NOEL FERRER: Inaresto ng Meycauayan Police ang aktor na si Julio Diaz ngayong umaga, April 20, dahil sa ilegal na droga.

Sumuko na siya noong una pa man at nangakong makiki-cooperate sa adminstrasyon ni Presidente Duterte sa war against drugs.
Pero natuklasang patuloy pa rin ang kanyang involvement sa droga, at nadakip siya sa operasyon sa droga kaninang umaga.
Mapayapa naman daw na sumama si Julio sa mga awtoridad para sa higit pang imbestigasyon.
GORGY RULA: Sa kasalukuyan ay inaalam pa rin kung ilang sachet ng shabu ang nahuli sa aktor.
Nakakapanghinayang lang na pagkatapos ng lahat na pinagdaanan niya, nabigyan siya ng chance na makabalik sa trabaho at hindi naman siya nababakante. Bakit kailangan pa rin niyang mag-droga?
Ewan ko lang kung tutulungan pa rin siya ng close friends niya kapag ganyang hindi naman pala niya iniwan ang dating bisyo.
JERRY OLEA: Nakakalungkot.
Fifty-nine years old na si Julio. Hindi pa ba siya “graduate” sa bawal na gamot?
Noong ma-stroke siya noong Abril 2016, lumikom ng pondo ang mga taga-industriya para sa kanya.
Bagong pagkakataon iyon sa kanya.
Sa pelikulang Ma’ Rosa (2016), gumanap siya bilang adik na asawa ni Jaclyn Jose.
Sana, hanggang pelikula lang ang pagkalulong niya sa droga.
