GORGY RULA
Halos lahat ng mga artista, lalo na ang mga beterano, ay dumadaing sa madalang na pasok ng trabaho.
Hindi na raw sila nakakakuha ng mga sunud-sunod na trabaho.
Hindi lang ang movie industry ang apektado kundi pati na rin ang telebisyon.
Hindi na gaanong nabibigyan ng show ang mga kilala at de kalibreng veteran stars dahil sa hindi na kaya ng production ang mga matataas na talent fee.
Kung hindi ka mag-a-adjust ng talent fee, mahihirapan kang makakuha ng regular show.
Kaya ang ibang artista ay pinasok na rin ang pagko-content.
Halos lahat ay may YouTube channel at nakikipagpaligsahan pa sila sa ibang content creators o vloggers sa pagkuha ng artistang ipi-feature sa kanilang YT channel.
Ang iba naman ay pinasok na rin ang live selling.
Ang dami nang artistang nagla-live selling dahil maganda ang kita.
Karamihan sa mga kilalang artista ay may komisyon sa nabebenta nila at meron pang talent fee.
Kaya nakakaraos sila kahit panaka-naka na lang ang trabaho sa pelikula at telebisyon.
Read: Celebrities pay tribute to Ate Gay: "You will be missed."
BENJIE PARAS
Ito ang napag-usapan namin ni Benjie Paras nang nakapanayam siya ng PEP Troika sa premiere night ng pelikulang Buddy ng MAVX Productions.
Nagpapasalamat si Benjie kay Direk Lucky Blanco dahil sa kanya ipinagkatiwala ang magandang role sa naturang pelikula bilang ka-buddy ni Michael de Mesa.
Todo-promote siya dahil sa Miyerkules, November 4, 2026, na ang showing ng Buddy sa mga sinehan.
Pero nung wala raw siyang ginagawang pelikula at taping sa The Master Cutter ng GMA-7, pinasok rin daw niya ang live selling.
Mga sportswear at appliance daw ang ibinebenta niya sa TikTok.
“Okay naman. Happy ako,” pakli ni Benjie.
“Okay naman siya. Magandang ano… magandang kita. Maganda rin siya.
“Natutuwa ako. Nabigyan ng chance yung ibang mga kapwa celebrities katulad ko na nabigyan ng trabaho — live selling.”
Mga apat na oras o mahigit nakasalang si Benjie sa live selling, at madalas ay inilalagay raw siya sa peak hours.
Minsan ay umaabot daw siya ng ala-una ng madaling-araw.
Minsan ay lumalagpas daw ng isang milyong piso ang nabebenta niya.
Okay naman daw ang kita sa live selling, pero dapat masanay ka raw sa bashing.
“Hindi naman mawawala yun, e. Huwag mo lang basahin.
"Sa lahat naman kasi, may nanggugulo. Yung walang magawa sa buhay,” saad ni Benjie.
Hindi naman daw siya naaapektuhan sa mga namba-bash.
“Hindi. Kasi kasama yun e. Minsan nanood pa rin sila. Pampadami ng views yun, di ba?
“Kahit sabihin pang nang-aasar sila dun, pagtingin mo yung views, marami,” napangiti niyang pahayag.
Read: Michael Sager explains why his Born To Shine character was killed off
NOEL FERRER
MERYLL SORIANO
Diyan nga raw bilib si Meryll Soriano kay Matet de Leon na ang sipag daw mag-live selling.
Hindi na rin daw nito pinapansin ang mga sumusulput-sulpot na bashing.
“Parang ang hirap!” bulalas ni Meryll nang tinanong kung kaya niyang mag-live selling.
“Kaya bilib ako kay Matet! Bilib na bilib ako, kasi parang sabi ko nga sa kanya, ‘Tet, parang hindi ko kaya yung ginagawa mo.’
“Sabi niya, madaldal naman tayo. Pero kahit na, yung daldal ko, may hangganan. It’s really hard.
“So, saludo ako sa mga artist na nabibigyan pa rin ng chance sa online,” saad ni Meryll sa media conference ng Delivery Boi.
Ramdam din daw niya ang hirap ng trabaho ngayon. Kaya nagpapasalamat siya sa GMA-7 na kinuha siya uli para sa naturang afternoon drama ng GMA-7.
May nagsasabing isa sa nakakaapekto sa mga artista ay ang mga naglilipanang AI o artificial intelligence.
Marami na rin ang nahuhumaling manood ng vertical series na AI.
Pero ang pananaw ni Meryll: “Ako, naniniwala ako na yung sining, hindi mapapalitan ng kahit na ano.
“Kahit may AI na, I think yung human connection, mahirap talaga yun tibagin. So, naniniwala pa rin ako sa film, sa TV, and sa theater.
“Kaya, I’m sure people will look for something very real. Kaya hindi tayo mawawalan ng trabaho.
“Mahirap lang ngayon. Pero definitely…”
Kaya iyan ang pag uusapan natin sa Industry Summit na mangyayari sa November 21 ng 10:00 A.M. sa Ibis Hotel sa Cubao, Quezon City.
“CONTENT, COMMERCE, CREDIBILITY: Saan Lulugar ang Press, Prod at Artista?” — lalo ngayong matumal ang trabaho at pera sa ating industriya.
Read: Ogie Alcasid, Regine Velasquez to star in Kailangan Kita musical
JERRY OLEA
Early this year pa naghihimutok ang mga taga-TV industry sa paghihikahos.
Ayun nga at marami na ang na-lay off, at may mga susunod pa.
Kapansin-pansin din ang pagre-replay ng mga serye.
Kung nagre-rate ang mga iyon kahit paano at tubong-lugaw sa commercial load, bakit magkakandaugaga ang TV station na gumawa ng mga bagong palabas?
Nababalitaan din natin ang pagtitipid ng mga produksiyon.
Kaya hindi nakakagulat na maraming artista, kahit may napatunayan na, ang ngangey sa mga araw na ito.
CHARLIE DIZON
Kahit ang Kapamilya actress na si Charlie Dizon ay aminadong mahirap makakuha ng regular show sa drama.
Masuwerte lang daw siya dahil kahit paano ay meron pa ring kumukuha sa kanya para sa drama series.
Pero hindi raw siya makapag-demand pagdating sa talent fee dahil nakikita niyang mahirap ngayon ang pagpo-produce ng teleserye.
“Actually, ang nangyayari sa industry ngayon na talagang nahihirapan po lahat, and totoong affected din po kami. Kasi siyempre, halos lahat, discounted din.
“Parang ganun yung pakiramdam. Parang hindi na kami nagde-demand na taasan o mag-increase pa ganyan. Kasi nga alam na hirap din po yung industry talaga.
“Parang importante ngayon na magtulungan lahat,” sambit ni Charlie sa launch ng Kutis Reveal ni Dr. Kei George Rebollado.
Tanggap naman daw niya sakaling hingan siya ng discount sa talent fee.
“Totoo. Ang importante may work din po ako. Kasi sa totoo lang, mas madami ang nakatengga din, e,” pakli ni Charlie.
Nakikita rin daw niya sa ibang artista na nagko-content na lang dahil wala silang regular show sa telebisyon.
“Mas nakakalungkot na yung iba walang trabaho talaga, di ba? Sana mas makabawi din ang industriya.
“Ganun na nga po ang takbo ngayon, e, na may sari-sariling content na rin. Ang hirap na po talagang mag-adjust, sa totoo lang.
“Na parang nung pumasok ako ng industry, hindi naman ganun yung sistema.
"Tapos ngayon… buti nga yung mas bata ngayon na generation, mas sanay na ngayon sa ginagawa nilang content creation, di ba?
“Ako ngayon, feeling ko bilang millennial, parang nahirapan akong mag-adjust sa ganung sistema ngayon.
"Pero ganun talaga, e. Parang nag-e-evolve na po lahat, e.
“Kailangan din talagang um-adjust and, yeah, para ma-sustain mo din yung, kumbaga, yung position mo dito sa industry,” dagdag na pahayag ni Charlie, na love interest ni Janine Gutierrez sa six-episode Netflix series na Balaraw.
Read: 2 Valid IDs, Pee Mak, Always Yours score at box office
