JERRY OLEA
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Paete Historical & Cultural Foundation kaugnay sa “Ukit” segment ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho noong Nobyembre 1, 2026, Linggo, All Saints’ Day.
Ipinost iyon sa Facebook ngayong Nobyembre 3, Martes ng hapon.
Paete Historical & Cultural Foundation STATEMENT
Ayon sa official statement: “Lubos kaming nababahala sa naging paglalahad sa isang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) tungkol sa isang ukit na iniuugnay sa Bayan ng Paete at iniulat umanong infested.
“Ang ganitong paglalahad ay maaaring magdulot ng maling impresyon sa publiko at makasira sa reputasyon ng Ukit Paete, gayundin sa kabuhayan ng mga mag-uukit at kanilang mga pamilyang umaasa sa industriyang ito.
“Sa bisa ng Proclamation No. 809, s. 2005, na nilagdaan noong Marso 15, 2005 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, opisyal na kinilala ang Paete bilang CARVING CAPITAL OF THE PHILIPPINES — isang pagkilalang sumasalamin sa mayamang kasaysayan, kultura at tradisyon ng pag-uukit sa ating bayan.
“Ang Ukit Paete ay hindi lamang isang anyo ng sining kundi bahagi rin ng kabuhayan at pagkakakilanlan ng maraming Paeteño. Bawat likhang-sining ay bunga ng husay, kaalaman at dedikasyong ipinasa mula sa isang salinlahi tungo sa susunod.
“Kaya't ang anumang paglalahad na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa Ukit Paete ay maaari ring makaapekto sa hanapbuhay ng ating mga artisan at sa pagpapatuloy ng tradisyong ito.
“Nauunawaan naming maaaring magkaroon ng suliranin ang isang partikular na likhang-sining.
“Gayonpaman, hindi ito dapat maging batayan upang magkaroon ng pangkalahatang pagtingin sa buong industriya at tradisyon ng pag-uukit sa Paete.”
Magalang na hiniling ng Paete Historical & Cultural Foundation sa pamunuan ng KMJS na magbigay-linaw at itama ang anumang impormasyong maaaring nagdulot ng maling impresyon sa usaping ito.
Dagdag ng Paete Historical & Cultural Foundation: “Hinihiling din namin ang nararapat na paghingi ng paumanhin kung may pagkukulang sa paglalahad na nakaapekto sa ating mga mag-uukit at sa pangalan ng ating bayan.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga mag-uukit, artisans, cultural workers at mamamayang patuloy na nagpapayabong at nagtatanggol sa ating pamanang kultural.
“Ang pagtatanggol sa Ukit Paete ay pagtatanggol din sa kabuhayan ng ating mga artisans, sa kasaysayan ng ating bayan at sa isang pamanang nararapat ipagmalaki at maipasa sa susunod na salinlahi.
“PAETE IS THE CARVING CAPITAL OF THE PHILIPPINES.
“Isang pagkilalang may kasaysayan. “Isang tradisyong nagbibigay-buhay.
“Isang pamana na nararapat igalang at ipagtanggol.”
Read: Paete woodcarver's family raises concern over KMJS' "Gabi ng Lagim" feature
NOEL FERRER
Ngayon ding Nobyembre 3, Martes ng hapon, ay naglabas ang KMJS ng PAGLILINAW sa isyung ito.
Pahayag ng KMJS sa Facebook page nito: “Iginagalang namin ang husay at sining ni Ginoong Pio Fadul at ng mga mang-uukit ng Paete.
"Kaya nang makarating sa amin ang salaysay tungkol sa mga karanasang iniugnay sa isa sa kanyang mga ukit, nakipag-ugnayan kami sa kanya at sa kanyang pamilya upang makuha ang kanilang panig.
“Sa kuwentong ‘Ukit’ na ipinalabas sa KMJS noong Nobyembre 1, 2026, itinampok ang kanyang mga likha at husay bilang manlililok, kasama ang kanyang paglilinaw na hindi pinamumugaran ng masasamang elemento ang kanyang mga gawa.
“Kinapanayam din namin ang Paete Historical and Cultural Heritage Foundation Inc., na nagbigay-diin na ang pag-uukit ay bahagi ng kabuhayan at pananampalataya ng kanilang bayan at hindi ito dapat katakutan.
“Nililinaw namin na ang ulat ay tungkol sa mga karanasang iniugnay sa isang partikular na ukit at hindi dapat maging batayan upang iugnay sa masasamang elemento ang iba pang likha ni Fadul o ang Ukit Paete sa pangkalahatan.
“Nauunawaan namin na maaaring makaapekto ang ulat sa industriya ng pag-uukit sa Paete, at hindi namin layuning makasira sa tiwala sa kanilang sining at kabuhayan.
“Nakipag-ugnayan na rin kami sa pamilya Fadul upang talakayin ang kanilang mga alalahanin, at humihingi kami ng paumanhin sa kanila at sa mga taga-Paete sa pagkabahala na naidulot ng ulat.
“Nirerespeto at pinahahalagahan namin ang kanilang reputasyon, kabuhayan, at pamanang kultural. “Maraming salamat po.”
Read: 2 Valid IDs, Pee Mak, Always Yours score at box office
GORGY RULA
Ang rating na nakuha ng KMJS nung Linggo ay 10.5%.
Ngayong naglabas na ng paglilinaw at humingi ng paumanhin ang KMJS, nawa’y matuldukan na ang usaping ito.
Nawa’y may natutunang aral ang mga taong sangkot sa nasabing segment ng KMJS.
