JERRY OLEA: Kabilang sa walong entries ng 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino (Agosto 15-21, 2018) ang Unli Life ng Regal Films, at ang Signal Rock na idinirek at prinodyus ni Chito S. Roño para sa CSR Productions.
Regal ang distributor ng Signal Rock, at ang mediacon nito ay ginanap noong Hulyo 26, Huwebes, sa Valencia Events Place (kung saan may office ang Regal).
Sa presscon ng Unli Life nitong Agosto 2, Huwebes ng gabi, sa Valencia Events Place, dumating si Direk Chito na naka-Unli Life t-shirt.
Bida sa Unli Life si Vhong Navarro, na mina-manage ni Direk Chito.
Kasama si Direk Chito sa nag-conceptualize ng pelikulang ito.
Tanggap ni Direk Chito ang pahayag ni Jun Nardo (host ng mediacon) na Unli Life ang magna-number one sa PPP 2018.
Paano ang Signal Rock?!
“Number 2!” nakangiting bulalas ni Direk Chito.
Natawa kami, kaya sabi ni Direk Chito, “Wala kang bilib sa mga hula ko!”
Pareho namang Regal ang distributor. Singit ni Mother Lily Monteverde, “Vested interest!”
“I love my own. I love my own!” sambit ni Direk Chito.
Producer si Direk Chito ng Signal Rock, pero mas gusto niyang kumita ang Unli Life?!
“Alam mo naman si Vhong Navarro, track record,” matamang pakli ni Direk Chito.
“Consistent naman kasi siya. Saka I made sure na nakakaaliw yung movie. Kasi, di ba, concept ko din naman ‘yan?”
Passion project niya yung Signal Rock, di ba?
Tumikwas ang kilay ni Direk Chito, “E, siyempre, hindi ko naman akalain na magtatagpo sila sa... Ha! Ha! Ha! Ha!... Sa isang Uber! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Uber-ano yun, yung Grab na Angkas! Share-a-ride! Hindi ko naman alam, magse-share-a-ride!
“Oo nga, ‘no? Nagulat din ako. Mas lalo naman si Jason Paul Laxamana [direktor ng PPP entries na Bakwit Boys at The Day After Valentine’s].
“Iyong distributor ko, iisa. Sabi ko, mag-effort na lang sila.
“Kasi naman, tingnan mo, pati costume ko, nagbabago. Kaninang lunchtime, naka-Signal Rock ako. Ngayon, naka-Unli Life ako, di ba?”
Sa mediacon, magiliw at masigla si Vhong na kauuwi lang sa bansa mula sa Amerika.
Noong Hulyo 27, Biyernes, ay nahatulan sina Cedric Lee at Deniece Cornejo na guilty sa kasong grave coercion na isinampa ni Vhong.
Kumusta ang lagay ni Vhong ngayon?
“Hindi pa gaanong nagsi-sink in,” mabilis na tugon ni Direk Chito.
“Kasi, alam mo kung bakit? May kaso pa, e. Wala pa yung detention niya, yung illegal detention.
“Tapos, ahh... kararating lang niya noong isang araw. Ngarag! Straight to work sila.
“Dumating yata siya ng ala-una, nakauwi ng alas-tres, kinabukasan ng alas-nuwebe, nagtrabaho na sa Showtime.
“So, magulo pa ang utak niyan. Hindi mo pa siya makausap nang matino. Ganun.
“Kumbaga, you hit the road running. Wala na nga siyang time na mag-jetlag, e.
“Ewan ko nga, kasi nga, paano ka aantukin sa Showtime, di ba? 'Tapos, pagkatapos ng Showtime, dumiretso na dito [sa mediacon].
“Kahapon lang sila nakatulog, actually, pagkatapos ng Showtime. Di ko na muna inistorbo.”
GORGY RULA: Hindi pa nga raw tapos ang mga kaso, sabi ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga.
Meron pa raw serious illegal detention at Perjury case na isinampa laban kay Cedric Lee at mga kasamahan nito.
Tapos na raw silang mag-present ng mga ebidensiya at witness, at turn naman ngayon ng kampo ni Cedric.
Mayroon pa nga raw silang isang witness na namatay na kaya tinanggal na yun sa mga iprinesent nila, kaya medyo natagalan.
Umaasa lang daw sina ni Vhong na maganda rin ang kalalabasan nito at umayon sa kanilang panig.
Gusto lang daw nilang patunayan na totoo ang mga sinabi ni Vhong.
Aminado rin si Atty. Mallonga na marami na rin ang nag-emisaryo na pag-ayusin sila, pero buo ang paninindigan ni Vhong na huwag makipag-ayos dahil gusto niyang ilabas ang buong katotohanan.
Samantala, totoo yung sinasabi ni Direk Chito na consistent talagang box-office winner si Vhong.
Wala naman talaga siyang sumemplang na pelikula, kaya tingnan natin kung tuluy-tuloy pa rin dito sa Unli Life.
Mabait naman si Vhong, e. Hindi talaga nagbago, kaya sana unli na itong pagiging box-office star ng comedian/TV host.
Pero curious din ako sa Signal Rock ni Direk Chito.
Kapag siya kasi ang gumawa, meron talaga siyang bagong ipinapakita. Kaya unahin ko muna ito bago ang Unli Life.
NOEL FERRER: Laging emotional si Direk Chito kapag binabalikan ang lahat ng pinagdaanan nila ni Vhong noong mga panahon nina Deniece Cornejo at Cedric Lee.
Nagpapasalamat sa suporta ng mga kaibigan lalo pa’t noon, hindi raw nila matantiya kung kampi ang mga tao kay Vhong.
Laban lang kahit basag na basag ang mukha niya dahil nasa panig sila ng katotohanan.
Ni hindi pa nga raw magkapagtodo si Vhong sa pagpa-punchline at pagiging Mr. Suave sa It's Showtime. Sana maibalik daw ito kahit papaano.
Dito makikita ulit sa Unli Life.
Pero katulad mo, Tito Gorgy, uunahin ko muna ang Signal Rock dahil iba rin naman ang ipinuhunan ni Direk Chito rito.
Dugo at pawis bilang direktor at producer kaya mas malaki ang taya niya rito kaya ang sigasig niya sa pagpu-promote talaga!