Male celebrity, inabot ng mahigit isang taon bago nabayaran ang utang sa isang kumpanya

GORGY RULA: Pagkatapos lumabas dito sa PEP Troika ang kuwento tungkol sa di pagbabayad ng girlfriend ng indie actor na si Andres Vasquez sa matagal nang balanse nito sa kaibigang travel agent, nagulat ang huli nang nakatanggap ng text message mula sa girlfriend ni Andres na babayaran na raw niya ang balanse nitong P16,000.

Kaagad na ipinadala kay travel agent ang bayad kahapon, June 29.

Nakatanggap ang inyong lingkod ng text message mula kay travel agent:

“Kuya, I would like to thank you so much. The girl paid na today PhP 16k. She requests to take off the write up hahaha.”

Kaya in-alert na rin namin dito na nakabayad na ang girlfriend ni Andres.

Sabi naman ng isang kaibigang nakabasa nitong item tungkol kay Andres, kung alam lang daw niya noon pa, sana ikinuwento rin niya sa akin ang tungkol sa isang kilalang male celebrity na nagkaroon din daw ng malaking pagkakautang sa kanilang kumpanya.

Itong kaibigan namin ay manager ng isang kumpanyang may kinalaman sa computer.

Kinuha raw ang serbisyo nila nitong male celebrity na may malaking negosyo.

Iinabot daw ng mahigit isang milyon ang bill ni male celebrity.

Ipinautang daw nila ang malaking kabayaran, pero hindi naman nila akalaing umabot ng mahigit isang taon bago ito nabayaran.

Nang napag-usapan kasi namin ang magarbong selebrasyon ni male celebrity sa binyag at birthday ng kanyang anak, sinabi ng kaibigan naming napakakunat daw palang magbayad nitong si male celebrity.

Napagod na raw sila sa kasisingil at muntik na raw umabot sa demandahan.

Nabayaran naman daw sila ng kabuuang utang, pero talagang pahirapan sa paniningil na umabot ng mahigit isang taon ang paghihintay at ilang demand letters mula sa abugado nila ang ipinadala.

Pero sinabi na raw ng boss nitong kumpanyang ito na never na sila tatanggap ng trabaho mula kay male celebrity, na bongga kung magpa-party at may malalaking bahay sa iba’t iibang sulok ng bansa.

JERRY OLEA: “Tandaan mo! Utang ito, hindi limos! Isinusumpa ko, babalikan kita upang bayaran ang halagang ito nang nakatayo habang ikaw naman ang tinatapakan ko.”

Naaalala ko ang linyang iyan ni Charo Santos sa pelikulang Hindi Mo Ako Kayang Tapakan (1984) tuwing may usapin sa inutang na pera.

Ang dami kasing ayaw magbayad!

Ipinapako ang pangako!

Sa tubig inililista ang utang!

Masaklap para sa nagpautang na mabalitaan ang magarbong lifestyle ng nangutang.

Noon ko pa sinabi, at paulit-ulit kong sasabihin... ang utang ay dapat bayaran!

NOEL FERRER: Mukhang nakahanap ng bagong misyon sa buhay si Tito Gorgy—ang maningil sa merong pagkakautang!

At walang ka-effort-effort kundi pagsasabi lang nang totoo sa social media at makonsensiya na lang ang matamaan.

Panalo iyan! Ang hirap talagang masira dahil lamang sa pera, kaya naman mas maganda ang mga relasyong walang money involved.

Kumusta na ang tagapagtanggol ng mga inuutangan?

Ang tanong ng balana, may bago ka na bang career, Commissioner Gorgy?

Malaking ngiti talaga ang dulot ng utang na nababayaran lalo na kapag hindi inaasahan!

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN