Kathelyn Dupaya, kakasuhan ng libel nina Joel Cruz at Ynez Veneracion

JERRY OLEA: Kakasuhan nina Joel Cruz at Ynez Veneracion ng libel ang Brunei-based businesswoman na si Kathelyn Dupaya.

Ito ang inihayag nina Joel at Ynez nitong Hunyo 2, Sabado ng hapon, sa Ruby function room ng Max’s restaurant, Sct. Tuazon St., Quezon City.


Nasa Los Angeles, California pa si Joel kaya na-phone patch lang ito kaugnay sa isyung expired ang P2M worth daw na pabangong ibinenta nito kay Dupaya, at kesyo may pagkukulang sa BIR ang Lord of Scents at ang kumpanya nitong Aficionado.

Nilinaw ng mga legal counsel ni Joel na sina Atty. Topacio at Atty. Jasmin Sy na PHP580,000 lamang ang binili ni Dupaya.

“One year and two months pa bago mag-expire ang mga pabango nang matanggap ni Miss Dupaya,” sabi ni Atty. Topacio.

Dalawampung taon na ang Aficionado at maayos ang pagbabayad nito ng buwis taun-taon.

Dokumentado maging ang income tax returns ni Joel.


Nauna nang nag-file si Joel ng kasong estafa kontra kay Dupaya sa QC RTC kaugnay sa PHP40M na utang nito sa kanya.

Ibinunyag ni Atty. Topacio na may nakabimbing kaso ng estafa si Dupaya sa Branch 117 ng Pasay City.

Naisyuhan umano ng warrant of arrest si Dupaya sa kasong iyon, at nagpiyansa lamang ito.

“Patunay ito na pattern na niya ang swindling o estafa. Ito ang kanyang modus operandi,” sambit ni Atty. Topacio.

PHP500K naman ang hinahabol ni Ynez.

Libel at cyber-crime ang bagong reklamo ni Ynez kay Dupaya.


Mangiyak-ngiyak na lahad ni Ynez habang hawak ang print out ng social media posts ni Dupaya, “Prinint-out ko lahat ng pagmumura niya sa akin. Nandiyan po lahat iyon.

"Naiiyak ako, kasi po, pati yung anak ko... dinamay niya.

“Pinagmumura niya ako. Meron siyang sinabing hayup.

"Pinaglalait niya po ako. Buong pagkatao ko, nandito.”

Maging ang negosyanteng si Mike Jalandoni ay magsasampa ng kasong Libel laban kay Dupaya.

GORGY RULA: Kapag ganyang na-file na ang kaso, siguro mananahimik na sila niyan. Sa korte na lang sila magbangayan.

Heto lang ang isang bagay na matagal ko nang naobserbahan.

Ang dami nating mayayamang kababayan na talagang successful sa kanilang negosyo sa ibang bansa.

Kapag wala na silang magawa sa pera nila, mag-i-sponsor sa mga kilalang artista na nagsu-show abroad.

Kakaibiganin ang mga artistang ito, nagiging close friends sila.

Natutuwa naman ang mga artista sa kanila dahil nabibiyaan sila ng mga mamahaling regalo mula sa mayayamang kababayan natin.

Pero hindi alam ng mga artistang ito, nagagamit na sila ng ilang mga mayayamang businessman na ito sa kanilang negosyo.

Nakikilala sila dahil nababati ng mga artista sa kanilang shows o di kaya sa social media account. Dagdag-promote sa kanilang negosyo.

Hanggang sa naging malalim na ang samahan, nagkakayaang mag-partner sa negosyo.

Ang ending, nagkakalokohan.

At ito na nga ang inabot kagaya ng kina Dupaya, Joel, at Ynez.

Kaya minsan, mag-ingat din ang mga artista sa pakikipagkaibigan sa mga madadatung na kababayan natin abroad.

Alamin niyo lang mabuti kung gusto ba talaga nila kayong maging friend o gagamitin lang sa kanilang negosyo.

Sa mga mayayaman naman nating kababayan abroad, mag-ingat din sa pagpili ng mga artistang friends.

Gusto ba talaga nila ng matinong friendship o type lang kayo harbatan?

NOEL FERRER: At ang alam ko ay hindi lang sina Joel Cruz at Ynez Veracion ang nabiktima, kundi pati na ang iba pang younger stars.

Pero tinitingnan muna nila kung ano ang mangyayari sa nauna nang na-file na kasong ito bago sila gumastos pa sa pagdedemanda, kasi gastos pa rin naman kasi yun.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN