NOEL FERRER: Tulad ng inaasahan, sobrang saya ang ginaganap na Live AIDS (Ang Istoryang Dinebelop Ng Samaskom) na nasa 32nd edition na ngayon sa UP Abelardo Hall.
Nanggaling sa tradisyon ng student presentations kung saan nagmula ang mga personalidad na tulad nina Giselle Sanchez, RS Francisco, Ate Glow, Tuesday Vargas, Ned Legaspi, at ang bago ngang successful stand-up comedian na si Kaladkaren Davila, nananatili itong raw, creative at brave!
Nagsimula ito sa isang monologue ni KaladKaren Davila na siyang nagbigay ng speech sa kahalagahan ng media at ang responsibilidad na labanan ang fake news. May mga masasayang dig kina Mel Tiangco, Korina Sanchez, at Winnie Monsod kung bakit hindi sila nakapunta, lalo na sa isang ASEC (Assistant Secretary) na swelduhan sa kaban ng bayan.
May sketch din sa laging nasisirang MRT at meron din about Internet Streaming na sobrang nakakatuwa featuring the new viewing habits ng Pinoy. Dito makikita ang paghumaling ng Pinoy sa iflix, Netflix at mga soaps like Ika-6 Na Utos at Wildflower.
Meron ding LOL segment na “Wish Ko Teh” ukol sa mga asawa na may problema sa mga asawang naging biktima ng “BadengVaxia.”
Para hindi naman spoiler, sasabihin ko na lang na may malulutong na punchlines kina General Ronald "Bato" dela Rosa, Atty. Persida Acosta, at Rep. Geraldine Roman pati na ang hard hit na sina Jerick Santos, Mark Batista at Ed Madela pati nga si Papa P.
All in the spirit of fun, nananatiling magandang salamin ng lipunan ang Live AIDS.
Mahahabol pa ito ngayong gabi at bukas sa Abelardo Hall sa UP. Tunay na trending at nakakatawa; sa huli, mapapaisip ka pa—na ang hindi kayang gawin sa pulitika at maging sa media, kayang punahin at gawing nakakatuwa ng mga komedya sa teatro at ibang alternatibong pagtatanghal.
GORGY RULA: Dito sa Live AIDS talaga nakakadiskubre ng mga magagaling at matatalinong komedyante.
Sayang at ilang araw lang sila mapapanood. Sana mas marami pang schedule of performances.
Sana makapag-perform sila sa mga sing-along bars at makipagtalbugan sa mga magagaling na stand-up comedians.
Try nyo po kaya ipag-produce sila Sir Noel?
JERRY OLEA: Pangteatro lang talaga ang mga ganitong mapangahas na palabas.
Malabong matunghayan sa telebisyon ang bagsik ng Badengvaxia, lalo pa’t sapul na sapul ang mga sikat na artista.
Hindi pang-mainstream ang ganyang katatawanan.
Sumasalamin man ito sa lipunan, sa mga mapapait na nagdudumilat na katotohanan... dedma pa rin diyan ang karamihan.
Mas patok pa rin ang mga kababawan at kabaliwang hatid ng pelikula ni Vice Ganda, uriin man iyon ng iba bilang basura.
