JERRY OLEA: Sa sampung feature-length films na nagtagisan sa Cinemalaya 14: Wings of Vision, dalawang pelikula ang nagpaiyak sa akin.
Ang dalawang ito ang inirekomenda ko sa mga kaibigan na dapat nilang panoorin.
Ang #1 bet ko, Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon, tampok sina Perla Bautista, Dante Rivero, Menggie Cobarrubias, at Romnick Sarmenta.
Perla Bautista, Dante Rivero, and Menggie Cobbarubias in Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon
Lumuha ako sa pakikipag-usap ng anak (Romnick Sarmenta) sa amang (Dante Rivero) nang-iwan sa kanila ng kanyang ina 26 na taon na ang nakalipas.
Napasigaw ako sa tuwa.... Kung Paano Hinahakot ang mga Tropeo!
Wagi ito bilang best film (full length), Netpac (full length), best screenplay (John Carlo Pacalo), best cinematography (Neil Daza), at best production design (Marielle Hizon).
Ang isa pang pelikula na kumurot sa aking puso, Pan de Salawal.
Miel Espinoza and Bodjie Pascua in Pan de Salawal
Cry me a river ako sa sunud-sunod na pagpapagaling ni Aguy (Miel Espinoza) sa biyudong may tumor sa dibdib (Soliman Cruz), sa binatang pilay (Felix Roco), sa dalagang allergic sa paminta (Anna Luna), at sa babaeng paralisado (Ruby Ruiz).
“Ganyang pelikula ang dapat ilaban natin sa Oscars!” palatak ni Direk Jeffrey Jeturian.
Pinarangalan ang Pan de Salawal sa mga kategoryang best director (Che Espiritu), special jury award (full length), at best original score.
Ang batang bida rito na si Miel Espinoza ay isa sa tatlong batang artista na nagkamit ng special jury citation for child actors—ang dalawa pa ay sina JM Salvado (Musmos na Sumibol sa Gubat ng Digma) at Kenken Nuyad (Liway at School Service).
Ang #1 sa takilya na Liway ay nagtamo ng audience choice award (full length) at special jury commendation.
Best sound ang Musmos na Sumibol sa Gitna ng Digma.
Bokya sa awards ang Kuya Wes at The Lookout.
GORGY RULA: Okay naman yung mga nagwagi, pero gusto ko pa rin ang Liway at Distance.
NOEL FERRER: Same with Tito Gorgy, at alam ito ng mga nagtatanong ng choices ko—Distance, Dapithapon, at Liway.