GORGY RULA:
Ganado ang dating Ilocos governor Chavit Singson kapag magagandang girls ang projects na pino-produce niya. Muli siyang nakipag-collaborate sa GMA Pictures sa pelikulang Red Crown na balak nilang i-showing sa Halloween.
Naglabas na ng official teaser ang GMA Pictures ng naturang pelikula tampok ang beauty queens ng Sparkle GMA Artist Center.
Sabi ni Manong Chavit, magkakaroon na raw sila ng presscon sa susunod na linggo.
Ang sabi ng ilang napagtanungan namin, ang pinakabida raw sa pelikulang ito ay sina Shuvee Etrata at Sanya Lopez. Kabilang din sina Faith da Silva at Ashley Ortega.
Pero sa mga beauty queens, kabilang sina Michelle Dee, Herlene Budol, Ahtisa Manalo, MJ Lastimosa, Gazini Ganados, Ara Arida, at Yllana Aduana. May special participation din ang beauty queen na si Ruffa Gutierrez.
Ang director ay si Dominic Zapata.

Read: Kim Chiu’s 2 siblings rally behind her amid legal battle
CHAVIT SINGSON ON RED CROWN STARS
Napapangiti ang octogenarian na si Manong Chavit kapag mga magagandang girls ang pinag-uusapan, kaya kahit daw nalulugi siya sa pag-invest sa paggawa ng pelikula, okay lang sa kanya.
Hindi maganda ang resulta sa takilya ng unang collab niya sa GMA Pictures, ang Samahan ng mga Makasalanan. Pero hindi na iniisip iyun ng negosyante at pulitiko.
“Di bale! Tulong ko lang sa mga artista natin na ano… sa industriya ng movie,” bulalas niya.
“Puro beauty queens ang kinuha ko dahil natutuliro ako kapag magagandang babae, e.
“Maganda, e. Malalaman niyo sa (September) 29, may presscon kami. Gagawin sa (September) 29 yung presscon,” napapangiti niyang pahayag.
Nakatsikahan namin si Chavit Singson sa 26th anniversary celebration ng Aficionado Germany Perfume ni Joel Cruz na ginanap sa Solaire North, Quezon City noong Huwebes, September 24, 2026.
Ginawaran si Manong Chavit ng recognition ng kumpanya ni Joel na Central Affirmative Co., Inc. ng Most Valued Partner in Business.

Read: Fare hike in PUVs to take effect on Monday
NOEL FERRER:
Ibinahagi ni Chavit Singson sa PEP Troika na balak daw niyang bilhin ang franchise ng Miss Universe.
“Pinabibili ko. Puwede, sabi nila,” tugon nito.
Sabay binanggit ni Chavit ang mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga may-ari ng Miss Universe Organization.
“Ngayon, parang caretaker na ang humahawak. So, mabibili natin. Pero madaming madadaanan dahil maraming nagrereklamo dito sa mga nag-invest," dagdag niya.
Matagal na raw siyang nakipag-usap sa may hawak ng naturang international beauty competition.
Pero hindi lang umano nila ma-finalize dahil sa may hawak ng franchise nito ngayon.
Dagdag ni Chavit: “Pinuntahan ako dito ng Miss Universe. Dahil sirang-sira na ang Miss Universe, sabi nila.
“Mabibili namin, pero it will pass a lot of ahh… but we will still get it daw.
“Kukunin ko! Sinabi ko, I’ll buy it. Do something about it. Kinausap ako ng Miss Universe."
JERRY OLEA:
Hindi raw inaasahan ni Chavit Singson na kikita siya rito sa Miss Universe. Aware siyang malaki ang ilalabas niyang pera dito, pero okay lang daw sa kanya na malugi.
Basta ma-promote lang daw nang maayos ang ating bansa.
Paliwanag niya: "Siguradong hindi kikita yun… nung sinabi sa akin.
"Okay lang sa akin basta maganda sa ating bansa. Makikilala yung bansa, pero mahal.
"Okay malugi tayo 1 or 2 billion [pesos], kunin niyo, kunin ko, kinuha namin.
"Maganda sa ating country, para dito yung bahay ng Miss Universe.
"Kasi mahilig ang mga tao sa Miss Universe, e."
