NOEL FERRER: Nakakalungkot dahil last performance na ng The Kundiman Party kagabi, April 29.
Ang The Kundiman Party ang sinasabing “swan song” ni Floy Quintos, isang premyadong manunulat para sa Dulaang UP.

Kakaiba, sobrang updated sa mga nangyayari ngayon sa henerasyon ng millennials at social media, isang eye opener ang dulang The Kundiman Party sa direksiyon ni Dexter Santos.
Mahusay ang LAHAT ng mga artistang kasama rito, lalung-lalo na ang bida nitong Maestra na si Shamaine Buencamino.
Mahusay rin ang elemetong teknikal—ilaw, set, musika, at iba pa.
Ang nakakalungkot lang, aside from wala pang linaw kung magkakaroon pa ng repeat at rerun dahil ang daming kunsiderasyon, especially the actors’ schedules at end na ng academic year sa UP.
Pero grabe ang clamor para i-restage ito, bilang napapanahon at makakapagpamulat na kailangan natin sa lipunan ngayon.
Ang tanong ko lang, pagkatapos ng magagandang obra ni Floy Quintos na Angry Christ at The Kundiman Party—both outstanding plays by Dulaang UP—hindi ito naging eligible in Gawad Buhay Awards ng PhilStage.
Dahil tulad ng FAP Luna Awards, yung mga member ng guilds at accredited organizations ang puwedeng parangalan. Hindi kasali ang Dulaang UP dahil hindi raw professional theater ito.
Pero excuse me, di ba, Tito Gorgy at Boss Jerry, ang mga obra ni Floy dito ay mas maayos pa kaysa sa ibang PhilStage-member production.
Paano kaya mareremedyuhan ito?
GORGY RULA: Oo naman! Iba talaga ang mga napapanood sa Dulaang UP, lalo na ang mga obra ni Direk Floy Quintos.

Pero ayokong isiping huli na itong Kundiman Party ni Direk Floy. Alam ko marami pa siyang gustong gawin.
Nung nagkakasama kami sa weekly meeting namin sa Startalk, napapag-uusapan namin ang iba pa sanang gawin.
Marami pa raw siyang gustong gawin, gaya ng Shock TV, na ang dami pa niyang gustong ilahad na mga kuwento sa TV industry.
Sana bumalik pa si Direk Floy para may mapanood pa tayo sa mga magagandang obra niya.
JERRY OLEA: Malaking ewan din kung pasok sa consciousness nina Mang Kanor at Aling Charing ang mga ganap sa teatro.
Ang mga ganyang palabas ay nagpapayabong ng ating kultura, pero hindi pa rin masyadong niyayakap ng madlang Pilipino.
Mas ikinaliligaya nila ang mga “basura” ni Vice Ganda, at ang mga blockbuster ng Hollywood gaya ng Avengers: Infinity War na naso-sold out pa rin ang screenings kesehodang ilang araw nang itinatanghal.
Natataranta naman ang iba sa mga concert ng mga banyaga, K-pop man o Kano, at walang puwang sa kanilang puso at social media accounts ang pag-itsapuwera sa mga produksyon ng Dulaang UP.
