Direk Adolf Alix Jr., natupad ang pangarap pagsamahin muli sina Gina Alajar at Phillip Salvador

JERRY OLEA: Saludo si Direk Adolf Alix Jr. sa tambalang Gina Alajar at Phillip Salvador sa Lino Brocka movies na Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984) at Orapronobis: Fight For Us (1989).

Nakatrabaho ni Direk Adolf si Gina sa Mater Dolorosa (2012) ng Cinema One, at naging magkaibigan sila.

Sinabihan ni Direk Adolf si Gina, “Direk, paborito ko po kayong dalawa [ni Phillip]!”


Kuwento pa ni Direk Adolf sa presscon ng Madilim Ang Gabi nitong Agosto 5, Linggo ng gabi, sa Blue Rocket Cafe, Sct. Reyes St., QC, “Kailangang ituloy... kasi panahon ni Marcos yung Kapit sa Patalim. 'Tapos, panahon po ni Cory yung Orapronobis.

“'Tapos, sabi ko kay Direk Gina, ‘Baka maganda na kayo uli ang magkuwento ng experiences sa panahon naman ni Duterte.’

“Kaya kinausap ko silang dalawa. Matagal-tagal na rin silang hindi nagsasama. Pumayag naman po sila.”

Sa istorya, dating pusher ang papel nina Gina at Phillip. Nawawala ang anak nila, kaya kinailangan nilang balikan ang mundo ng drug cartel.

Anti-drug war ba ang pelikula?

Paliwanag ni Direk Adolf, “It is about the experience ng dalawang tao at base sa research.

"Kung ano po yung nangyari sa kanila at doon sa paligid, makikita niyo naman po yung pros and cons.

“Kasi siyempre, may mga naging biktima. Yung mga walang due process.

"Meron din namang mga napatay dahil lumaban talaga sila.

“So, ipapakita po ng pelikula yung parehong sides.

“Pero ang pinakasisi po siguro, yung abuse ng authority, at saka abuse ng power.

"Kapag binigyan po tayo ng kapangyarihan, di ba, minsan, naaabuso siya dahil may leeway ka na gawin kahit ano yung gusto mong gawin.

“Iyon yung tinutumbok ng pelikula.”

Ang empowered, iyong gobyerno at kapulisan.

“Pareho po sila,” seryosong sambit ni Direk Adolf.

“Base sa research na ginawa namin, makikita ninyo na naiipit yung maliliit na adik na pinapatay.

“Kasi, takot yung mga drug lord na maipit sila at sabihin yung katotohanan, di ba? So, mayroon pong mas makapangyarihan sa kanila.”

GORGY RULA: Iba pa rin talaga ang tambalang Phillip Salvador at Gina Alajar.

Pareho kasi silang magaling. Kagaya rin ng tambalang Christopher de Leon at Vilma Santos.

Sana tuluy-tuloy na ang pag-arte ni Kuya Ipe.

Lagi lang kasi siyang nakatutok sa mga lakad ni President Rodrigo Duterte o kaya kasama sina SAP Bong Go.

Paghahanda kaya ito sa kung ano man ang plano niya next year?

NOEL FERRER: Dahil seryoso ang tema ng Madilim ang Gabi, sabi nga ni Direk Chito Roño, magandang magtulungan ang dalawa nilang pelikula na hindi kasing commercial ng ibang entries sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Si Direk Chito ang direktor ng Signal Rock.

Finally, nakapag-promote na ang Madilim Ang Gabi.

Kailangang ipaalam sa nakararami ang kanilang pelikula na finally maipalalabas na sa Pilipinas pagkatapos mag-premiere sa Toronto International Film Festival.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN