nila ni Top Suzara (na naggitara) ng "Before I Let You Go" at "Constantly": “Maybe some of you are wondering, ‘Nina, bakit parang laging English ang kinakanta mo?’
“Tinatanong nyo ba yon? O kung hindi, di huwag na nating pag-usapan. Kasi, yung iba kasi, ‘Bihira ka naming marinig kumanta ng Tagalog,’ ganyan.
“Pero doon sa mga gustong makarinig na kumanta ako ng Tagalog for tonight ay may special akong OPM song for all of you…”

NINA'S FIRST ALL-TAGALOG CONCERT
Batid ni Nina na alam ng audience ang kantang "Kung Kailangan Mo Ako."
“One thing I’ve always known how to do is to feel the songs, to feel everything through music,” sey ni Nina.
“Kaya sobrang extra-special itong song na ito, kasi tonight, this is actually the very first time I’m gonna sing it live.
"So, para sa inyo ito. Sana sabayan ninyo ako.”
Masigabo ang palakpakan kapagkuwan ng audience.
“Tingin niyo, bagay sa akin ang Tagalog? Hindi. Feeling ko, hindi bagay sa akin. Iiyak na lang tayo buong show,” saad ni Nina.
“Iba yung feeling pag Tagalog ang kinakanta. Kasi kung nagustuhan niyo man yun, I have actually something very special coming up next year.”
Balik-Newport Performing Arts Theater daw si Nina sa Pebrero 2027 para sa concert na Nina Sings Valera.
“My very first all-Tagalog concert!” bulalas ng Asia’s Diamond Soul Siren.
“Buong show, iiyak tayong lahat. Ganun. So, tentative, wait lang. Tingnan natin kung matutuloy.
“So yes, puro Tagalog tayo this time kaya sana, samahan niyo ulit ako. Pero Feb pa naman yon!”
Napalakas ang singhot ni Nina kaya binigyan siyang tissue.
Makabagbag-damdamin ang pag-awit niya ng Christmas songs na "Pasko Na, Sinta Ko" at "Sana, Ngayong Pasko" na sinabayan ng audience.
“Hay, thank you so much for singing those parts with me. Pasensya na,” sambit ni Nina.
“And with that, let me be the first to greet you a very, very merry Christmas na malungkot?!”
Read: Filipiñana star Jorrybell Agoto alive and fighting lymphoma
NOEL FERRER
Sa umpisa ng concert ay may babala sa audience na huwag i-post online ang kabuuan ng palabas.
Unang song pa lang ng Asia’s Diamond Soul Siren ay napaluha na siya sa mainit na pagtanggap ng mga manonood.
Dalawang beses nagpalit ng wardrobe si Nina.
Ka-duet ni Nina si Thor sa mga kantang "The Closer I Get" at "Whenever You Call."

NINA AND CHRISTIAN BAUTISTA
Mainit na pinagsaluhan nina Nina at Christian Bautista ang kantang "Burn," na sinundan ng pampalamig na "Cool With You."
“Sobra akong kilig na kilig!” sabi ni Nina kay Christian.
Sabi naman ni Christian: “Grabe! Alam mo kung kailan ako kinilig talaga?”
“Kailan?”
“Nung nag-music video tayo ng 'A Girl Can Dream'!” tugon ni Christian, na umeekstra raw roon for Nina.
Pagkontra ni Nina: “Hindi naman ekstra, parang star ka naman doon!”
Sabi ni Nina, kinilig siya dahil nakumpleto na ang Nina Live!.
Noong anniv concert kasi niya ay wala si Christian dahil may sarili itong show.
Nagpasalamat si Nina at nasa repeat ng concert si Christian.
Pagtatapat pa ni Nina: “Talagang kinikilig ako dahil andami ko nang nakaka-duet… pero iba pa rin ang Christian Bautista na ka-duet. Di ba, totoo?”
Christian: “Wow! Salamat! Salamat!”
Nina: “Marami na akong naka-duet pero Christian Bautista pa rin. That’s the best for me. Totoo!”
Christian: “Wow! Thank you, thank you. Ako naman, noong nag-rehearse kami just the other day. Sabi ko, ‘Grabe, Diamond Star ka talaga.’ Sabi niya…”
Nina at Christian: “Maricel?!”
Wika pa ni Christian kay Nina: “You deserve it. You deserve all the success. You deserve all the love from your fans. And you have one of the best voices in this country.”

Kabilang sa pinasalamatan ni Nina ang asawa at kanilang anak na nanood muli ng concert.
Ang NINA XX: The Anniversary Celebration-The Repeat ay idinirek ni Calvin Neria, with Soc Mina as musical director.
Prinodyus ito ng Echo Jham Entertainment Production ni Mhae Sarenas, katuwang ang Synth X.
Read: Kylie Verzosa "gave up on love" before she met Emil Eriksen
