JERRY OLEA: Magkalaban sa takilya ang mga pelikulang BuyBust (kasama si Alex Calleja) at Harry & Patty (kasama si Donna Cariaga) na sabay nagbukas sa mga sinehan nitong Agosto 1, Miyerkules.
Pero hayan at magkasama sina Alex at Donna sa mediacon ng pelikulang Unli Life nitong Agosto 2, Huwebes ng gabi, sa Valencia Events Place, Q.C.
Natawa ang dalawa na magkatabi nang interbyuhin namin.
Masayang bulalas ni Alex, “Pero may news ako, magdidirek ako ng pelikula, at ang akin pong bida ay si Donna!”
Tili ng comedienne, “Oh my God!”
Regal Films ang producer. Papa Pogi ang title ng movie, na bida rin si Teddy Corpuz. Nasa cast din si Joey Marquez [na co-star nila sa Unli Life].
Pahayag pa ni Alex, “Magkalaban man kami ngayon, alam ni Donna, basta comedy, bandang huli, nagkakasama!”
Nakapag-first shooting day na sila.
Hirit ni Alex, “Pangalawa po bukas [ang shooting]. 'Tapos, araw-araw na po.
"Four shooting days lang po siya! P10,000 lang po ang budget!"
Todo hagalpak si Donna.
First directorial job ito ni Alex.
Aniya pa, “Lahat na po, pinasok ko—dishwashing, writer, DJ, lahat po. Kaya ito naman po...”
Bakit si Donna ang napili ni Alex na magbida sa directorial debut niya?
“Kasi, sa Showtime po, ako’y isang writer din po sa Showtime.
"Nung sumali siya sa kontes, kami po ay mga adviser ng mga contestant doon,” lahad ni Alex.
“Noong nanalo po siya, naging writer na po ako ni Donna. At magkakasama kami sa Funny Ka, Pare Ko, in which I’m the head writer also.
“So, gamay na gamay ko na si Donna. Naniniwala ako na ang isang komedyante, pag inilagay mo sa tamang role, lalo siyang magiging nakakatawa.”
Ano ang feeling ni Donna na magbibida na siya sa movie?
“Ano po, yung tiwala ko kay Sir Alex, kasi talagang andito na,” pagmuwestra ni Donna pataas.
“Simula pa lang po kasi noon, kaya alam rin na hindi niya pababayaan yung ano..."
“Saka may relasyon po kami!” sundot ni Alex.
Napahalakhak muli si Donna, lalo na nang sabihin ni Alex, “Kapalit po nito, katawan!”
“Oh, my God!” tili muli ni Donna.
Patuloy ni Alex, “So, huwag na tayong magkunwari. Siyempre, babae si Donna, lalaki ako.
"Naibigay naman niya yung pangangailangan ko, nangako ako ng career, ibinibigay ko naman."
Anong pangangailangan yun?
Natatawang tugon ni Donna, “Sa amin na lang po yun! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!”
Sambit ni Alex, “Itong si Donna, sinasabi ko po, napakaganda po ng katawan nito!”
Sambot ni Donna, “Nag-o-off shoulder na nga po ako ngayon!”
At napahagalpak nang bonggang-bongga ang dalawa.
NOEL FERRER: In fairness, natawa ako sa batuhan ng kanilang linya sa interview sa kanila.
Sana ganito rin ka-witty ang kanilang exchanges kahit sa pelikulang Unli Life.
Salamat, Tito Jerry, at ipinakilala mo sa akin sina Alex and Donna, na sana hindi ika-'weno" ulit ni Tito Gorgy!
GORGY RULA: Magaling na stand-up comedian si Alex Calleja. Magaling din siyang magsulat.
Sana ma-gets ng lahat ang style ng pagpapatawa niya.
Sana ibang comedy rin ang mapapanood natin sa pelikula niya.
Hinahanap ko kasi yung pagpapatawa na ginawa ni Direk Victor Villanueva sa Patay Na Si Hesus, na hindi ko nakita sa Kusina Kings niya.
Hindi ako gaanong na-impress kay Donna Cariaga sa Harry & Patty.
Medyo OA ang dating niya dun. Yung talagang effort na magpatawa.
Sana ma-control siya ni Calleja sa gagawin niyang pelikula.
Nakakatuwa lang na pinuhunanan ng Regal Films ang isang project na hindi pa gaanong kilala ang mga bida.
Dito nakikita na hindi na talaga sa laki ng artista nakadepende kundi sa ganda ng project, lalo na kung maganda ang kuwento.