JERRY OLEA: Pinalakpakan ang pelikulang Madilim Ang Gabi sa block screening nito noong Agosto 16, Huwebes ng gabi, sa Cinema 8 ng Gateway Mall, Araneta Center, Cubao, QC.
Ang daming pumuri at nag-congratulate sa bida ng pelikula na si Gina Alajar, at sa direktor na si Adolf Alix Jr.
Phillip Salvador and Gina Alajar
Kabilang sa mga namataan namin sa block screening sina Zanjoe Marudo, Ricky Davao, Bembol Roco, Fanny Serrano, Jess Mendoza, Jeric Gonzales, Kirst Viray, Kyline Alcantara, Angeli Bayani, Pauline Mendoza, Mikee Quintos, Oliver Aquino, Tetay, at Erlinda Villalobos.
The cast of Madilim ang Gabi with some of the celebrities who watched the block screening of the PPP 2018 entry.
Nanaig ang pagiging artista nina Phillip Salvador at Elizabeth Oropesa, na kasama rin sa cast ng Madilim ang Gabi.
Kilala sina Ipe at La Oropesa bilang pro-Duterte, pero hindi nila alintana na lumabas sa pelikulang tumatalakay sa tokhang at drug cartel.
Markado ang cameo ni Rosanna Roces. Kahit ang taba-taba na ng katawan niya ay ang ganda pa rin ng kanyang mukha.
Ito ang pinakamatapang na pelikula so far ni Direk Adolf na nagsabi, “Kung may matatamaan po... bato, bato sa langit!
“Noong ipinalabas po ito last year sa Toronto film festival, may mga nag-message na naman ho at nag-comment sa mga ano...
“Sinasabi lang namin... iyun nga, maririnig po ninyo iyong boses ni President Duterte all throughout the film. Kasi, kumbaga, siya yung parang... hovering identity ng pelikula.
“Siya yung nagdadala kina Direk Gina at Kuya Ipe ng takot.
“So, sabi nila... siyempre ang reaksiyon nila [mga pro-Du30], one-sided. Bakit hindi ipinakita yung good side naman ng ano?
“But I guess, kuwento siya ng mga taong ito. Siguro, kung may magkukuwento naman ng kabilang side, di ba, baka maintindihan din nila yung pinagdadaanan nila.
“For the purpose of this film, interesado lang ako sa buhay nung pamilya. Kasi, feeling ko, lahat ng pamilyang Pilipino, may pinagdadaanan na ganung sitwasyon.
“Kasi, di ba, lahat tayo, may kapitbahay, may pinsan, may kaibigan na naapektuhan ng drug war.”
NOEL FERRER: Totoo ang sinabi mo, Tito Jerry, na merong malapit sa atin na naaapektuhan ng drug war.
Ang singer at music industry leader na si Rico Blanco ay naakusahang nagpapatakbo ng diumano’y drug den na Time Bar sa Makati.
Kilala ko si Rico, at hindi na nga siya naka-base dito sa Maynila. Malabong siya mismo ang involved sa droga.
Pero ayun, sumusuong sa pagsubok ang kanyang mga kasosyong nagpapatakbo ng kanilang bar.
Kudos to Madilim Ang Gabi. Sana dumating tayo sa puntong hindi kailangang humantong sa patayan lagi ang solusyon sa drug war.
Sana.
GORGY RULA: Kaninang umaga lang ay nag-usap kami ni Manay Lolit Solis.
Iinukuwento niya sa akin na ang daming mga kaibigan niya sa US, pati ang pamangkin niya, na manghang-mangha raw ang mga Amerikanong nakasabay nilang nanood ng Crazy Rich Asians.
Gandang ganda raw sila sa Asian countries, at kilalang-kilala raw nila si Kris Aquino.
Kaya proud daw silang mga Pinoy na kahit maiksi lang ang exposure ni Kris sa pelikula, maganda naman daw at nakaka-proud daw bilang Pinoy.
Sabi ni Manay Lolit, “Bakit hindi na lang ang magagandang lugar at masasayang kuwento natin ang isapelikula?
"Kapag sa mga international filmfest, gustung-gusto natin ipakita ang kahirapan ng bansa, ang squatters, ang drug war.
“Sana magpalabas naman tayo ng mga positive at magagandang kuwento ng Pilipinas, kagaya ng Crazy Rich Asians, na hindi makapaniwala ang mga Amerikano na may mga ganun kayamang mga Asians,” bulalas ni Manay Lolit.
Paulit-ulit niyang tinatanong sa akin bakit ganun na lang daw lagi ang pinapalabas na pelikula—kundi poverty, drugs, at mga negatibong bahagi ng bansa.
Marami naman daw magagandang kuwento, lalo na’t magagandang lugar dito sa atin.