GORGY RULA
Mas naka-focus ngayon sa negosyo ang film director na si Fifth Solomon pagkatapos ng pelikulang Lasting Moments (2024) na iprinodyus at idinirek niya.
Masaya si Direk Fifth na hindi sila nalugi sa pelikulang pinagbidahan nina Sue Ramirez at JM de Guzman.
Tatlong beses din kasing na-move ang playdate ng Lasting Moments at awa ng Diyos, hindi sila nalugi.
“Hindi kami nalugi. Yung maka-breakeven ka with what’s happening with the situation. Tapos first pa namin yun.
“Tapos indie lang naman kami. Hindi pa kami nakapag-partner with the super big production.
"Super ano na kami, thankful na.
“So, nung ginawa namin yung Lasting Moments, super happy sila.
"Actually, gusto pa naming gumawa ng another movie, e,” saad ni Direk Fifth nang nakapanayam ng PEP Troika sa opening ng Tamako Restaurant sa Sct. Torillo cor. Sct. Rallos Sts., Quezon City.

NEW BUSINESS VENTURE OF FIFTH SOLOMON
Itong Japanese restaurant ang pangatlong negosyong ipinundar ng actor-director.
Ang una raw niyang negosyo ay ang LGBT bar na Hoesik Bar sa Brgy. Poblacion, Makati City.
Meron din siyang Passion 5 Studios na nag-produce ng Lasting Moments, kung saan ka-partner niya ang iba pang may-ari ng Tamako Restaurant.
Naranasan na ni Fifth mag-fail sa negosyo, pero hindi raw siya sumuko. Tumuloy pa rin siya, at ito na ang mga naipundar niya.
Saad niya: “I think ano lang, huwag kayong matakot mag-invest, ganyan. Yun nga ang sabi ko, mag-risk ka o maging stagnant ka lang.
“Ganun talaga, that’s life. Kailangan ma-inspire ka mag-put up ng business, mag-take risk, mag-grow ganun,” pakli niya.
Read: Fifth Solomon deeply hurt by comments about his fashion choices
FIFTH AND HIS "STRAIGHT" PARTNERS
Ipinagmamalaki ni Fifth na maayos ang trato sa kanya ng mga lalaking business partner niya na pawang straight daw.
Hindi raw isyu sa business partners niya na siya lang ang miyembro ng LGBTQIA sa mga investors.
“Mga friends ko sila sa business,” sambit ni Fifth.
“Ang maganda, mga straight sila, mga lalaki. Ako lang yung bakla.
"Pero nag-aano naman kami. Nagko-connect naman kami.
“Kasi natutuwa sila on how I speak, ganun. Parang nagugulat sila sa bibig ko, ganun. Natutuwa sila kasi mahilig din sila sa showbiz, e, sa mga film, ganyan.
“I think naman ngayon, mas open naman ang mga tao when it comes to LGBT.”
Pagdating naman sa negosyo nila, seryoso raw siyang kausap at hindi yung baklaan lang.
Sabi pa ni Fifth: “Ako naman po, pag nakipag-partner ako [sa business], hindi naman bilang bakla. Nakipag-partner ako bilang tao lang, businessman.
“I talk numbers. Seryoso po ako when it comes to business din.
"Pag kausap nila ako, seryoso din ako. Straight to the point din ako ganun.
“So I think, wala naman pong isyu yan, ganun. Ngayon, ang bakla, matatapang na rin, e.
“I’m proud to say na ang bakla, kaya na any field. Dati ang bakla, parlor lang, or showbiz lang or arts lang.
“Ngayon, magaling na rin ang bakla kahit na sa anong field.”

JERRY OLEA
Kapansin-pansing may nabago sa mukha ni Fifth Solomon. Pinaayos niya uli ang kanyang mata.
Hindi niya itinatangging ilang beses siyang nagparetoke sa kanyang mukha.
Nagsimula raw siyang magparetoke ng mukha nung 17 years old pa lamang siya.
Aniya: “Yung nose ko, three times. Yung hairline ko, three times. Tapos yung panga ko, pinabawasan ko rin yan sa Faces and Curves.
“Sila rin usually ang gumagawa sa mga artista. Pero siyempre, bawal sabihin kung sino, di ba?
“So ako, panga, once. Lipo, dalawa. Nagpa-face lift ako, once. Fox eyes, three times, mga ganun.
“So yung kambal ko [Fourth Solomon], hindi ko na kambal. Kasi nga, retoke nang retoke.”
Nagugulat na lang daw ang pamilya niya kapag may bago na naman siyang ipinaayos.
“Naloloka na lang sila,” bulalas ni Direk Fifth.
“Kasi ang ate ko, si Chariz Solomon, di ba? Dati sinasabi nila, ‘Kamukha mo si Chariz.'
"Ngayon, hindi na, e. Parang ibang tao na, e.
“Parang nagpa-head transplant na, e!” natatawa niyang pahayag.
Read: Fifth Solomon, inaming sumailalim sa face lift at fox eye surgery
NOEL FERRER
Kamakailan lang ay pinag-usapan kung may nabago ba sa mukha nina Jane de Leon at Louise delos Reyes.
Pati si Arci Muñoz ay napapag-usapan ding nakasanayan nang may nababago sa kanyang mukha.
Sabi ni Fifth Solomon, dapat tanggapin na lang natin kung ano ang gustong gawin ng mga tao sa kanilang mukha. Hindi na raw kailangang i-bash pa.
“I think dapat maging open na tayo. Parang ang dami pa rin kasing…. parang bina-bash pag nagpaparetoke.
“I think, 2026 na, maging open na tayo. Nakakatulong yan sa self-esteem ng isang tao, e.
“Kung ano yung ikakaligaya ng tao, dapat suportahan na lang natin.
“Kung ayaw mong ikaw magparetoke, hindi ka naman idya-judge kung ayaw mo.
“Pero yung iba, iaano mo lang sila, support mo lang na nagpaparetoke sila,” saad niya.
FIFTH ON NEW WAY OF DEALING WITH BASHERS
Dati raw ay pinapatulan niya ang mga namba-bash sa kanya. Pero ngayon ay kalmado na raw siya at hinahayaan na lang niya.
“Ngayon ano na ako, e… actually kasi. Before, I’m bipolar kasi e.
"Before, bago ako na-diagnose na bipolar, nagre-react ako, like, nakikipag-away na ako sa mga bashers, ganyan.
“Pero nung naggamot na ako, nakatulong sa mood ko.
“So, I’m very positive na hindi na ako naapektuhan ng mga bashers,” sey ni Fifth.
Dagdag na sabi ni Fifth sa mga taong laging nagpaparetoke ng mukha: “Siguro ang ano ko lang sa kanila, papano niyo nabubuksan yung face ID niyo sa iPhone?
“Kasi ako, thankful ako, nabubuksan pa rin yung face ID ko, yung iPhone ko, e.
“Ang ano ko nga lang, yung sa pinto ko. Dapat naka-smile ako. Kaya kahit lasing ako, smile ka para makapasok.”
Read: Fifth Solomon reveals being diagnosed with bipolar disorder
