JERRY OLEA:
Ngayon pa lang ay excited na kami sa awards night ng 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) gaganapin sa Disyembre 27, 2026 sa Shangri-La EDSA hotel sa Mandaluyong City.
Read: MMFF 2026 last four films announced
Interesting ang labanan sa kategoryang best actor! Llamadong maging topgrosser ang The Greatest Showdown nina Vic Sotto at Vice Ganda. Teaser pa lang, kaavang-avang na ang vanggan, versusan, at bakbakan nina Bossing at Meme. Ang tanong… mano-nominate kaya silang best actor?
Si Vice ang best actor ng MMFF 2025 para sa Call Me Mother. Sa MMFF 2024 ay nominadong best actor si Vic Sotto para sa The Kingdom, pero kinabog siya ni Dennis Trillo ng Green Bones.
Noong MMFF 2024 ay best supporting actor ang Green Bones co-star ni Dennis na si Ruru Madrid.
Ngayong MMFF 2026 ay may kani-kanyang entry sina Dennis at Ruru. Kasama si Dennis sa Amir, at si Ruru ay nasa Los Salvajes Bravos. Tingnan natin kung magtatagisang ba sa kategoryang best actor sina Dennis at Ruru.
Puwede ring maglaban sila sa best supporting actor category. Nasa discretion iyan ng mga hurado. Puwedeng pam-best actor ng Amir si Argus Aspiras (na shoo-in bilang best child performer), at puwedeng ang panlaban ng Los Salvajes Bravos sa lead actor category ay si Romnick Sarmenta.
Siyempre, andiyan pa sina Aga Muhlach ng 2nd Miracle in Cell No. 7, Paulo Avelino ng A Perfect Marriage, at John Arcilla ng Haunted Carnival.
Sa MMFF 2019, nominadong best actor si Aga para sa topgrosser na Miracle in Cell No. 7, pero tinalo siya ni Allen Dizon ng Mindanao. Ang isa pang nominado ay si Rocco Nacino ng Write About Love.
Sa MMFF 2024, inisnab ng mga hurado ang pagganap ni Aga sa Uninvited.
MMFF HISTORY: BEST ACTORS
Sa kasaysayan ng MMFF, nakapitong best actor trophy ang Drama King of Philippine Movies na si Christopher de Leon. Ang mga ito ay para sa Ganito Kami Noon… Paano Kayo Ngayon? (1976), Haplos (1982), Imortal (1989), Nasaan Ang Puso? (1997), Bulaklak ng Manila (1999), Mano Po III: My Love (2004), at Magkaibigan (2008).
Tigtatlo sina Cesar Montano (Jose Rizal noong 1998, Bagong Buwan noong 2001, Ligalig noong 2006) at Anthony Alonzo (Bago Kumalat ang Kamandag noong 1983, The Moises Padilla Story: The Missing Chapter noong 1985, Anak Badjao noong 1987).
Tigdadalawa sina Derek Ramsay (English Only Please noong 2014, All of You noong 2017), Dingdong Dantes (Segunda Mano noong 2011, One More Try noong 2012), Dolphy (Espadang Patpat noong 1990, Father Jejemon noong 2010), Eric Quizon (Juan Tamad at Mr. Shooli: Mongolian Barbecue noong 1991, Crying Ladies noong 2003), Aga Muhlach (Bakit Labis Kitang Mahal noong 1992, May Minamahal noong 1993), at Dennis Trillo (One Great Love noong 2018, Green Bones noong 2024).
Nag-MMFF best actor na si Paulo Avelino para sa Fan Girl (2020).
Sa kasaysayan ng MMFF ay limang lead actor na ang nagwagi para sa horror movie. Ang mga ito ay sina Vic Silayan para sa psychological horror drama na Kisapmata (1981), Herbert Bautista para sa “Manananggal” episode ng trilogy na Shake, Rattle & Roll (1984), Mario O’Hara para sa “Halimaw” episode ng twinbill na Halimaw sa Banga (1986), Marvin Agustin para supernatural psychological horror na Kutob (2005), at Dingdong Dantes para sa Segunda Mano (2011).
Multo si Rio Locsin sa MMFF 1982 entry na Haplos for which nag-best actor si Christopher de Leon, pero supernatural drama ang genre ng pelikula, hindi katatakutan.
Dark horse na mag-best actor si Zaijian Jaranilla sa MMFF 2026 para sa biopic/meta documentary na Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel Gallardo, CMF. Ano kaya kung makasilat si Pepe Herrera para sa Little Hope?
Read: Jane de Leon, Louise delos Reyes make waves with new look
GORGY RULA:
Sa 3rd Puregold CinePanalo filmfest ay pito ang nominadong best actor. Ang nagwagi ay si juan karlos para sa Mono No Aware. Ang anim na katunggali niya ay sina John Arcilla ng Beast, Joross Gamboa ng Wantawsan, Khalil Ramos at Ian Pangilinan ng Patay Gutom, Joao Constancia ng Multwoh: Patay na Patay Sa ‘Yo, at ang co-star ni juan karlos sa Mono No Aware na si Perry Dizon. Sa labanan sa best actress, wagi si Xyriel Manabat para sa Stuck On You. Isa lang ang katunggali niya, si Sassa Gurl ng Multwoh: Patay na Patay Sa ‘Yo.
Sa MMFF 2026 ay mukhang marami rin ang magkakalaban bilang best actor. Sa best actress, ang malamang na magtagisan ay sina Kim Chiu ng A Perfect Marriage, Jodi Sta. Maria ng 2nd Miracle in Cell No. 7, Yassi Pressman ng Little Hope, Glaiza de Castro ng Amir, at Julia Barretto ng Haunted Carnival.
Puwede ring lumaban bilang best actress sina Maricel Soriano ng horror movie na Haunted Carnival, pati sina Elora Españo at Angelie Sanoy ng meta documentary na Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF.
MMFF HISTORY: BEST ACTRESSES
Sa kasaysayan ng MMFF, walong beses naging best actress si National Artist Nora Aunor. Tiglima sina Vilma Santos at Maricel Soriano. Tigtatlo sina Judy Ann Santos at Amy Austria. Tigdalawa sina Jennylyn Mercado at Gloria Romero.
Ang mga pelikulang pinanalunan ng multiple winners bilang best actress sa MMFF ay ang mga sumusunod:
- Nora Aunor — Atsay (1978, best performer), Ina Ka ng Anak Mo (1979, katabla si Lolita Rodriguez), Himala (1982), Bulaklak sa City Jail (1984), Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990), Ang Totoong Buhay ni Pacita M. (1991), Muling Umawit ang Puso (1995), Thy Womb (2012)
- Vilma Santos — Burlesk Queen (1977), Karma (1981), Imortal (1989), Mano Po III: My Love (2004), When I Met You in Tokyo (2023)
- Maricel Soriano — Nasaan Ang Puso? (1997), Filipinas (2003), Bahay Kubo: A Pinoy Mano Po! (2007), Yesterday, Today, Tomorrow (2011), Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013)
- Amy Austria — Brutal (1980), Celestina Sanchez, Alyas Bubbles - Enforcer: Ativan Gang (1988), Trudis Liit (1996)
- Judy Ann Santos — Kasal, Kasali, Kasalo (2006), Mindanao (2019), Espantaho (2024)
- Gloria Romero — Tanging Yaman (2000), Rainbow’s Sunset (2018)
- Jennylyn Mercado — English Only Please (2014), Walang Forever (2015)
Read: Aira Brigola: Blind graduate who passed psychology board exam
NOEL FERRER:
Maliban sa karera sa takilya at awards ng full-length films sa MMFF 2026, exciting din ang Student Short Film contest ng MMFF 2026 na may temang “Pasko Sa ‘Pinas.”
Katatapos lang ng Student Short Film Caravan sa Manila noong nakaraang weekend. From the more than two hundred short films submitted from all over the Philippines, napili na ang 16 semi-finalists, which will be further narrowed down to 8 after script revisions and pitching na magaganap by next week.
Ang papalarin ang makakatanggap ng P20,000 Script Development Grant at inaanyayahang dumalo sa Story Development Workshop na sana ay magbunsod ng magagandang walong student short films na ima-match sa mga full-length films sa pagbubukas ng MMFF sa darating na Kapaskuhan.
As much as the Parade of Stars will be brought to Bacolod City which will coincide with the big Batang Pinoy Sports Meet, darating din ang Student Short Film Caravan sa Bacolod next week with National Artist Ricky Lee, FAP Director General Paolo Villaluna and MMDA/MMFF Chairman Don Artes.
So, sa sinasabi nating future of Philippine Cinema, maliban sa mga Masters at nasa paggawa na ng kanilang mga obrang pang-wide release sa MMFF, naniniwala ang MMDA/MMFF na mahalaga ang pag-train ng mga batang filmmakers na siyang pag-asa at hinaharap ng sining at industriya ng pelikula sa ating bansa!
