JERRY OLEA: Happy si Mariel de Leon sa dalawang pelikulang natapos niya—indie drama na Latay kasama sina Lovi Poe at Allen Dizon, at digital horror na Barbara Reimagined kasama sina Nathalie Hart at JC de Vera.
“Super-fun yung mga shooting ko, especially yung horror,” nakangiting sambit ni Mariel nang makausap namin nitong Agosto 13, Lunes ng tanghali, sa The Frazzled Cook, Sct. Gandia St., QC.
Yung Barbara Reimagined ay remake ng Patayin Mo Sa Sindak si Barbara (1974) na pinagbidahan nina Susan Roces, Rosanna Ortiz, at Dante Rivero, sa direksiyon ni Celso Ad. Castillo.
Ni-remake na iyon ni Direk Chito Roño as Patayin Sa Sindak si Barbara (1995), tampok sina Lorna Tolentino, Dawn Zulueta, at Tonton Gutierrez.
Ang 2018 remake ayi dinirek ni Christopher Ad. Castillo, anak ni Celso Ad.
“I’m really scary! Yung make-up ko, scary!” sambit ni Mariel, na ipinakita later on ang picture bilang vengeful ghost na si Ruth.
“Super-scary! White eyes, and then, black make-up,” pagmumuwestra ng dalaga sa kanyang mukha.
“Super-excited ako, kasi it was always my dream to be in a horror movie. Mahilig ako sa mga horror movie.”
Dahil sa digital platform ng ABS-CBN ito ipapalabas, mas sexy o mapangahas ba si Mariel (na unang covergirl sa digital edition ng FHM Philippines)?
“For this movie, hindi naman sexy,” mabining pasubali ni Mariel.
“More of graphic in a bloody way... Not really sexy, we concentrated on the horror aspect.”
Nakakontrata si Mariel sa Regal, at ikinakasa na ang Regal movie niya na ididirek ni Jay Altarejos.
Gusto ba niyang makaeksena sa TV o film project ang parents niya na sina Christopher de Leon at Sandy Andolong?
“No,” mabilis na pag-iling ni Mariel.
“Ayaw! Kasi, it’s weird. Out of all the people, I’m the most conscious with my parents.
“Of course, they’re the ones that you always wanna make proud... and never wanna disappoint.
“So, parang... I don’t wanna work with them na lang.”
Nasa cast ng pelikulang Across the Crescent Moon (2017) ang mag-amang Christopher at Mariel, pero wala silang scene together.
OK lang kina Christopher at Sandy na ayaw pa silang makaeksena ni Mariel.
“Siguro, later on, pero not now,” pakli pa ni Mariel nang usisain kung OK sa kanyang makatrabaho ang parents in the future.
NOEL FERRER: Mahirap nga namang makipagsabayan sa mga magulang na kilala na sa kahusayan nila sa pag-arte.
But knowing Boyet and Sandy, they’ll be more than supportive kay Mariel sa projects nito at siguradong aalalayan nila ang kanilang prinsesa.
We are excited to watch her onscreen actually. The last time sa “Panday,” she wasn’t required to do much.
Parang game naman si Mariel na umaksyon at magpakadaring - at heto nga, na enjoy pa ang paghohorror. Parang go getter siya at hindi lalamya lamya kaya’t exciting panoorin.
Good luck, Mariel!
GORGY RULA: Nakakatawa ang kuwento Mariel na hindi raw niya pala alam na buntis na si Natalie nung ginagawa nila itong Barbara Reimagined.
Naloka raw siya nang nalaman niyang buntis pala ito, dahil napapansin pa raw niyang mas malaki pa yata ang tiyan niya kesa sa tiyan ni Natalie.
Kaya nga na-challenge si Mariel na magpapayat, bilang paghahanda na rin sa pictorial niya sa FHM.
Pero malaking achievement na rin sa kanya na pumayat siya at nagwagi pa siya sa Binibining Pilipinas.
Dahil kuwento ni Manay Lolit Solis, sobrang taba raw talaga ni Mariel nung bata pa ito.
Nagulat nga raw siya nang nakita niyang nagawang pumayat ni Mariel ngayong dalaga na siya.