GORGY RULA: Sa darating na Sabado, September 1, ay kuwento ni Snooky Serna ang mapapanood sa Magpakailanman. Siya rin ang gaganap sa sarili.
Ang rebelasyong ibabahagi ng aktres sa espesyal na episode na ito ng naturang drama anthology ng GMA-7 ay ang pagkakaroon niya ng dysthymic disorder.
Ano ba ang na-Google mo, Sir Jerry, sa karamdamang ito?
Pero ayon kay Snooky, ang dysthymic disorder ay parang mababang level ng bipolar.
Marami raw dahilan kung bakit siya nagkaroon ng ganun.
Pero malaki ang kinalaman ng pagpasok niya sa pag-aartista sa napakamurang edad na three years old, nung nadiskubre siya sa Wanted: Perfect Mother ng yumaong si Direk Lino Brocka.
Dagdag na kuwento ni Snooky, premature baby siya nang isinilang ng kanyang inang si Mila Ocampo. Six months at 20 days lang daw siya nang lumabas.
Miracle baby nga raw ang tawag sa kanya dahil ang buong akala nila ay namatay na siya. Kaya nga Milagros ang ipinangalan sa kanya.
Dahil sa napakabata niyang nagtrabaho, maaga raw siyang dumaan sa pressure, anxiety.
Kaya six years old pa lang siya nang unang nagka-menstruation. Pero tumigil ito nung 8 years old siya, at bumalik pagtuntong niya ng 10 years old.
Ganun ka-abnormal ang mga pinagdaanan ni Snooky, kaya isa raw yun sa mga dahilan kung bakit siya nagka-dysthymic disorder.
Inamin din ni Snooky na itong karamdaman niya ang isa sa mga dahilan kung bakit naghiwalay sila ni Ricardo Cepeda.
“I have to admit, yun ang main problem namin.
“Ricardo was a very good husband, wala akong masabi sa kanya.
"It was just that mahirap talagang pakisamahan yung isang taong... especially at that point, wala kaming trabaho, nawalan kami ng pera.
"'Tapos kailangan pa niyang sakyan yung mood swings ko, either mataas na mataas, haping-happy ako or down na down ako na ayaw kong bumangon sa kama, iiyak lang ako.
"Feeling ko, parang hopeless na hopeless ako," pahayag ng aktres sa PEP Troika.
Kaya pumayag siyang ipalabas na ito sa Magpakailanman para may matutunan daw ang mga manonood na maaaring dumraaan sa ganitong karamdaman.
“Gusto ko ma-enlighten ang tao about my mental illness.
“I want this story to come out as a story of hope and courage, and above all, faith.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag sinabing mentally challenged ka, e, kailangang katakutan ka na or hindi ka na bigyan ng chance.
"Everybody deserves a second chance talaga," sabi pa ni Snooky.
Halos 19 years daw siyang tini-treat ng isang psychiatrist, at hanggang ngayon ay meron siyang maintenance na kung saan nagti-take ito araw-araw ng anti-depressant at mood stabilizer.
Dito sa Magpakailanman, si Reese Tuazon ang gaganap na batang Snooky at pagtanda nito ay siya na ang gaganap.
Si Gary Estrada naman ang gaganap na si Ricardo Cepeda at si Gloria Diaz ang gaganap na si Mila Ocampo. Si Rechie del Carmen ang nagdirek.
JERRY OLEA: Andaming anecdotes tungkol kay Snooky all these years na nakakalokah.
Iyong taguri sa kanyang "Pagong" ay napagtatawanan niya.
Sabi ni Direk Joel Lamangan, sa kabila ng mga kagagahan ni Snooky ay gusto pa rin niya itong makatrabaho dahil magaling itong aktres.
Laging may puwang sa showbiz si Snooky!
NOEL FERRER: Malakas ang makakatapat ni Snooky sa Sabado sa Maalaala Mo Kaya.
Isang kuwento ng single dad na itinaguyod ang anak kasama ang mga magulang; umibig sa isang mabait at magandang dalaga; nagkaroon ng isang masaya at buong pamilya; nagtrabaho bilang isang company driver; naging mas mabuti at responsableng ama sa dalawang anak; kahit pagod ay pinipilit magkaroon ng oras sa mga anak; masiyahin at malambing na tatay; hindi nagtagal ay nagkaroon pa ng isang anak; dumating ang malaking dagok sa buhay; kinailangang operahan sa puso ang anak; ginawa ang lahat upang matugunan ang pangangailangan nito.
Ang madamdamin at pang-award na role na ito ay gagampanan ng anak-anakan kong si Joross Gamboa, kapareha ang datj niyang kasintahang si Roxanne Guinoo.
Grabe ang reaksiyon sa JoRox tandem. Ngayon, mas mature na ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa.
Nang matanong nga raw ang asawa ni Roxanne, mas kampante raw ito kay Joross kaysa sa isa pa niyang ex-boyfriend na si Jake Cuenca.
And let’s accept it, may magic ang JoRox tandem as they have both evolved as good and mature actors na may mga magandang pamilyang binubuo at itinataguyod.
Sa tapatang Snooky at Joross-Roxanne sa Sabado sa Magpakailanman at Maalaala Mo Kaya, ang panalo ay ang ating viewers.