JERRY OLEA: Standing Room Only (SRO) ang orchestra section ng Globe Auditorium (BGC Arts Center, Taguig City) nitong Oktubre 18, Huwebes, 12:00 MN, nang magtanghal doon ang Ben & Ben.

Ikaapat na gabi iyon ng Pinoy Playlist 2018, at so far, doon pinakamarami at pinaka-enthusiastic ang audience.
Ang lakas ng hiyawan at palakpakan sa kanila, at sinasabayan ng mga manonood ang mga kanta nila.
Unang kanta pa lang nilang "Sunrise" ay masiglang-masigla na ang crowd, na para bang 7:00 PM pa lang.
Waging-wagi ang renditions nila ng "Leaves," "Susi" (theme song ng pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral), "Bibingka" (pang-Christmas), "Maybe The Night" (theme song ng Exes Baggage), "Kathang Isip," at "Ride Home."
Walang kasabay na nag-perform ang Ben & Ben.
So far, sa kanilang performance pa lang magkakasamang nag-present ng certificate of appreciation ang tatlong curator ng Pinoy Playlist na sina Maestro Ryan Cayabyab, Moy Ortiz, at Noel Ferrer.

NOEL FERRER: Well, all is well!
Ibang klase naman kasi ang artistry ng Ben & Ben. Ang lyrics at and melody ng kanilang mga kanta, tunay na may sinasabi!
Umpisa pa lang ay hindi na umaalis ang mga tao sa Globe Theater para makapanood ng bandang pinasikat ng social media—at 12midnight, ha!
Sa March or April 2019 pa sila maglalabas ng album.
Puro personal appearances sa malls at schools at events kahit sa probinsya ang ginagawa nila.
At tunay ngang nakaka-proud ang mga batang ito. Sana lang hindi sila masagad sa sala-salabid na schedules nila.
Well, kung kami ni Tito Jerry ay na-enjoy ang Ben & Ben, si Tito Gorgy naman ay naka-focus sa OPM HitMen na sina Rannie Raymundo, Richard Reynoso, Chad Borja, at Renz Verano.

To each his own OPM.
Habang ang kaibigan ni Tito Jerry ay sa mga “bukol” naka-focus, kanino o sino ang naaalala mo habang kinakanta mo ang “Paminsa-minsan,” Tito Gorgy?
GORGY RULA: Tunog-millennial talaga ang mga awitin ng Ben & Ben, kaya sa mga kaedad natin, saglit nating natulugan.
Kaya tuwang-tuwa pa rin ako sa hit songs nung '80s at '90s, dahil hanggang ngayon ay naa-appreciate pa rin ito ng mga kabataan.
Talaga namang waging-wagi rin sa Pinoy Playlist 2018 ang isang oras at kalahating performance ng OPM Hitmen na sina Richard Reynoso, Chad Borja, Rannie Raymundo, at Renz Verano, di ba?
Mga awiting pinasikat nung era ng mga nanay at tatay nung mga kabataang nanood, at na-enjoy nila ito kahit hindi sila gaanong familiar sa ilang kanta.
Maganda pa rin kasi ang mga pinasikat nilang awitin na ilang beses na ring na-revive.
Kaya iba pa rin talaga ang mga OPM hit songs natin noon.
Hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin itong lumang hit songs na gustung-gusto naman ng mga kabataan natin ngayon.
JERRY OLEA: Ikalimang gabi na po ng Pinoy Playlist 2018 ngayong Oktubre 19, Biyernes, sa tatlong magkakalapit na venue ng BGC Arts Center, 26th corner 9th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig City.
Kabilang sa 17 performances tonight:
Wish Orchestra, Nicole Asensio, at Lady I (6:00-6:45 PM)
Ryan Cayabyab Singers, Reuben Laurente, at The 70’s Superband (7:00-7:45 PM)
Jacqui Magno, Robert Seña & Isay Alvarez, at Zion (8:00-8:45 PM)
Stages Digital: Bullet Dumas, Dingdong Fiel, at Intertwined & Bisaya Music Festival Contingents (9:00-9:45 PM)
Jon Santos, Zsaris, at Reggae Mistress (10:00-10:45 PM)
IV of Spades, at Both of Us (11:00-11:45 PM)