JERRY OLEA: Nakakahibang ang huling awit ni Bullet Dumas sa Pinoy Playlist 2018 concert niya noong Oktubre 19, Biyernes nang 9:38 PM sa Globe Auditorium, BGC Arts Center, Taguig City.
Pinagsabihan ni Bullet na itago o i-off ng audience ang kanilang mobile phones, at namnamin ang kanyang kanta na pinamagatang "Usisa."
Tama ba ang pagkarinig ko sa title ng latest song niyang hindi pa naire-release?
Hindi ba taghoy rin iyon? "O, Sisa."
Pasakalye pa lang ng awit ay pasiklab na, at nakakahibang na ang ibang manonood ay natawa.
Ang awit ay naghuhumiyaw, bumubulyaw, nagtutungayaw.
Pagtangis na sagad sa buto, tagos sa kaluluwa. “Ang panggagahasa ay lumalala!” patungkol ni Bullet sa Pilipinas nating mahal.
Sa huli ay tila hangal siyang naghahanap, “Basilio... Crispin... Basilio... Crispin...”
NOEL FERRER: Major contender si Bullet Dumas sa TULIRO Award mamayang closing ceremonies.
Pero mula sa kanyang successful na solo concert sa Music Museum, puno rin ang performance niya kagabi.
Ibang klase rin talagang magperform si Bullet!!!
GORGY RULA: Sa larangan ng pelikula, parang Cinemalaya na rin ang Pinoy Playlist.
Malayang naipapahayag ang gusto mong iparating sa lahat.
Walang magbabawal. Bukas ito sa lahat.
Sa mga awitin naipapahayag ang saloobin.
Nagkakaisa ang lahat, para sa industriya ng musika.