Azenith Briones, sinagot ang mga akusasyon ni Elizabeth Oropesa tungkol sa alahas

GORGY RULA: Humarap si Azenith Briones kaninang tanghali, June 15, sa Via Mare Timog, para sagutin ang mga ibinibintang sa kanya ng kaibigang si Elizabeth Oropesa.


Ayon sa dating aktres, gusto lang niyang sagutin ang ibinibintang sa kanya ni Elizabeth, pero wala siyang balak na siraan ang kaibigan. Kailangan lang daw niyang ipagtanggol ang sarili.

Nilinaw muna ni Azenith na hindi raw si Senator Manny Pacquiao ang nag-imbita sa kanila doon sa General Santos City kundi ang kaibigan nilang mayamang negosyante na close din sa Pambansang Kamao—ang mag-asawang Sara at Warren Manilay.

Sila raw ang may-ari ng eskuwelahang Golden State College, kung saan naimbitahan doon si Elizabeth bilang guest speaker.

Si Azenith naman daw ang nagdala ng mga komedyanteng nag-perform doon kasama si Lito de Guzman.

Nangyari raw ito nung nagkasabay silang pumunta ng GenSan noong April 9 hanggang 12.

Patuloy na kuwento ni Azenith, April 10 nang nagkasama sila kay Mommy Dionisia Pacquiao na tumingin ng mga alahas na ibinebenta ng dating aktres.

Inalok din daw ni Elizabeth ang dala nitong alahas na kung puwede rin daw ibenta.

Isang set na hikaw at singsing daw yun na pinabebenta niya ng tig-150 thousand ang isa.

Inabot daw sa kanya ang alahas nang patago at dinala raw yun ni Azenith sa CR para tingnang mabuti.

Kinagabihan, nagulat na lang si Azenith nang nakita niyang wala na sa bag niya yung hikaw.

Nag-iiyak na raw siya dahil hindi niya alam kung paano ito nawala.

May kutob daw siyang baka si Elizabeth din ang kumuha.

Huli na lang sinabi sa kanya ni Lito de Guzman na nakita raw ni Boobita, kapatid ni Ethel Booba, na may kinuha si Elizabeth sa bag ni Azenith.

Pero ayaw naman daw niyang pagbintangan o kumprontahin agad ang kaibigang aktres.

Nag-iiyak pa raw siyang kinausap si Elizabeth para humingi ng paumanhin na naiwala niya ang alahas na pinabebenta nito.

Lahad ni Azenith, “Tumawag ako sa kanya, umiiyak ako.

"Sabi ko, 'Elizabeth, nawawala yung pinabebenta mo sa aking alahas.

“'Hindi ko alam pero yung pu…inang demonyong iyan, makarma na sana kung sino man ang gumawa niyan,' sabi kong ganun.

“Tapos sabi niya sa akin sa telepono, ‘Do not stress yourself, hindi ko pababayaran sa iyo dahil hindi mo naman sinasadya yung pagkawala.'

“Iyon pala'y ikaw naman ang kumuha. Bakit hindi ka man lang nagsabi.”

Ipinakita sa amin ni Azenith ang kopya ng CCTV na kuha sa bahay ni Sara Manilay habang nagkukuwentuhan sila.

Nasa isang table sila habang nagkukuwentuhan, at sa kabilang table nakalapag ang yellow Fendi bag laman ang mga alahas na ibinebenta ni Azenith.

Nandun din ang isang black na bag na pag-aari pala ni Elizabeth.

Tumayo si Elizabeth, umikut-ikot sa table na yun. Umupo siya sa harap nung bag ni Azenith at maya-maya, inilipat niya ang bag na yun sa tabi ng bag niya.

Lumipat si Elizabeth ng upuan katapat nung bag at ilang sandali, may dinampot siya sa loob ng bag ni Azenith at may inilagay sa bag niya.

Pasimpleng sinilip ni Elizabeth ang bag niya at parang hinawakan ang ulo niya na parang nanghinayang.

Ang pagkakaintindi ni Azenith, nanghinayang si Elizabeth na hikaw lang ang nakuha niya at hindi natangay pati ang singsing.

Hindi maintindihan ni Azenith kung bakit ginawa sa kanya ni Elizabeth yun. Bakit hindi man lang daw sinabi ni Elizabeth sa kanya na kinuha nito ang alahas.

Ang sabi ni Elizabeth, kaya niya ginawa yun dahil sinisiraan daw siya ni Azenith. Saka alahas naman daw niya yun.

Himutok ni Azenith, “Saan ko siya siniraan? Paano ko siya sisiraan, e, magkasama kami dun mula April 9 hanggang 12 nung bumalik na siya sa Manila. Saka bakit ko naman siya sisiraan? Hindi ko ugali ang manirap ng kapwa."

Nabanggit din ni Elizabeth sa ilang interviews na baka umabot sa demandahan itong nangyari sa kanila ni Azenith.

“Willing akong harapin kung magdemanda man siya. I’ll take the consequences. Pero bakit siya pa ang magdemanda?

“Pinakialaman mo ang gamit ko, ikaw pa ang magdemanda?

"Sino namang matinong tao na ikaw na nga ang gumalaw ng gamit ko na walang pasabi, tapos ikaw pa ang magdemanda?” sabi pa ni Azenith.

Wala raw siyang balak paabutin pa ito sa demandahan. Puwede naman daw silang mag-usap ni Elizabeth na silang dalawa lang.

Madali naman daw siyang puntahan ng aktres at haharapin naman daw niya ito para pag-usapan na lang nila.

NOEL FERRER: Sa pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar, sa usapang jurisdiction ng teritoryo at pang-aabuso ng banyaga sa ating mga mangingisda, at pati na ang attack sa kababaihan at mga relihiyoso, we need to choose our battles.

Isa si Elizabeth Oropesa sa mga nag-a-advocate ng “Change is Coming” noon pa man, sana’y maging consistent ito sa ating mga gawi at pakikitungo sa kapwa.

Tulad ng sinabi ni Azenith, sana’y maayos na lang nito... kung totoong magkaibigan nga sila.

JERRY OLEA: Pakiwari ko ay dededmahin na lang ni La Oropesa ang usaping ito.

After all, bago pa man nagpa-presscon si Azenith ay tinanggal na nito ang video post na ikinagalit ni Elizabeth.

May pinagsamahan sila kahit paano, at siguro’y kailangan lang ng panahon upang mapawi ang anumang kirot o ngitngit na nadama nila.

Sa dami ng mga problema ng ating bansa, petty ang away ng dalawang may-edad na magkaibigan.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN