NOEL FERRER: Habang kinukumpleto natin ang ating Boracay despedida series, meron pa kaming mga istorya na katulad ng Bora ay nahanapan na din ng closure.
Kuwento ito ng isang sikat na actor na dating may karelasyong sikat ding aktres. Naging matindi ang following nila nun.
Pero si Aktor ay natukso ng ibang kagandahan sa isla ng Bora.
Naroon ang sexy at single na aktres para sa isang taping.
Usap-usapan sa isla ang pagkakamabutihan ng dalawa at naaawa ang mga tagaroon sa gilrfriend ng aktor na tinu-two-time nito.
Hanggang sa nang bumalik na sa Maynila, nalaman ng girlfriend na aktres ang naging pagniniig ng aktor at ng sexy at single actress.
Paano?
Si sexy at single na aktres mismo ang hindi pinatulog ng konsensiya at siya mismo ang umamin sa aktres ng naganap sa kanila ng kanyang boyfriend!
Matagal ding hindi nagpansinan ang sikat na aktres at ang sexy star, pero nang makapag-move on na lahat, natapos na ang isyu.
May kaniya-kaniyang nang pamilya ang aktor at aktres.
Ang sexy star naman ay nanatiling single by choice. Sobra rin devoted nito sa kanyang relihiyon.
Sana, tulad ng kinasapitan ng mga naayos na relasyon ang magiging hantungan ng Boracay.
Sa huli’t huli kasi, naaayos din ang lahat.
JERRY OLEA: Sadyang mahiwaga ang isla ng Boracay.
Maraming kaluluwa ang dito’y nadarang, at nagpaubaya sa tukso ng laman.
Ang tikiman ng mala-Adonis na aktor at seksing aktres ay doon din sana natuldukan.
Alaala na lamang, at hindi na muling mananamnam.
Ang ligaya sa kama ay inusig ng karma.
Megano'n?!
GORGY RULA: Doon naman kasi sa Boracay, nakakalimot ka talaga kapag nadala na kayo sa inuman at magdamagang kasiyahan.
Ang daming kuwento diyan na mga kilalang artistang nagwawala sa sobrang kalasingan.
Diyan lang sa Boracay nila nailalabas ang kanilang ibang anyo na hindi nakikita sa screen.
Di ba, pinag-iisipan na ni Magandang aktres na idemanda ako dahil sa isinulat ko dati tungkol sa pagwawala niya sa sobrang kalasingan?
Mariing itinanggi ni Magandang aktres ang kuwento sa amin ng isang kaibigan na inumaga raw ito sa inuman at halos di na raw makagulapay sa sobrang kalasingan.
Natigil na lang daw ito nang kinarga na siya ng isang lalaking kainuman para maiuwi sa cottage na tinutuluyan.
Galit na galit sa akin si Magandang aktres dahil hindi raw totoo yun.
Sabi naman ng kaibigan naming nakasaksi, siyempre hindi na niya alam ang ginagawa niya dahil sobrang lasing na nga.
Pero friends na kami ngayon at love ko na siya dahil likas namang mabait si Magandang aktres.
