JERRY OLEA
Sa mga school muna ipapalabas ang advocacy film na Guryon, kung saan bida sina Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, at child actor na si Kanye Avendaño.
Ang guryon ay malaking saranggola.
Ayon sa writer-director ng pelikula na si Lester Dimaranan, naisip niya ang project na ito dahil nakakalimutan na ng mga tao, lalo na ng mga kabataan, ang kultura ng pagpapalipad ng saranggola.
“Dahil ako ay tagatabing-tubigan, o tabing-sakahan, kaya naisip kong isulat itong kuwentong ito na nagsimula talaga ito is pan-Liwayway magazine,” pahayag ni Direk Lester sa premiere night ng Guryon noong Oktubre 17, 2026, Sabado, sa Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
“Before po kasi ay writer ako ng maikling kuwento sa Liwayway. Tapos, noong kinausap ako ni Ma’am Alpha [Carmina Valdez, producer], gusto niyang gumawa ng pelikula na pang-eskuwelahan, kaya naisip ko yung kuwento ng Guryon.”

Ang orig na title ng pelikula ay Saranggola.
“Pero bilang paggalang kay Direk Gil Portes, iniba namin. Yung guryon kasi ay mas malaki,” sambit ni Direk Lester.
May pelikulang Saranggola (1999) na so Direk Gil, kung saan tampok sina Ricky Davao, Jennifer Sevilla, Mark Gil, Roy Alvarez, at Lester Llansang.
Prinodyus iyon ng GMA Films.

“Itong istorya ng Guryon ay metaphorical tungkol sa paggawa ng saranggola,” lahad ni Direk Lester.
“Na yung hirap, na akala mo pag lumipad na, yun na yon. Pero hindi, yung pagbabalanse para tumagal sa itaas, minsan yun ang mahirap. So, yun ang challenge sa buhay.
“Na kahit natupad mo na, minsan hindi mo alam na maaaring may ibang challenge na pagdadaanan. Puwedeng malakas na hangin, mga problema, so yon.”
GURYON'S TARGET AUDIENCE
Dahil sa schools ipapalabas ang Guryon ay inayos iyon nang lubos ni Direk Lester sa tulong ng kanyang assistant director.
“Pinagsikapan namin na malimitahan yung mga aksyon, paggamit ng baril, exposure ng dugo, para pasok siya sa mga pambata,” pagsisiwalat ni Direk Lester.
“Kailangan mong mag-adjust kung ano ang target audience mo. Kasi kung hindi, mapapaso tayo sa MTRCB.
“Kahit sa schools ipapalabas iyan, kailangan nyo pa rin ng sinehan, kailangan pa rin ng rating galing sa MTRCB.”
Ang MTRCB rating ng Guryon ay PG (Parental Guidance).
“Kailangan lang na may bantay, kahit isang adviser, kapag papanoorin ito ng mga bata,” sabi ni Direk Lester.
“Puwede itong panoorin kahit pang-elementary.”
Read: Zaijian Jaranilla reacts to Seeds of Peace MMFF 2026 issue
NOEL FERRER
Kumustang katrabaho ang mga bida ng Guryon na sina Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat?
Napangiti si Direk Lester Dimaranan: “OK silang katrabaho. Minsan parang baliktad, ako yung writer, pero ako po yung laging may dalang script.
“Yung dalawang bata, pagpasok sa set, wala nang script. Saulado na nila. Ganun silang katrabaho.
“Na hindi mo na sila poproblemahin na pamali-mali sa dialogue. Walang ganun sa kanila.”
Ano ang papel nina Zaijian at Xyriel sa Guryon?
“Magkaibigan sila dito, na si Zaijian kasi dito, meron siyang kapatid [Kanye Avendaño] na inaalalayan niya, gusto niyang makatapos ng pag-aaral,” tugon ni Direk Lester.
“And si Xyriel naman ay kaibigan ni Zaijian dito, na medyo may gusto kay Zaijian pero hindi binibigyan ng pansin ni Zaijian.
“Kasi nga, ang focus ni Zaijian ay sa kapatid niya, na maitaguyod niya. Kasi, wala na silang magulang.
“Pangarap nung bata na gumawa ng saranggola. Tinuturuan siya ni Zaijian kung paano.
“So, parang yung stages ng story, stages yon ng paggawa ng saranggola. Parang iyon ang pinaka-metaphor.”
DIREK LESTER INSPIRED BY HIS MENTOR
Na-inspire si Direk Lester sa mentor niyang si Efren R. Abueg (Marso 4, 1937-Hulyo 20, 2026) sa pagbuo ng pelikulang Guryon.
Pagmamatuwid ni Direk Lester: “Ako ay anak-anakan ni Dr. Efren Abueg na isang writer din na tumanggap ng anim na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
“In-adopt niya ako sa Cavite Young Writers Association. Naging vice president ako, tapos siya ang nagga-guide sa akin.
“Lahat ng kuwento ko, dumadaan sa kanya. Siya ang nagpapasa sa Liwayway.”
Dahil kay Dr. Efren Abueg, nagustuhan ni Direk Lester ang paggawa ng pelikula na ginagamitan ng metaphor o symbolism.
“Parang gusto ko yung mga ganung klase ng kuwento na hindi naman open ending pero may maiiwanan sa tao, sa manonood,” saad ni Direk Lester.
“Parang for me, iyon ang magandang formula. Kasi after all of these, entertainment ito, e. Mahalaga na ma-entertain mo yung manonood.
“For me, yun ang target natin bilang filmmaker, na ma-entertain mo yung manonood… gusto kong makapag-iwan ng inspirasyon sa mga manonood.”
Si Direk Lester din ang nagdirek ng mga pelikulang Lukas (2019), Nelia (2021), Mamasapano: Now It Can Be Told (2022), at Spring in Prague (2025).
Medyo mabigat ang genre ng Nelia at Mamasapano: Now It Can Be Told, samantalang itong Guryon ay pambata.
Maliban kina Zaijian, Xyriel, at Kanye, nasa cast ng Guryon sina Ruby Ruiz, Ron Angeles, Ramon Christopher, Ping Medina, Dindo Arroyo, Polo Ravales, Rob Sy, Paolo Serrano, Pekto, Gene Padilla, at Sabrina M.
Read: Charo Santos gets Gawad PASADO, Susan Roces Celebrity Award
GORGY RULA
Maliban kay Direk Lester Dimaranan, present sa premiere night ng Guryon ang mga bidang sina Zaijian Jaranilla at Kanye Avendaño, at ang producer na si Alpha Carmina Valdez ng Blackfire Entertainment Film Production.
Um-attend din ang cast members na sina Dindo Arroyo, Paolo Serrano, Sabrina M, Gene Padilla, at Rob Sy.
“Maganda ho yung istorya… it’s a very family-oriented film,” sabi ni Dindo sa open forum bago ang screening.
Saad ni Paolo: “Isa po ako sa magpapahirap sa dalawang magkapatid. Isang malaking unos na magpapahirap sa dalawang magkapatid.”
Sey ni Kanye, “Ang karakter ko po dito sa Guryon ay ipahayag ang kuwento ni Pepe.”
Si Pepe ang nakababatang kapatid ni Nestor na ginampanan ni Zaijian.
Pahayag ni Sabrina M: “Ako po yung tiyahin ng dalawang bida, ng mga bidang guwapo. Kontrabidang tita nila na medyo… medyo slight lang naman na magpapahirap din sa kanila, di ba?
“I’m sure na magugustuhan ninyo itong pelikulang ito dahil meron kayong mapupulot na magandang aral.”
Pagbibiro ni Gene: “Good evening po sa inyong lahat. Ako po si Daniel Padilla. Ay! Hindi pala! Si Gene Padilla po.
“Ang role ko po dito, kami po ang kasama ni Zaijian sa trabaho sa rice mill, kung saan nagtuturo po kami sa kanya ng mga words of wisdom.”
Kuwento ni Zaijian: “Ang Guryon po ay tungkol sa dalawang magkapatid na iniwan ng mga magulang… makikita po ang struggles ng karakter kong si Nestor kung paano niya itataguyod iyong kanyang kapatid.
“At kung paano niya tutulungan iyong pangarap na maabot nung kapatid niya, despite na kahit hirap na hirap na siya sa buhay niya bilang sila nga lang po yung magkatuwang sa buhay.
“Lahat gagawin niya para sa kapatid niya. And nakikita ko rin na ganun din naman tayong mga Pilipino.
“Kahit gaano kahirap, basta para sa pamilya o sa mga mahal natin sa buhay, gagawin natin lahat. Makikita po natin ang mga ganung lesson dito sa pelikulang ito.”
Read: Zaijian Jaranilla reacts to Seeds of Peace MMFF 2026 disqualification issue
