NOEL FERRER: Tatlong pelikula ang ni-review ng Cinema Evaluation Board (CEB) kahapon, August 6.
Dalawa ang kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino main program: Bakwit Boys (idinirek ni Jason Paul Laxamana under T-Rex Entertainment Productions) at ang Ang Babaeng Allergic sa Wifi (idinirek ni Jun Lana para sa IdeaFirst Productions).
Bakwit Boys
Ang Babaeng Allergic Sa Wifi
Parehong naka-Grade A ang dalawang pelikula.
Ang pinakamalaking pagtataka, pagkatapos manalo bilang Pinakamahusay na Pelikula ng Taon sa Gawad Urian at FAMAS, pati na sa QCinema, ang Balangiga: Howling Wilderness ni Khavn dela Cruz ay walang nakuhang rating sa CEB.
Balangiga: Howling Wilderness
Anong ibig sabihin nito? Nakapasa sa panlasa ng mga kritiko pero hindi sa sangay ng gobyerno na dapat mag-angat sa kalidad ng mga pelikulang Pinoy?
O baka hindi lang talaga gets at type ng mga taga-CEB ang pelikulang tulad ng Balangiga.
Bakit kaya?
JERRY OLEA: Kani-kanyang pamantayan iyan.
Si Odette Khan na best supporting actress sa 34th PMPC Star Awards for Movies, 66th FAMAS Awards, at 41st Gawad Urian para sa BarBoys, ni hindi nominado sa 2nd Eddys ng SPEEd.
All these years, may mga pelikulang may grado sa CEB, na bale-wala sa award-giving bodies, and vice versa.
Iba ang panlasa ng mga kritiko sa panlasa ng mga taga-CEB.
GORGY RULA: Depende rin kasi kung sino ang mga nag-review sa Cinema Evaluation Board.
Saka iba talaga ang panlasa nila kung ikukumpara sa award-giving bodies.
Narinig ko na kasi ang ilang komento noon pa na nagtataka bakit nanalo ang Balangiga, gayung hindi naman daw ganun kaganda.
Ewan ko lang dahil hindi ko pa napanood.
Kawawa nga ang pelikulang ito, dahil walang katiyakan kung papanoorin ito sa commercial theaters, 'tapos hindi pa sila malilibre sa tax.
Ang susunod naman ay dadaan sila sa Movie and Television Reviews and Classification Board (MTRCB), na baka mabigyan pa sila ng rating na limitado lang ang makakapanood.
Paano pa sila ngayon makakabawi niyan?
Kumusta naman kaya ang bentahan niyan sa international market? Magustuhan kaya ito ng Netflix?
Ang BuyBust kasi, kung hindi gaanong kumita sa takilya, malaki-laki naman daw ang ibinayad sa kanila ng Netflix.
Baka November daw ay mapapanood na ito sa Netflix. Doon na lang abangan ng ibang hindi nakapanood.