GORGY RULA: Likas na madasalin si Ai-Ai delas Alas, pero rito sa pelikula niyang School Service ay nahihiya raw siyang idasal sa Diyos na sana ibigay sa kanya ang Best Actress award.
“Dito kasi hindi ko masabi na bahala na si Lord, kasi dito mura ako nang mura.
"Baka sabihin ni Lord, ‘O, neng, mura ka nang mura diyan, huwag ka nang humingi sa Akin!" natatawang pahayag ng Kapuso Comedy Queen sa gala night ng School Service nung nakaraang Linggo, August 5.
Ngayon lang daw kasi siya gumanap ng role na sobrang bad, na wala siyang ginawa kundi magmura at sinasaktan pa ang mga batang co-stars niya sa pelikula.
“Nagsu-sorry nga ako madalas sa mga bata kasi nabubugbog ko sila,” pakli niya.
Pero bilib na bilib siya sa mga batang ginagawa niyang pulubi sa pelikula dahil lahat daw ay magagaling.
Kaya kahit hindi raw siya manalo, sobrang saya niya kung may magwawagi sa mga batang kasama—sina Therese Malvar, Celine Juan, Felixia Dizon, Kenken Nuyad, Santino Oquendo, at Ace Café.
Sayang nga dahil hindi raw siya makakadalo sa awards night ng Cinemalaya sa Linggo, August 12, dahil may taping siya ng The Clash.
Masaya na raw si Ai-Ai dahil maganda naman daw ang feedback sa pelikula niya.
Talagang napi-feel daw niya ang pagiging aktres kapag gumagawa siya ng isang indie film, lalo na kung kasali ito sa Cinemalaya.
“Saka sa indie kasi, wala yung big star ka? Walang ganun.
"Kung saan ka uupo, diyan ka lang. Minsan nga wala kaming tent, dun lang kami sa tabi-tabi.
“Mas normal na tao kapag gumagawa ka ng indie.
"Yung mga co-actors mo, kaya close kayo kasi halos magka-level kami, e," pahayag ni Ai-Ai.
Ramdam daw niyang gustung-gusto ng mga tao ang School Service dahil laging sold out ang screening nito.
JERRY OLEA: Mas nagustuhan namin itong School Service kesa sa naunang indie movie ni Ai-Ai na Area.
Aba! Nagka-award si Ai-Ai para sa Area, kaya hopefully ay maparangalan siyang muli dito.
Kabugan sila ng akting dito ni Direk Joel Lamangan, huh?!
NOEL FERRER: It just gets better and badder for Ai-Ai de las Alas—from Ronda to Area to School Service.
Ang kantiyaw na may paglalambing kay Direk Joel Lamangan ay nang sabihing si Nathalie Hart ang peg nito, lalo na nang maghubad ito ng shirt sa ngalan ng sining.
Siyempre, inantabayanan din kung ano ang role na ginampanan ng producer ng pelikula na si Baby Go.
In fairness, consistent si Madame Produ. Pinaghandaan niya talaga ang pag-cameo niya.
Ang na-bother lang ako sa pelikula, given na ang lahat ng pinagdaanan ng mga bata na maseselan ang mga realidad na ipinaganap sa kanila.
Ano kayang debriefing ang ginawa nila sa mga ito?
Sa murang edad ko kasi na tulad nila, virginal pa kasi talaga ako nun, at bata pa si Noel. Naks!
Mahirap maiwaksi sa isip at diwa yung pinagawa at pinasabi sa kanila, ha.
GORGY RULA: Nakausap ko ang line producer nito na si Dennis Evangelista, Sir Noel.
Aminado siyang medyo nahirapan talaga silang i-handle ang mga maseselang eksena sa mga bata, lalo na ang mga terminong may kinalaman sa sex.
Hindi raw talaga nila alam ang ilang binabanggit doon ni Therese.
Tinuruan na lang daw sila kung ano ang iri-react, pero hindi na sinabi kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon.