NOEL FERRER: Sa column ng kaibigan nating si Salve Asis sa kanyang pahayagan kahapon, August 22, sinabi nitong sana ay hindi na idinaan sa social media ang hinaing ng filmmaker na si Khavn dela Cruz (ng Balangiga: Howling Wilderness) ang kanyang hinaing kundi nakisangguni na lang sa Cinema Evaluation Board (CEB) para sa kanyang concerns.
Si Salve ay miyembro rin ng CEB.
Heto ang kalalabas lang na sagot ni Khavn sa isinulat ni Salve kahapon:
"Magkita po sana tayo mamaya sa QCX: Quezon City Experience at doon po ninyo malalaman na mas mainam ngang mag-usap sa isang independent forum.
"Katulad po ng sinabi ko, dumulog na po kami sa Cinema Evaluation Board (CEB) na inyong kinabibilangan — para sa transparent na evaluation at rating ng members nito sa pelikula naming Balangiga: Howling Wilderness - 2018.
"Hindi po kami umapila (maski sinabihan po kaming umapila) dahil BAWAL po ito sa by-laws ng CEB mismo. Ang mga Grade B lang ang pwedeng umapilang maging Grade A. Ang mga No Grade ay No Grade na habambuhay.
"Pati nga po ang BAWAL na pag-ooverstay ng ibang miyembro ng CEB (4 years ang maximum) at ang BAWAL na conflict of interest ng ibang miyembro na sangkot sa pelikulang nirerebyu nila (ulinig ko'y mayroon ding mga miyembro na publicist ng pelikulang nagkaka-Grade-A or B — at tumatanggap pa raw ng payola sa mga presscon ng A/B films). Magandang mapag-usapan ang lahat ng ito sa independent forum mamayang 3pm.
"Magkita po tayo at hihintayin po namin ang inyong paliwanag.
"Marami pong salamat, Khavn"
Sisikapin ng independent na forum mamaya ang maayos at markadong pag-uusap na sana magdulot na magandang pagbabago.
Kasama ang PEP Alert, magiging masaya ito kahit mukhang tensyonado.
JERRY OLEA: Sa pagkakaalam ko, panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang italaga ang karamihan sa members ng CEB.
Noong panahon ni PNoy, napalitan ang mga nakaupo sa MTRCB pero nanatili sa puwesto ang karamihan sa nasa CEB.
Sa panahon ni Duterte, bago na naman ang karamihan sa nasa MTRCB... pero ang mga nasa CEB, sila-sila pa rin yata?
Sana... iyan ang linawin agad-agad!
GORGY RULA: Mukhang mainit na balitaktakan nga iyan mamaya.
Pero ewan ko kung matutuloy ang paghaharap nina Madam Salve at Direk Khavn dahil out of the country yata ang una.
Sinubukan ko rin siyang kontakin, hindi pa siya ma-reach sa ngayon.
Itong isyu sa CEB nga yata ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-post si FDCP Chairperson Liza Diño sa kanyang Facebook account na pagod na raw siya.
Hindi naman daw sila nagpapabaya. Lahat naman daw ng problema at hinaing ay hinaharap nila kapag lumapit lang sa kanila.
Sabi nga niya uli nang nakausap namin sa aming radio program sa DZRH, “CEB is a government agency, and there is a process that needs to be followed para maaksyunan ang mga bagay-bagay.
“Hindi puwedeng nagsalita lang tayo sa social media, e, aaksyunan na ng gobyerno agad.
“You have to write us a letter and tell us exactly ano yung mga bagay na kailangangsagutin ng ating CEB members.
“Mahirap na sa hangin lang sila nag-iimbento ng mga kailangan nila i-address na porke’t nababasa nila.
“That’s not how government works. I think that’s one. We have to understand the process first.
“Kung gusto natin ng solusyon, you go to the source, and discuss it with the source.
"How can you achieve solution kung ang solusyon natin ay para ma-address ang problema.
“Nandito lang kami, we’ve been waiting for them to send us the letter formally.
Si Ms. Diño ang isa sa haharap mamaya sa forum.
Sana maayos ito at mabigyan ng tamang desisyon kung anuman ang napagkasunduan.
Huwag nang pairalin ang init ng ulo at siguro ipagkibit-balikat na lang ang ibang makikisali na gusto lang magpapansin o magdunung-dunungan, maggaling-galingan.