JERRY OLEA: Melancholic ang veterant talent manager na si Manay Lolit Solis kapag panahon ng Undas.
“Siyempre, naaalala mo yung mga nawala, gaya sina Douglas [Quijano], di ba?
"Si Angge [Cornelia Lee], kahit na lagi kaming nag-aaway," bittersweet na pagngiti ni Manay Lolit nang makatsika namin nitong Oktubre 23, Martes, sa La Chandelle Events Place, Mother Ignacia Avenue, QC, kung saan inilunsad si Marian Rivera bilang endorser ng Reverie by Beautederm Home products na soy candles & air freshener.
“O si Alfie [Lorenzo], na hindi ko naman pinapansin pag inaaway ako. Naaalala ko sila talaga.”

Magagamit niya ang soy candles ng Beautederm Home bilang paggunita sa mga kaibigang pumanaw na.
“Oo! Oo! Alam mo nga, dahil sa ano ko, napanood kong koreanobela, na dapat daw sa bahay mo, lagi kang may nakadinding kandila,” maigting na sambit ni Manay Lolit.
“For the spirits that you love, na hindi umalis. Nakakadagdag yun sa production cost ko.”
Napabuntung-hininga si Manay Lolit, “Siyempre, gusto mo, yung safe na candles. Medyo mahal yun!
“Basta, kailangan daw, lagi kang may nakasinding kandila, para yung spirit ng mga mahal mo, they’re around.
"Sa koreanobela ko yun nakuha, ha?! Noong napanood ko, buy agad ako ng sampung candle!
GORGY RULA: Hindi lag mga kandila ang dagdag sa budget ni Manay Lolit Solis, 'no?
Bukod sa pagkain, pagamot at grooming ng 38 dogs niya, may budget din siya sa mga bulaklak.
Sa loob ng isang linggo, nagbabayad daw siya ng mahigit dalawang libong piso sa mga bulaklak na inilalagay sa bahay.
Paniniwala raw iyon ng mga Indian na dapat merong bulaklak sa loob ng bahay.
Sabi pa ni Manay Lolit, kapag natutuyot na raw ang mga bulaklak, itapon daw kaagad dahil ina-absorb daw ng mga ito ang negativities sa iyo.
Mabuti pa raw noong may Startalk pa, nakakalibre siya ng bulaklak. Pero ngayon ay kailangan na niyang bumili linggo-linggo.
NOEL FERRER: Ako naman, habang isinusulat natin ito, humabol naman sa Undas ang kasamahan at kaibigan nating si Bayani San Diego, entertainment columnist ng Philippine Daily Inquirer.
Tumawag na sa HR ng Inquirer ang sister niya na nagsabing sumakabilang-buhay na si Bayani.
Sabi ng kapatid niyang si Gina, “Our family is deeply saddened by the untimely passing of my brother, Bayani San Diego, Jr., in the morning of October 24. Please pray for his eternal repose. We love him and we will miss him."
Hay, ingat tayo at pahalagahan ang buhay habang nagbibigay galang sa patay.