JERRY OLEA
Tabla bilang best actress sa 49th Gawad Urian sina Maris Racal (Sunshine) at Odette Khan (Bar Boys: After School).
Tabla rin doon bilang best actor sina Jericho Rosales (Quezon) at Carlo Aquino (Bar Boys: After School).
Ang best supporting actress ay si Jennica Garcia (Sunshine).
Ang 49th Gawad Urian ay ginanap noong Oktubre 8, 2026, Huwebes, sa De La Salle University, Taft Avenue, Manila.
Sa 28th Gawad PASADO (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) na gaganapin sa Oktubre 22, Huwebes, sa Abbot Lopez Hall ng San Beda University, Mendiola St., Manila, tabla-tabla rin sa categories ng lead actors at lead actresses.
Kapwa tatanggap ng PinakaPASADOng Aktres sina Charo Santos-Concio (Only We Know) at Maris Racal (Sunshine), samantalang sina Jericho Rosales (Quezon) at Joshua Garcia (Meet, Greet & Bye) ang mga nagwagi bilang PinakaPASADOng Aktor.
Pararangalan din si Jennica Garcia (Sunshine) bilang PinakaPASADOng Katuwang na Aktres.
Gaya-gaya, puto maya ang Gawad PASADO sa Gawad Urian? HINDI po!
Noong Oktubre 4 pa ini-announce ng Gawad PASADO sa kanilang Facebook page ang kanilang major winners.
Hindi naman siguro aakalain ng iba na ang mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) ang nanggaya sa PASADO.
Kani-kanyang panlasa iyan, ika nga.
Sa 28th Gawad PASADO, si Mon Confiado (Quezon) ang PinakaPASADOng Katuwang na Aktor.
Si Lucas Andalio ang nagwagi sa kategoryang PinakaPASADOng Batang Aktor.
Sa 49th Gawad Urian, best supporting actor si Will Ashley (Bar Boys: After School), at walang kategorya para sa best child performer?
Inisnab ba kamo ng Gawad PASADO sina Will at Odette?
Noong Oktubre 4 ay ini-announce din ng PASADO sa kanilang Facebook post ang mga tatanggap ng natatanging parangal (special awards).
Pagpupugayan sina Noel Trinidad at Odette Khan bilang PASADO Lifetime Achievement Awardees.
Pagkilala ito sa kanilang mahahalagang ambag sa pelikulang Pilipino.
Ang special award kay Will Ashley ay PinakaPASADOng Dangal ng Kabataan.
Si Carlo Aquino ang ligwak sa PASADO.
Read: Gawad Urian 2026 honors powerful performances, socially relevant films
GORGY RULA
Marami pang kaibahan ang 49th Gawad Urian sa 28th Gawad PASADO.
Sa 49th Gawad Urian, ang Lifetime Achievement Awardee ay si Laurice Guillen.

Ang best director para sa mga Manunuri ay si Noni Abao para sa Bloom Where You Are Planted na kinilala bilang best picture at best documentary.
Sa 28th Gawad PASADO, si Jerrold Tarog (Quezon) ang PinakaPASADOng Direktor.
Tatlo ang tinanghal na PinakaPASADOng Pelikula ng Taon — Quezon, Meet Greet and Bye, at Sunshine.
PinakaPASADOng Pelikula sa Paggamit ng Wika ang Madawag Ang Landas Patungong Pag-asa, samantalang PinakaPASADOng Pelikula sa Pagkakapantay-pantay ng Kasarian ang Unconditional.
Hinakot ng Quezon ang mga parangal sa musika, tunog, sinematograpiya, editing, at disenyong pamproduksyon.
Wagi ang istorya ng Sunshine, samantalang panalo ang dulang pampelikula ng Kontrabida Academy.
Tatanggap ng pagkilala ang Dagiti Nalaga nga Istoria (Woven Stories) bilang PinakaPASADOng Dokumentaryong Pampelikula, at ang Ti Zarzuela Ilokana ni Manang Daya bilang PinakaPASADOng Maikling Pelikula.
Si Paulo Xavier Ilano ang PinakaPASADOng Bagong Manlilikha ng Pelikula.
Kabilang pa sa special awardees ng 28th Gawad PASADO sina Angelu de Leon, Romnick Sarmenta, Ed Lingao, Kaila Estrada, Coco Martin, at ang mga bumubuo ng FPJ’s Batang Quiapo para sa mga pagkilala sa paglilingkod-bayan, edukasyon, pamamahayag, at telebisyon.
Read: October Awards Rush: Golden Screen, Urian, FAMAS, Star Awards
NOEL FERRER
Narito ang mga sipi ng pagkilala (citations) ng 28th GAWAD PASADO para sa tatlong PinakaPASADOng Pelikula ng 2025.
“Ang parangal na ito ay iginagawad sa mga obrang nagpamalas ng pinakamataas na antas ng sining sa pagkukuwento,” pahayag ng PASADO.
“Pinatunayan ng mga pelikulang ito na sa pamamagitan ng matalinong banghay, tapat na paglalarawan sa karanasan ng tao, at makabuluhang paninindigan, ang sine ay mabisang kasangkapan sa pagmumulat, pagpapagaling, at pagpapatibay ng ating pambansang kamalayan."
QUEZON
“Para sa makapangyarihang muling pagbuhay sa talambuhay at mga huling yugto ng pakikibaka ni Manuel L. Quezon.
“Ang pelikula ay matagumpay na naghabi ng mga historikal na kaganapan at personal na desisyon ng isang lider, kung saan inilantad nito ang bigat ng pamumuno sa gitna ng digmaan, kolonyal na politika, at ang pangarap na makapagtatag ng isang malayang nasyon."

SUNSHINE
“Para sa tapat, maselan, at walang-takot na pagtalakay sa kwento ng isang kabataang gymnast na nahaharap sa napakabigat na desisyon at pagsubok sa buhay.
“Sinundan ng pelikula ang pisikal at emosyonal na paglalakbay ni Sunshine (pangunahing tauhan) sa gitna ng mga restriksyon ng lipunan at personal na takot."

MEET, GREET & BYE
“Para sa makabagbag-damdaming pagsasalaysay sa dinamika ng pamilya at modernong relasyon na sinubok ng distansya at panahon. Inilatag ng pelikula ang masalimuot na realidad na damdamin ng mga magkakapatid at may sakit na ina at ang emosyonal na bunga ng migrasyon at muling pagbubuo ng pamilyang na may itinagong pagtatampo at pagmamahal."

Read: MMFF history: Who are the record-holders for top acting awards?
