GORGY RULA:
Nagtapos na ang Face to Face with Ate Koring noong Oktubre 9, 2026, Biyernes ng 11:00 A.M. sa TV5.
Ang kapalit nitong programa ay iho-host pa rin ng Kapatid ng Bayan na si Korina Sanchez, ang Good Mornings with Ate Koring, simula Oktubre 12, Lunes ng 11:00 am pa rin.
“Una, naisip namin na para bang mas akma, mas fresh sa umaga iyong positive,” sabi ni Ate Koring sa mediacon noong Oktubre 9, Biyernes, sa Studio 6 ng TV5, Reliance St., Mandaluyong City.
“So we’re greeting everybody a ‘Good morning,’ so tama nga naman na morning yung programa at yung title namin.
“It is still much like Face to Face with Ate Koring minus the problems of the world.
“At ito ngayon, puro mga solusyon. Puro mga kasiyahan. Personalities and interviews. So maganda, kasi meron ding mga performances. Marami, araw-araw iyan.”
Kumusta ang Korina Sanchez vs. Korina Sanchez sa umaga? Kasi, nagpapang-abot ang dalawa niyang TV program.
Seryoso naman si Ate Koring sa isa pang programa niya sa ibang channel na may political stuff.
Read: Has Sarah Lahbati hard-launched her rumored new boyfriend?
KORINA SANCHEZ ON DOING EXTRA WORK
Dito ay all-around daw siya.
“Oo nga. Alam mo, baka hindi mo naitatanong, ako rin ang nagpipintura ng set namin,” sey ni Ate Koring.
“Ako rin ang nag-iilaw. Ako rin ang nagre-rewrite ng mga script. Dito, medyo assistant director ako ni Don Cuaresma.
“Alam mo naman iyung training natin nung mga panahon na wala pang A.I. (Artificial Intelligence), hindi ba?
“Iyung training natin, talagang all-around at saka pasipagan. Talagang talo ng masipag iyung matalino. A.I. iyon!
“Kaya kailangan talaga, sisipagan mo. Lahat ng puwedeng gawin sa mga panahon ngayon, dahil nga sa maliliit na ngayon, mas maliliit na ang mga niche market ng bawat plataporma.
"Talagang pakyawan! Ayun, pakyawan. E, sabi ko naman, aanhin ko naman iyung oras, hindi ba? So hanggang kaya, biniyayaan tayo ng health ni Lord, so kinakaya natin.
"At nakakapagpatagal ng buhay. Tama ba? Hindi ba? Kesa nagbibilang ka ng butiki sa kisame!"
Kumpleto raw lagi sa tulog si Ate Koring — walong oras bawat araw.
"I still get eight hours a day. Kasi naman, diretso na ako ng bahay,” sambit ni Ate Koring.
"Hindi na ako gumigimik."
Read: Jolina Magdangal "patol na patol" with Marvin Agustin's "pambobola"
KORINA SANCHEZ ON HELPING THE PEOPLE SHE MEETS
JERRY OLEA:
Mas mellow si Korina Sanchez sa Good Mornings with Ate Koring kumpara sa Face to Face with Ate Koring?
Pahayag ng Kapatid ng Bayan: “Decidedly, we figured mas maganda ang format na ito sa umaga.
“Kasi nga naman, although I’m very grateful na ginawa ko iyung Face to Face, ha? Bakit? Nakita ko na andami palang problema sa barangay level pa lang.
"Talaga kasing didikit ka sa tao. Iyung mga problema nila, maliit na amount, makikipagsuntukan et cetera.
"So andami ko ring natulungang tao. So hanggang ngayon, pinagbabayaran ko pa lahat ng pinangakuan ko.
"Abunadung-abonado pa rin po ako kaya kailangan kong magtrabaho. Oh, andami kong napangakuan ng tuition, ng mga paospital, pustiso, lahat.
"So I’m grateful that I had that opportunity. We helped. Kasi iyung help, nasa DNA ko na talaga iyan. Hindi puwedeng wala akong tutulungan. Parang mamamatay yata ako.
"But this one, I won’t say it’s mellow, mellower. It’s just a different format. Para ang gising naman natin sa umaga ay maganda, hindi ba? Hindi nag-aaway-away…
"Pero nakakatulong pa rin kami, ha, in many ways dito sa format na ito,” pagmamatwid ni Ate Koring.
"Kasi tinuturuan namin iyung mga misis, paano magnegosyo na nasa bahay lang. Iyung mga talented na mga bata, nadi-discover sila.
"And other children can be encouraged to hone their talents also, et cetera. So maganda iyong format na ganito. Magaan."
Ano ang masasabi niya sa taguri sa kanyang Kapatid ng Bayan?
"Alam mo, matagal ko na ring nararamdaman iyan. Kasi ako rin sumusuporta sa mga kapatid ko, e,” pagtatapat ni Ate Koring.
"Parang bakit iyung ibang mga pamilya, ano, lahat sila mayayaman, lahat sila successful. Bakit ako, ako iyung sumusuporta sa kanila?
"No, but my brother, I love my brothers. Talagang para akong ipinanganak na ate na talaga.
"Tinitingnan ko iyung mga pangangailangan nila hanggang sa mga anak nila, hanggang sa anak ng anak nila.
"Because parang ako na iyung matriarch ng family. Wala na kasi ang mother ko; wala na rin my dad. I’m the only girl.
"Kaya kailangan work pa more para makatulong sa mas marami."
Read: About Us But Not About Us stageplay confronts the ghosts of grief
KORINA SANCHEZ ON ADAPTING TO CHANGE
NOEL FERRER:
Deka-dekada na nating napapanood sa TV si Korina Sanchez mula pa sa TV Patrol noong late ‘80s. Noong ‘90s ay rumatsada na rin si Ate Koring sa radyo.
Natatawang himutok ni Ate Koring, sinasabihan siyang 100 years old na raw siya. Tuluy-tuloy ang pag-reinvent niya through the years.
“Ano ang pinakaimportanteng bagay na puwede mong ituro sa iyong anak?” lahad ni Ate Koring.
"Hindi ba? Puwede namang, ‘Be kind to everyone.’ O kaya ay, ‘Make money and more money.’ Hindi, e.
"Ang sabi ng isang genius, one of the great thinkers of modern times, ‘The best thing that you can teach your children is adaptation to change.’
"So totoo naman din iyun. Wala namang nagturo sa akin nun. Siguro iyung change kasi is the only constant.
"Especially now in the age of technology. Kailangan mo talagang humabol.
"So nagsarado ang ABS-CBN, lilipat ako ng Facebook. Merong producer dito, pupunta ako sa producer na iyan.
"And so this is part of that adaptation. Na lahat ng mga platforms, puwede mong trabahuhan.
"At lahat ng formats na bagay naman sa akin — hindi naman ako puwedeng mag-bold, di ba? Hindi naman ako puwedeng mag-ano.
"Ahhh lahat ng formats na puwede, iyung training ko sa ABS-CBN noon, talagang nakabuti talaga sa akin.
"So nasa tao rin. Kailangan masipag ka. Kailangan marunong ka ring makisama sa tao.
"Magtataray ka nang konti pero pauutangin mo pag nangutang sa iyo, di ba? Para balanse."
