Binondo: A Tsinoy Musical, ubusan ng boses ang mga kanta

JERRY OLEA: Apat na beses akong lumuha sa unang gabi ng pagtatanghal ng Binondo: A Tsinoy Musical nitong Hunyo 29, Biyernes, 8:14 p.m. hanggang 11:17 p.m.


Una, sa pagsasalo nina Lily de la Rosa (Shiela Valderrama-Martinez) at Ah Tiong (Arman Ferrer) ng awiting "The Moon Represents My Heart" sa The Lotus Club noong 1972.

(Keber na kung 1977 ito sumikat, sa bersiyon ni Teresa Teng).

Ikalawa, sa taghoy ni Carlos (Noel Rayos) sa awiting" Dayuhan Sa Iyong Puso" habang nagtatalik sina Lily at Ah Tiong.

Ikatlo, sa pag-awit ng 13-anyos na si Ruby (Ashlee Factor) ng "The Moon Represents My Heart" sa The Lotus Club noong 1986, at pumalakpak ang hindi pa nakikilang ama na si Ah Tiong.

At ikaapat, sa reprise nina Lily at Ah Tiong ng awiting "Eternity."

Isang eksena lang na topless dito si Arman, pero pitong beses naglapat ang mga labi nila ni Shiela.

Maalab ang kanilang mga halikan, lasap na lasap ang init ng pagmamahalan.

Dahil si Joel Lamangan ang direktor, at isa sa tatlong playwright si Ricky Lee, hindi na ako nagtaka sa social statement ng dula kaugnay sa relasyon ng mga bansang China, Amerika, at Pilipinas.

Palabas pa ang Binondo: A Tsinoy Musical sa The Theater @ Solaire ngayong Hunyo 30 (Sabado, 3 p.m. at 8 p.m.), Hulyo 1 (Linggo, 3 p.m. at 8 p.m.), Hulyo 6 (Biyernes, 8 p.m.), Hulyo 7 (Sabado, 3 p.m. at 8 p.m.), at Hulyo 8 (Linggo, 3 p.m. at 8 p.m.).

GORGY RULA: Ilang beses na ring sinasabi ni Direk Joel Lamangan na iba ang fulfillment ng trabaho sa entablado.

Okey lang daw sa kanya kahit maliit at hindi mo talaga maasahan ang malaking kita sa stageplay kung ikukumpara sa pagdidirek ng pelikula o soap opera.

Pero ayaw na raw niya talagang gumawa ng soap, kaya may panahon siyang magdirek ng musical stageplay kagaya nitong Binondo: A Tsinoy Musical.

Iba raw kasi ang fulfillment para sa kanya bilang artist.


Panalangin ni Direk Joel na maganda ang feedback ng Binondo para madagdagan pa ng ilang gabing performances.

Kabilang sa mga nanood ng opening night ng Binondo si Mother Lily Monteverde.

Sabi kasi ni Direk, gusto niya sa last night na manood si Mother Lily, para wala na itong panahong magreklamo na baka kinopya sa Mano Po niya.

Mag pagka-Mano Po nga ba?

Isa pang excited si Direk Joel ay ang pag-arte, kung saan nabigyan siya ng magandang role sa School Service na Cinemalaya entry ni Direk Louie Ignacio.

Masaya na si Direk Joel na nagagawa niya ang gusto niya, kagaya ng Binondo at ang pag-arte sa School Service.

Hindi siya natatali at naging alipin ng soap opera na halos araw-araw nagtatrabaho siya.

NOEL FERRER: Marami tayong kasamahan sa industriya na nanood ng Opening Night ng Binondo.

Kabilang na ang National Artist na si F. Sionil Jose, Rody Vera, Eddie Garcia, Cherry Pie Picache, Ed Instrella, Franco at Ayen Munji-Laurel, Jun de Leon at Abbygale Arenas Susan Africa, Allan Paule, Manny Valera, at ang tunay na Lily—si Mother Lily Monteverde!

Katulad ng sinabi ko, mas na-engage ako sa staging nito kaysa Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag, the musical.

Mukhang mas maganda rin ang relasyon ng production team ni Direk Joel dito kaysa sa nauna nilang palabas.

Ubusan ng boses ang mga kanta sa halos tatlong oras na palabas, pero namumukod-tangi ang brilyo ng mga boses nina Arman Ferrer at Shiela Valderrama-Martinez!

At si Ima Castro, ibang klase pa rin ang boses kahit maysakit ang role niya, di ba, Tito Jerry?

Kudos to the team of Direk Joel, Ricky Lee, and the composer Von de Guzman na mas accessible at inspired ang mga kanta rito.

Dalawang weekends at 10 performances lang ito kaya sana mapanood ito ng mga tao, lalo pa sa umiigting nating relasyon sa Tsina ngayong panahong ito.

Isang obserbasyon ng katabi ko, pansinin niyo ang malaking bust sa isang eksena, hindi ba’t kamukha raw ito ng ating Presidente?

Sadya ba ito o nagkataon lang?

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN