NOEL FERRER
Hindi nakadalo si Jorrybell Agoto ng Filipiñana sa closing ceremony ng Philippine Film Industry Month (PFIM) 2026 noong Setyembre 30, Miyerkules, sa Seda Vertis North, Quezon City.
Isa si Jorrybell sa Annual Achievement Awardees na kinilala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), sa pangunguna ni Chairman and CEO Jose Javier Reyes.

Ang iba pang Annual Achievement Awardees ay sina Ruby Ruiz, Direk Ryan Machado; at The Women of Enjoy Your Stay na sina Mercedes Cabral, Anna Luna, Hasmine Killip, Irma Adlawan, Donna Cariaga, at Madeleine Nicolas.

JORRYBELL AGOTO'S FAMILY RECEIVES HER RECOGNITION ON HER BEHALF
Ang tumanggap ng award ni Jorrybell ay ang alaga kong si Iza Calzado, na presidente ng AKTOR-League of Filipino Actors.
Binasa ni Iza ang isang journal entry ni Jorrybell noong Hulyo 8, 2026: “Living is a choice. And I choose to be happy. You do not need to be ashamed of your scar. It means you made it out.”
Maiksing mensahe ng ina ni Jorrybell: “Pasensya na po kung hindi makakarating si Jorrybell. Pero OK po siya, hinding-hindi niya palalampasin ito at magpapasalamat siya sa inyong lahat.”
Mensahe ng nakababatang kapatid na lalaki ni Jorrybell: “Sorry po kasi hindi makakapunta sa award ang aking ate ngayon dahil po sa sakit niya.
“Labis po kaming natuwa dahil sa narating niya ngayon at sa kanyang award.
“At sana po ay patuloy nyo po pagdasal sa ate ko na mabilis siyang maka-recover para na rin pong maipagpatuloy niya ang kanyang sinimulan at naitulong sa industriyang ito.”
Si Jorrybell ang bida sa Filipiñana, na ipinadala ng Film Academy of the Philippines (FAP) na panlaban sa kategoryang best international feature ng 99th Academy Awards o Oscars.

Noong Setyembre 23 napabalitang nasa Critical Care Unit ng St. Luke’s Hospital si Jorrybell dahil sa kanser.
Read: Actress Jorrybell Agoto battles cancer, needs financial help
GORGY RULA
Magkasama sina Jorrybell Agoto at Nour Hooshmand sa pelikulang Filipiñana.
Present sila pareho nang i-announce ni FAP Director General Paolo Villaluna noong Setyembre 13, 2026 sa SMX Convention Centre Manila, MoA Complex, Pasay City na ang Filipiñana ang panlaban sa darating na Oscars.
Ini-announce din noon ni Direk Paolo na eligible sa best live-action short film ng Oscars ang Agapito na bida si Nour.
Iyong 58th ay eligible naman sa kategoryang best documentary.
NOUR HOOSHMAND DEDICATES WIN TO JORRYBELL AGOTO
Nagwagi si Nour bilang best supporting actress para sa short film na Starfish sa awards ceremony ng ng 3rd Puregold CinePanalo Film Festival nito ring Setyembre 30, Miyerkules, sa Cinema 5 ng Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
Bahagi ng acceptance speech ni Nour: “Gusto ko pong simulan sa isang kanta… eme! Ha! Ha! Ha! Maraming salamat po sa CinePanalo para sa pagkilalang ito.
“Maraming salamat sa Team Starfish! Sa cast and crew, sa mga castmates ko, VR [Relosa], Sir Floyd [Tena], Dads [Valencia], Jake [Ulan], salamat sa inyo.
“Salamat sa writer namin, Adel [Abrigonda]. Clite [Apolinar]. Ahh salamat sa lahat ng sumuporta sa akin since Day One.
“Sa lahat ng nakumbinsi ko na kaya ko itong gawin. At sa lahat ng nagbigay sa akin ng pagkakataon.”
Pinasalamatan siyempre ni Nour ang kanyang pamilya.
Pahayag pa ni Nour: “Salamat sa Diyos at gusto ko lang i-shoutout, sa napakahusay na aktres at matalik kong kaibigan — si Jorrybell Agoto!
“Mahal kita! Napakahusay mo! At mabuhay ang pelikulang Pilipino!”

Read: juan karlos, Zanjoe Marudo, Momo Kobayashi absent at CinePanalo 2026 awards night
JERRY OLEA
Nakatsikahan ko sina Jorrybell Agoto at Nour Hooshmand nang magkatabi sila noong Setyembre 13, 2026 sa isang meeting room ng SMX Convention Centre Manila.
Sabi noon ni Nour: “Super-proud of Jorrybell, grabe, ang husay! Napakahusay!”
“Wow!!! Naiiyak ako, charot!” bulalas ni Jorrybell, na napangiti nang sakdal tamis.
Dagdag ni Nour: “Parang ano lang kami, nangangarap lang kami sa Kamuning, nitong si Jorrybell. Tapos ngayon, talagang hindi po makapaniwala na nandito na, sa ganito…”
Classmates sina Jorrybell at Nour sa Meisner acting workshop ni Angeli Bayani noong 2022, bago pa gawin ni Jorrybell ang Cinemalaya 2023 entries na Tether at When This Is All Over.
Pagbabalik-tanaw ni Nour: “So sa Kamuning, parang nangangarap-ngarap kami noon. ‘Teh, what if ganito? Ganyan! Ganyan!’
“Tapos ang galing, minsan kailangan mo din talagang ibato sa universe!”
Patangu-tango si Jorrybell sa kuwento ni Nour.

JORRYBELL AGOTO HOSPITALIZED FOR LYMPHOMA
Napag-alaman na lang namin noong Setyembre 23 na galing pala sa ospital si Jorrybell bago pumunta sa SMX Convention Center-Manila noong Setyembre 13, at bumalik din sa ospital kapagkuwan.
Nitong Setyembre 30 bago mismo ang awards ceremony ng CinePanalo sa Gateway Mall ay nakatsikahan muli namin si Nour.
Ayon kay Nour, hindi rin siya aware na noong Setyembre 13 ay kalalabas lang ni Jorrybell sa ospital, at bumalik din ito sa ospital afterwards.
Saad ni Nour: “Yun ang huling beses po na nagkita kami. Ahhh kaya sobrang heartbreaking na yun nga po, yung condition niya po ngayon.
“And even now in touch po ako sa family niya. Constantly seeking updates, kumusta na siya. At naghahanap ng tulong.
“Kasi siyempre, hindi po biro yung gastos.”
Sa Oktubre 4, Linggo, ay tutulak na pa-South Korea si Nour para sa Busan International Film Festival, kung saan kalahok ang dalawang pelikula niyang Filipiñana at Ria.
Umayaw si Jorrybell na mag-Busan at ang sabi ay magpapahinga siya, pero nag-commit na rumampa sa opening ceremony ng Tokyo international filmfest sa Oktubre 26, kasama si Sunshine Teodoro.
Hagikgik nang hagikgik pa si Jorrybell noong Setyembre 13.
“Ano po kasi, ayaw niya pong tratuhin siya nang… kung paano yung sakit niya. Si Bell po kasi, ano po talaga iyan, fighter! Very strong person po yan!” sey ni Nour.
“So as much as possible, kung kaya niyang kargahin, kakargahin niya yan, e. Tatawa pa rin yan.
“Hindi mo talaga mararamdaman na may pinagdadaanan.”
Noon pa man ay nagtutulungan na sina Nour at Jorrybell.
“Nangangarap lang po talaga kami noon, yun nga, kung saan kami dalhin. Kami yung nag-a-advise sa isa’t isa,” pagtatapat ni Nour.
“Kasi parehas po kaming independent. ‘Paano natin gagawin ito, teh?’ Ganyan. Saka nagta-travel din kami together.
“Sa Nueva Ecija, yan, nagpoprobinsya kami. Nagba-bonding kami, kasama yung friend namin, si Camille na nasa industriya din po… ayun, kami yung magbabarkada.
“Nagpunta po kami sa mga ilog. Mahilig po si Bell sa nature trip. Doon po talaga siya nakakahinga. Ako rin po.
“Simple lang. Tapos may friend kaming musician, may dalang gitara. Tapos may isang memorable kaming ginawa, nagpunta kami sa perya. Nag-color game kami.
“Sobrang saya namin. Nakaka-miss, to be honest, na makasama siya sa mga ganung adventure…
“Kaya ang sakit, ang lungkot na itong nangyayari ngayon, kung kailan parang sobrang umuusbong yung career, at nakikilala na siya talaga ng mga tao.
“Biglang may ganitong pagsubok. So sana, ayun, dumagsa pa yung tulong lalo, and yung pagdadasal para sa kanya.”
Alam daw ng close friends ni Jorrybell na may sakit ito, pero hindi sinabi kung gaano kalala.
“Ang kulit-kulit pa niyan! Napakakulit po talaga! Ayaw niyang ipahalata!” sambit ni Nour.
Read: Filipiñana star Jorrybell Agoto alive and fighting lymphoma
