Chavit Singson, wala na nga bang love life?

JERRY OLEA: Interesado ang Macau, South Korea, at Vietnam na mag-host ng susunod na Miss Universe.

Inihayag ito ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson nitong Hunyo 14, Huwebes ng hapon, sa kanyang bahay sa Corinthian Gardens, QC.



Producer/consultant pa rin si Chavit sa nasabing timpalak matapos iyong ganapin sa bansa noong Enero 2017.

Natuwa si Chavit na pumunta recently sa Pilipinas sina Iris Mittenaere (Miss Universe 2016) ng France, at Demi-Leigh Nel-Peters (Miss Universe 2017) ng South Africa.

“Nag-dinner sila rito,” matamang sambit ni Gov Chavit.

“So, yun lang naman ang sinabi ko noon. Hindi ko gagawin [ang Miss Universe] ngayong taon na ito, last year...

“Pero hiningi ko na dumating sila lahat dito. Dumating naman lahat ng nanalo...

“Pero mas magandang i-entertain yung talo... mga talunan,” napangiting pakli ni Gov Chavit.

Ayaw na ni Gov Chavit mag-pulitika. Sa halip, itinutuon niya ang mga natitirang taon niya sa pagliliwaliw.

“Enjoy life,” kaswal na pahayag ni Gov Chavit.

“Lumilipad maski saan. Naghahanap ng magaganda... magagandang tanawin. Lugar! Magagandang lugar, magagandang tanawin...”

Iyon ba ang secret kaya malakas pa rin si Gov—yung magagandang tanawin?

“Oo, nabubuhayan ka ng... “ natatawang tugon ni Gov.

Kumusta naman ang love life niya?

“Wala... wala na...” napailing niyang sagot.

“Wala na. Wala na... Ang sabi nila, meron. Pero wala! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

“Enjoy!”

NOEL FERRER: Wala, wala, wala ... pero meron talaga....

Pero no ones’s talking. Why should they?

Lahat sila tahimik lang talaga—including the daughter of a former sexy star; the sister of a famous personality; a reality show alumna; a former network talent; and even a prominent performer.

Tikom lahat ang bibig nila dahil, in fairness, well provided for daw.

Iyan ang magic ng mga hayop ni Governor Chavit Singson!

JERRY OLEA: Tungkol sa isyu nina Joel Cruz (Lord of Scents) at Kathelyn Dupaya (Brunei-based businesswoman), ang sabi ni Gov Chavit, “Kaibigan ko lahat sila, so hindi ako nakikialam sa away nila.

“Si Joel nga ang nagpakilala sa akin [kay Dupaya], e!”

Itinanggi ni Chavit na ipinahiram niya kay Dupaya ang isang eroplano niya nang magtungo si Dupaya sa Jolo para kasuhan si Ynez Veneracion.

“Meron akong eroplano na bumibiyahe sa Jolo, Zamboanga every day. Sumakay lang siya roon,” paglilinaw ni Gov Chavit.

“Ginawa ko nang commercial yung isang eroplano para makatulong sa mga tao dahil hirap sila sa pagbibiyahe from Jolo.”

Walang investment si Gov. Chavit kay Dupaya.

“Hindi ako nag-i-invest sa pautang,” pakli ni Gov. Chavit.

“Masama yung kikita ka sa ano, e...”

GORGY RULA: Deadma na si Manong Chavit sa mga local beauty competition.

Hindi siya nakikialam sa Binibining Pilipinas o sa Miss World-Philippines dahil mas concern niya ang pang-international na.

Mas tutok siya sa Miss Universe, at bahagi na siya sa mga producer kahit saan ito gaganapin.

Pero sinusuportahan ni Manong Chavit ang mga patimpalak ng pagandahan sa kanyang lugar sa Ilocus Sur.

Mahilig din daw kasi ang mga babaeng tagaroon na sumali sa mga beauty contest at nag-i-sponsor siya.

Sa patuloy na tsikahan namin tungkol sa Miss Universe, parang mas type ni Manong Chavit na sa South Korea ito ganapin dahil posibleng sumali rito ang kandidata ng North Korea na marami raw talagang magaganda.

Bukod pa rito, may investment siya sa South Korea kung saan may ipinatayo siya roong energy plant, ang Satrap Power, na napabalita roong first-ever Philippine company na nag-invest doon.

Kaya nga na-feature sa news doon ang dating Ilocos Sur governor.

Tuwang-tuwa niyang ikinuwentong suportado raw ng gobyerno ng South Korea ang in-invest niyang
energy valley doon.

“Parang Silicon Valley din ito, e. Pagpasok mo dun, suportado ka ng gobyerno, e. By investing two million dollars, binigyan agad ako ng project.

“And yung KEPCO [Korea Electric Power Corporation], pag-aari pa rin ng gobyerno sa South Korea, partner pa rin ako in their expansion,” pakli ni Manong Chavit.

Sinisimulan na rin daw niya ito ngayon sa Ilocos Sur, ang waste to energy project na pirmado na raw sa Department of Energy.

“Ginagawa ko na rin dito iyan, e. Mabagal lang kasi dito ang mga…” natatawa niyang pahayag, na ang proseso ng pagbibigay ng permit ang ibig niyang sabihin.

“Sa South Korea kasi, agad agad na-approve. Binigyan pa ako ng funding.

“Nadi-delay lang kasi dito yung permit, like yung conversion ng lupa to industrial,” dagdag niyang pahayag.

Iyon daw kasi ang hinaing ng mga investors dito sa atin. Napakabagal daw talaga at ang daming dinadaanan bago ka makakuha ng permit.

Hindi lang daw buwan kundi isa hanggang tatlong taon ang hihintayin mo bago aksyunan para makapag-invest ka ng negosyo rito.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN