JERRY OLEA: Nalukring ang beteranong HMUA (hair & makeup artist) sa simpatikong aktor na leading man sa isang teleserye.
Itong bading na HMUA ang naatasang mag-ayos ng buhok at mag-make up sa pamilyadong aktor.

Bago magsimula ang session, sinabihan ni Aktor si Bading, “Patingin ng mga makeup mo.”
Mabilis na tumalima ang bading, ipinakita ang sponge, hair brush, at iba pang mga gamit niya.
Mapanuri ang mga mata ni Aktor at ang sabi, “Malinis ba ‘yan?”
Hindi natigatig ang bading, ‘tsura ng boy scout na laging handa, at mabilis ang tugon, “Opo, nililinis po namin iyan. Ibinababad pa po namin, para siguradong malinis bago gamitin muli.”
Kaswal na sabi ni Aktor, “Iyong sa akin na lang ang gamitin mo.”
Binuksan ng aktor ang mga gamit niya sa makeup. Napakunot-noo ang bading dahil marumi ang mga iyon.
Hirit ni Bading, “Sir, marumi po itong sponge...”
“Marumi ba? Sige, iyan na lang sponge ko ang gamitin mo, kasi mukhang mas marumi iyong sponge mo,” sey ni Aktor.
Tiningnan ni Bading iyong mga hair brush at pinagkumpara, “Sir, ito yung sa akin... ito yung sa inyo...”
Iyong hair brush ni Aktor, tila buhaghag na. Nakanganga, kumbaga.
Samantalang iyong brush ni Bading, mukhang bagong bili.
Nagpumilit ang aktor, “Sa akin na lang! Yung mga gamit ko na lang!”
Sumunod si Bading para hindi na humaba ang usapan.
GORGY RULA: Naku! Kahit marumi at uka-uka ang hair brush, kanya naman yun.
Siya naman nakadumi at nakasira ng gamit niya, walang iba.
Kaya mas mabuti talaga sa mga artista na dapat dala ang sarili nilang gamit lalo na ang makeup.
Huwag iasa sa make-up artist o sa production.
Pero alam niyo bang dati ay ang network pa ang sumasagot sa makeup at wardrobe ng mga big stars?
Ngayon, dahil sa pagtitipid ng production, hindi na nila binabayaran ang pa-makeup at padamit ng mga bidang artista.
Sa laki nga naman ng budget mo, magpapalibre ka pa ba?
NOEL FERRER: Sa mga personal na gamit, mahalaga talaga na gamay mo talaga ang mga gamit, lalo na yung may kinalaman sa personal care.
Mabuti naman at sumunod na lang ang make-up artist sa performer para kung anuman ang mangyari sa artista ay pananagutan na ng performer yun.
